"OOOooooooohhhhhuuuuuuuuuuuuu"
Nagsimula ang araw sa isang malakas na tunog ng tambuli(torotot na gawa sa sungay ng hayop. Yung kadalasang senyas sa mga pelikula gaya ng lord of the ring kapag simula na ng gyera). Hudyat yun para dagli kaming magtungo sa plaza sa gitna ng Tanggulan kung saan unti-unting nagtitipon ang lahat ng residente sa Kanlungan.
Nasa harap kami ng isang entablado, sa pagitan namin ay may flagpole. Nakapila kami sa hanay ng bawat Balangay kung saan pinangungunahan ng bawat Cabeza. Sa likod namin ang ibang mga residente. May mga Duwende, Kibaan(*1), Alan(*2), Aghoy(*3) at iba pang nilalang na may hawig sa itsura ng tao. Mayron din mga Tikbalang(*4) at mga babaeng bersyon nito na Anggitay(*5).
Ang sabi ni Talas marami pang ibang residente pero ang iba ay ayaw makisalamuha sa mga tao.
Dumating sila Maestro kasama ang ilan pang delegado ng Kanlungan na hindi ko pa kilala. Sakay sila ng mga hayop na kung tawagin nila ay uniraw. Mga tamaraw na may isang sungay sa noo. Pinilit na unicorn. Parang kalabaw na pinaglihi sa rhino. Laftrip.
Umakyat sa entablado ang lahat maliban kay Gregorio del Pilar na dumiretso sa flagpole, at sa isang lalaking humarap sa aming mga Balangay.
"Sino yun?" Tanong ni Tifa kay Langib.
"Sya si Ginoong Julian."
"Hulaan ko, Julian Felipe(*6) ba? Yung nagcompose ng music ng Lupang Hinirang?"
"Ata. Ang alam ko yung Bayang Magiliw eh."
"Ugok parehas lang yun. Letra yung sinasabi mo."
Sa di po nakakaalam, letra rin ang tagalog ng lyrics.
Itinaas ni Ginoong Julian ang kamay nya bilang kumpas at nanahimik ang lahat at inilagay sa kaliwang dibdib ang kanang kamay. Kasabay ng pagbagsak ng kamay nya hinatak ni Goyong ang watawat ng Pilipinas pataas sa flagpole.
At nasaksihan ko ang pinaka nakamamanghang flag ceremony sa balat ng lupa. Mga tao, enkanto, diwata at lamanglupa, sabay-sabay kumakanta ng Lupang Hinirang. Napakamahiwagang tanawin.
Sa kasamaang palad iyon rin ang pinakapanget na bersyon ng lupang hinirang na napakinggan ko buong buhay ko. Mantakin nyo may kasabay kaming boses kabayo, duwende at impaktong kumakanta. Delubyo! Isipin nyo nalang lahat ng kapitbahay nyong sintunado, naglasing tapos nangaroling sa inyo. Di ba ang sarap sabuyan ng asin?
Sa huli parang nangingilid na ang luha sa mata ni Ginoong Julian habang kumukumpas at pinakikinggan ang bagong rendisyon ng kanta niyang di pwedeng ipatugtog kapag laban ni Pacquiao. Nakakaiyak pakinggan. Parang tunog ng kalabaw na nanganganak ng xerox machine.
Pagkatapos nag-alay ng talumpati si Lapu-lapu tungkol sa kahalagahan ng pakikipagkaibigan, karangalan, katapatan at kung ano pang kakornihan na hindi namin pinapakinggan talaga dahil sa kasabikan namin sa LNB. Nung nakaramdam syang walang nakikinig sa kanya, pinutol nya na ito at pinasiyananan ang pagsisimula ng Libangan ng mga Bayani.
Ilang paputok sa ere ang naging opisyal ba pagbubukas nito.
Isipin nyo na ang pinaka engrandeng pista na nakita nyo. Walang binatbat yun sa Libangan ng mga Bayani.
Andaming tao. Nagtaka ako kasi higit ito sa bilang ng alam kong populasyon ng Kanlungan. Yun pala umattend din daw pati mga dating residente.
Naguumapaw sa kulay, kasiyahan at higit sa lahat, pagkain.
Bawat madaanan mo may mga stall na nabebenta ng pagkain sa murang halaga. Ang iba ay libre pa o tumatanggap ng barter. Yun yung pagpapalit ng isang produkto sa isa pa na may kahalintulad na halaga.
BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...