"Sinasabi ko na sa inyo, hindi. Hindi tayo maghihiwalay." matigas na pagtanggi ni Makie.
"Lubos naman akong nagbubunyi at ganyan pala ang pagtingin mo sakin. Pero kailangan na nating maghiwalay, para rin sa atin ito. para hindi na magpatuloy pa ang sakit. Its not you, its me." pagdadrama ko.
"........ Lul."
Aruy.
"Pero wala na tayong ibang magagawa, oo sinabi nga ng ginoo na liblib yung daanan pero sa dami nila malamang sa hindi, may makakakita at makakakita sa atin. Mas lalo pa kung magkakasama tayo." paliwanag ni Noli.
"Ngunit sa panukala mo mas lalo lang tayong manganganib kung hindi sapat ang bilang natin para protektahan ang isa't isa."
"Kaya hahatiin natin sa patas na paraan ang grupo ayon kakayahan nating lumaban. Sa gayong paraan, hindi tayo madaling mamataan at kung makita man tayo makakalaban parin tayo nang maayos."
Ang pinagtatalunan namin ay kung paano makakatakas mula sa pinagtataguan namin palabas ng bundok nang hindi nakikita ng mga kalaban. Isang tila imposibleng gawain sa dami ng mga matang naghahanap sa amin. Malinaw na ang pagtakbo nalang para tumakas at umasang hindi mahuhuli ay hindi mabuting desisyon. Lalo pa't sa bilang naming pito, hindi kami makakakilos nang maayos sa kapag dumating ang pagkakataong kakailanganin naming lumaban. Kung magawa man naming lumaban, para narin naming hinanda ang sarili namin sa ginintuang plato para ihandog sa kalaban.
Kahit gaano ka man kagaling sa pakikipaglaban, ang pito laban sa libu-libo ay kailanman hindi magiging maganda ang resulta. Lima laban sa libo kung hindi mo ibibilang ang dalawang bata.
Kung kaya nagbigay ng panukala si Noli na hatiin sa dalawa ang grupo upang mabawasan ang tyansang makita kami ng kalaban.
"Naiintindihan ko ang punto mo pero tingin ko hindi iyon magandang ideya." hinawakan ni Tifa ang balikat nya. Tumaas ang kilay ko. "Ang isang grupo dadaan sa sinabi ng ginoo, pero yung isa pa saan dadaan? Base sa nakikita ko mula rito wala nang madadaan na may matataguan. Para narin natin silang inutusang magpakamatay nun."
Ang sinasabi ni Jacinto ay isang di pansining daanan na natatakpan ng mga halaman na kaya lamang daanan kapag nakapila sa isang linya. May punto ang gusto ni Noli, dahil walang makakapagsabi na mula sa itaas hindi kami makikita ng mga kalaban na para kaming nasa fieldtrip sa may pagawaan ng lapis na nasa isang mahabang pila, mabagal at walang katuturan.
Kung dadaan ka sa iba, kalimutan mo na. Walang ibang daanan kundi matatarik na bato. Kapag nagmadali ka madadali rin ang buhay mo. Bukod pa run, ilang hakbang palang makikita kana ng mga halimaw na nasa kalangitan.
Ano sila? Mga wakwak, at ek-ek. Pfft, chicken feeds. Kung may mas dapat kang katakutan ay yung nagbigay ng pangalan sa kanila. Kung naging magulang mo yun baka Aw-aw pangalan mo ngayon. Yung nga lang madami sila. Ay di yun dapat tawanan.
"Kung magkasunod nalang? May ilang minutong pagitan?" tanong ni Noli.
"Hindi ko makita yung lohika run." ani Makie. "Papaano kung sa gitna ng daan maligaw ang isang grupo o may mangyaring kung ano man na mawalan tayo ng komunikasyon, paano tayo magkikita uli tun? Mas maganda parin magkakasama tayo."
"Pwede pong magsalita?"
"Oo naman Ever, wala naman samin bibig mo eh." sabi ko. "Saka nagsasalita kana." Pinanliitan nya lang ako ng mata.
"Tutol po kaming dalawa ni Mira. Ayaw kasi naming maghiwalay. Kung magkasama naman kami sa isang grupo, lubos na magiging mapanganib iyon para sa grupo namin."
Walang makatangi run. Hindi kami bato para paghiwalayin ang kambal. Pero ang ibig sabihin nun mapupunta sila sa grupo ng tatlo o apat. Kung apat, mahihirapan ang dalawang taong lumaban habang dinidepensahan ang mga bata. Wag na nating pagusapan kung sa grupo ng tatlo.
BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasíaAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...