"ANAK NG MGA MAGULANG! KAKAAYOS KO LANG NG DINGDING NA ITO MAY BUMANGGA NA NAMAN!" Naghuhumiyaw na sigaw nung nakaJerseyng Hagrid.
Nagmamadali syang lumapit, inihanda namin ang aming mga sandata ngunit nilagpasan nya lang kami. Mas pinagtuunan nya ng pansin ang pader na binanggaan namin. Kamut ulo ito pinagmamasdan ang pinsalang dulot ng pagkakabangga.
"Kung tatamaan ka nga naman ng kamalasan oo, sawang sawa nakong ayusin to.... NAKO NAMAN! PATI YUNG BAGONG SALA SET KO NAWASAK! #@$%!" Mariing daing nito nung napabaling sya sa nabangga rin naming mga upuan, lamesa at iba pa.
Lumingon siya sa amin sa unang pagkakataon. Akala ko hindi nya kami napansin, yun pala hindi nya talaga kami binigyang pansin nung una. Pero nung lumatay na sa amin ang kanyang mata, napabalikwas ako nang kaunti.
"Sino ang may kasalanan nito?" Nagngangalit na baling nito sa amin.
Bigla akong tinuro ng mga kasamahan ko. Lahat sila! Mga talipandas! Pwera pala si Mirasol na hindi alam kung saan tuturo pero hinawakan ni Ever ang kanyang daliri at itinutok sa akin.
"Teka wala namang ganyanan, bakit ako? Eh magkakasama tayong lahat na nasakay dyan." Reklamo ko.
"Wag ka nang umangal, sa ganitong mga pagkakataon ang pinuno ang dapat nagsasakripisyo para sa mga kasamahan nya." Sabi ni Makie.
"Kailan pa ako naging pinuno?!"
"Kanina lang, nung binangga mo yung pader."
"Hala, paano ko babanggain yan eh hindi naman naman ako ang nagmamaneheno! Ikaw yung drayber kaya!"
Nagtakip sya ng mukha nya at nagpanggap na umiiyak.
"*monotone voice* kung yan ang nais mo, ang isadlak ako sa kapahamakan. Tatanggapin ko. *robotic na hikbi* Oo, ako na yung may kasalanan."
Tinignan ako ng lahat nang may mga matang naninisi. Yung kapre napapailing pa sa akin. Feeling close badtrip.
"Sige na, ako na yung nagbangga. Ako na yung drayber, ayan oh tignan nyo, broooom broooom beeep beeep, galeng ko mag drayb diba? Drayber ako eh. Rakenrol" Sarkastiko kong sabi sabay "Sorry." sa dulo.
"Ikaw pala ang lapastangang sumira ng aking kabahayan! Anong sorry?! Magbabayad ka sa ginawa mo!!" Galit na sigaw ng Kapre sakin.
"Magkano ba? May mga ginto kami rito kung gusto mo." Pabiro kong tugon.
"Nakuha mo pang mamilosopo! At anong gusto mong sabihin sa akin? Anong balak mong gawin ko sa mga batong dilaw na yan, walang halaga ya! Nagkalat lamang iyan sa kapaligiran!"
"Hah? Anong pinagsasabi mo?"
"Totoo yun." Bulong ni Tifa. "Sagana ang Pinas sa ginto. As in makakakita ka nito halos kahit saan. Pati kasangkapan natin at palamuti normal lang na gawa sa ginto. Naubos na yun ng mga dayuhan ngayon pero sa mundo nila iba ata ang sitwasyon. Kaya di natin sila makukumbinsi sa mga ginto o anuman. Tignan mo ang paligid."
Lumingon-lingon ako at namangha. Doon ko lang napansin na napaka ganda ng bahay, at karamihan ng pader at gamit ay gawa sa ginto tulad ng doorknob, salamin, muwebles, mga inukit na pigurina.
"Anong gagawin natin?" Tanong ko.
"Ewan ko. Benta mo nalang kaluluwa mo?"
"Salamat sa concern bestfriend, you're so kind."
"I try my best."
"Ano, wala?!" Tanong ni Kapre. "Wala kayong gagawin para panagutan ang paninira ninyo sa bahay ko? Bakit hindi nalang kaya..." inilapit nya ang mukha nya sa amin. "Buhay nyo ang kapalit?"
BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...