KABANATA XLVIII - Interview with a Katipunero

7.5K 633 161
                                    

Kung tutuusin pumasok na ito sa isipan ko noon.

May ilang senyales na sa aking paulit ulit na panaginip. Ang malaking labanang nagaganap. Ang lumang kasuotan ng magkalabang panig. Ang mga sandatang masasabi mong may pagka-sinauna. Ang mukha sa repleksyon sa hawak kong bolo. Namukhaan ko ito pero hindi ko makilala dahil may pagkakaiba ito kumpara sa mukha sa sampung pisong papel. Ang pagkakabaril ko sa isang kagubatan. Pumasok na sa isipan ko, pero sa sobrang katawa-tawa ng sagot isinantabi ko ito sa aking isipan. At sa bilis ng mga sumunod na pangyayari sa nakaraang mga linggo naitabi ito sa kasulok-sulukan ng aking kamalayan.

Si Andres Bonifacio(*1) ang lalake sa panaginip ko.

Teka di ata maganda pagkakalarawan ko. Ang alake sa panaginip ko?... Parang ang bakla pakinggan. Rakenrol.

Mas tama sigurong sabihing ang napapanaginipan ko ay ang nakaraang buhay ni Bonifacio.

Pero ang rebelasyong iyon ay nagresulta rin sa maraming katanungan: Bakit ako? Anong relasyon ko sa Supremo at napapanaginipan ko ito? At bakit naririnig ko ang boses nya sa ilang pagkakataon? Atbp.

Pero walang saysay kung tatanungin ko lang ito sa aking sarili. Mabuti na lamang ay nasa harapan ko ang may hawak ng kasagutan.

"Tila naguguluminahan ka Milo. Katanggap-tanggap dahil alam kong maraming bumabagabag ngayon sa iyong isipn. Aalukin sana kita ng makakain at inumin upang mapawi ang kaguluhan ng iyong isip ngunit sa kasamaang palad wala akong maihanda."

"O-okay lang po, hindi naman po ako nagugutom." kinakabahan kong sagot.

May ganon syang aura. Mabigat. Napakamisteryoso. Kakabahan ka kahit pigilan mo.

"Kasinungalingan. Nagugutom ka."

Napatda ako. Hindi dahil nahulaan nyang totoo ngang nagugutom ako kahit itinanggi ko. Kundi dahil sa pagkakasabi na parang alam nya mismo ang aking nararamdaman. Na tila natural lamang na malaman nya ito. Kinilabutan ako sa di malamang dahilan.

"Wag na nating patagalin. Narito ka para sa bertud." sabi nya. Isa itong pahayag at isang di katanungan

Tumango ako. "...Pero bukod po run meron po akong mga-"

"Katanungan? Oo alam ko. Anong nais mong malaman? Sasagutin ko lahat. Marapat lamang yun sa dami ng pinagdaanan ninyo makarating lamang rito."

Napakunot ang aking noo. Parang alam nya ang aking iniisip. Pero hindi ko muna ito pinansin, dahil lumilipad sa aking isipan na naguguluhan ang mga katanungang nais kong mabigyan ng linaw. Ngunit hindi ko alam kung ano ang uunahin. Bakit sya narito? Anong kinalaman nya sa akin? Bakit ipinagawa ni Aguinaldo ang Lupa ng Hinirang na layong tulungan ang mga Napili na makarating sa kanya kahit magkaaway sila?

"Kayo ba yung nasa panaginip ko?" sa huli ito ang aking itinanong.

"Ako nga." walang gatul nyang sagot.

"Pati yung boses na naririnig ko minsan?"

"Tama, ako nga rin yun."

Tama ang hinala ko sya nga yun, kumpirmado. Pero bakit? Ang sunod kong tanong ay ang nais ko talagang malaman.

"...Kayo ba ang tatay ko?"

"BWAHAHAHAHA! Ay sorry! Natawa ako." Pumalahaw nya ng tawa, tumalsik pa ang makasaysayan nyang laway sa direksyon ko. Medyo bastos uh. Pinigilan nya rin ito sa huli at hirap na nagpatuloy. "Ipagpaumanhin mo, hindi ko lang lubos maisip kung bakit mo naman nasabi yan. Yun ang pinaka nakakatawang narinig ko sa ilang dekada. Hahaha ehem ehem." ubo nya sa pagpigil ng tawa. Nawala tuloy yung pagiging misteryoso nya.

Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon