KABANATA I - Ang Simula

31.4K 1.3K 335
                                    

Hindi ko alam kung papaano ko sisimulan to. Nung huli akong nagsulat nang may kabuluhan ay nung kailangan naming magbuod ng noli me tangere kung saan tunataginting na 76 ang natanggap ko. Dahil aminin na natin, sino bang naeexcite magbuod ng noli? (Bukod kay Tifa siguro) Kaya nga ang sabi ni Taguro-tawag namin sa guro namin sa Fili na puro biceps ang buong katawan- walang kulay at buhay ang gawa ko. Malamang. Paano ko lalagyan ng buhay yun, eh puro tragedy yung kwento, gusto yata nya lagyan ko ng super powers si Ibarra para may "kulay at buhay" ang kwento nya.

Kailan ko lang ba sinulat yun? Malamang ilang linggo pa lang. Yata. O buwan. Hindi ko na alam, at hindi na rin mahalaga para sakin yun. Dahil sa loob lamang ng isang sandali nagbago ang buhay ko. Lahat ng alam ko, pinaniniwalaan ko, at pananaw ko sa mundo nabasag sa isang kisapmata. Lahat ng akala kong tunay ay peke at lahat ng akala kong peke ay tunay.

Ang mga bagay na akala ko likha lamang ng malikot na imahinasyon ng iba, totoo pala. Hindi ko na alam kung ano ang realidad sa ilusyon lamang. Hindi na ako ang dating taong kilala ko. At minsan napapaisip ako, tao ba talaga ako?

Kung itong sinusulat kong ito ay gegradan ni Taguro makakakuha kaya ako ng matataas na marka? Kulay at buhay pa? Asa ka pa Milo.

Pero lumalayo nako sa dahilan ng pagsulat ko.

May ilang dahilan kung bakit ako nagsulat nito.

Una, dahil sa tingin ko kailangan ko ito. Sabihin na nating ang pagsulat ko nito ang magsisilbing pisi ko para mapatunayan sa sarili ko na hindi pa ako nababaliw. Na ako parin ay ako. Na lahat ng naganap ay tunay at hindi gawa-gawa lang ng utak ko. Na meron talaga akong ordinaryong buhay bago nangyari ang lahat.

Kaya kung sino ka man na nagbabasa nito, hindi ko alam kung paano mo ito nakuha, kung naipasa lang ba sayo ito o kung ikaw nakatuklas nito sa ilalim vending machine, hindi kita kilala pero kung sino ka man, nagpapasalamat ako sayo.

Dahil nakasulat dito lahat ng nangyari. Lahat ng pinagdaanan ko, kung paano nawala ang ordinaryong buhay ko. Wala akong balak paniwalain ka, dahil kahit ako, sa kabila ng lahat ng nakita, narinig at naranasan ko, nahihirapan pa rin akong maniwala. Ang gusto ko lang, may kahit isang tao na makakaalam ng nangyari sa akin. Na kapag dumating ang panahon na minalas ako, at mawala na nang tuluyan, may makakapag patunay na may isang binatilyong nagnangangalang Milo ang minsa'y naglakad sa ibabaw ng mundo.

Oo. Milo ang pangalan ko. Milo Hernandez. Gaya nung chocolate drink. Wag mo nang laitin, o kaya tawaging akong ovaltine o kung ano man, gasgas na yan.

Pangalawa, gusto kitang bigyan ng babala. Bakit? Dahil nababasa mo ito.

Hindi ko alam kung paano gumagana to, pero sabi ni Talas isipin ko lang daw na sinusulat ko ito sa baybayin(o alibata, whatever, di ko pa rin alam pinagkaiba nila.) at lilitaw na raw na baybayin/alibata itong sinulat ko sa normal na tao. Yung weirdong notebook na raw ang bahala sa lahat. Regalo raw kasi ito ng isang diw*scratched part*. Ooppss ayokong maging spoiler. Haha. Pero sa mata ng isang Napili lilitawan ito sa kinagisnang nyang lengwahe. Filipino man, Bikolano, Kapampangan atbp.

Sino si Talas? Darating din tayo dyan.

Tinanong ko kung ok lang ba kung yung natitira kong panda ballpen ang gamitin ko sa pagsulat, ok lang daw dahil mahihirapan lang ako pag pluma ang ginamit ko. Wag ko lang kagatin yung dulo kasi nginatngat nya na yun. Freak. Nakikingatngat ng di nya ballpen. Buti nalaman ko agad, muntik ko nang sipsipin yung dulo nung namental block ako.

Bakit nga ba kita binabalaan? Simple lang. Dahil kung nababasa mo ito, dalawa lang ibig sabihin nun. Isa ka sa kanila, o katulad ka namin. Isa ka ring Napili.

Kung isa ka sa kanila-na imposible dahil bago mo pa mabasa to masusunog na kaagad ang weirdong notebook sa kamay mo- binabalaan kita. Dahil kung isa ka nga sa kanila, bilang na ang mga araw mo. Dahil pinapangako ko, ako mismo ang unang tutugis sa inyong lahat. At hindi ako titigil hangga't hindi kayo nauubos.

Pero kung katulad ka namin, binabalaan parin kita. Nanganganib ang buhay mo. Dahil isa kang Napili. Patunay nyan na naiintindihan mo itong mensahe ko. Alam mo man o hindi kung ano ang mga Napili, ginagarantya ko sa iyo, dapat kang mag-ingat, dahil tinutugis nila tayo, at kapag nahuli ka nila, gugustuhin mong mamatay nalang kaysa naranasan ang gagawin nila sayo. At wag kang magalala, dahil matutupad ang gusto mo, papatayin ka rin nila pagkatapos.

Pero no pressure, act casual lang. Nasa paligid lang sila at naghahanap. Wag mong ipapahalata na may nalalaman ka na. Maging mapagmatyag ka. At maghintay. Darating kami para iligtas ka. Kayo. Tayong mga Napili. Gagawin ko ang lahat maprotektahan lang tayong lahat. Hindi na ako makapapayag na malagasan uli ng kakampi, kaibigan, at mga minamahal. Hindi na muli.

Lahat ng nakasaad dito ay tunay na nangyari. Kung hindi ka naniniwala, tumigil ka na sa pagbabasa, sunugin mo ang weirdong notebook, kalimutan mong nakita mo ito, bumalik ka sa normal na buhay mo at umasa nalang tayo na hindi ka madamay sa mga magaganap.

Bibigyan kita ng pagkakataon ngayon para magisip. Kung gusto mong manatiling normal, itigil mo na to. Salamat nalang sa pagbasa. Pag itunuloy mo pa baka di ka na makabalik sa ordinaryong mong buhay. Magisip ka muna bago mo ipagpatuloy ang pagbabasa sa susunod na talata.







Kung nagbabasa ka pa ngayon ibig sabihin naniniwala ka, wala nang atrasan, ipagpatuloy mo ang pagbabasa. Gawin mo itong survival guide habang wala pa kami. Nakasulat din dito kung papaano mo mapoproteksyunan ang sarili mo laban sa kanila at kung ano ang dapat mong gawin kapag pakiramdam mo may nagmamanman na sayo. Basahin mo ito ng maigi.

At marahil ang pinaka importante sa lahat, wag na wag mong ikukwento sa iba ang tungkol sa notebook na ito at kahit anong nakasulat sa loob, kahit sa pinaka matalik na kaibigan mo. Dahil kung may isa man akong napatunayan sa lahat ng ito, iyon ay hindi lahat ng nakikita mo ay tunay. Kung sino ang akala mong kakampi mo, sila pala ang magkakanlulo sa iyo sa kapahamakan. Iyon ang masakit na katotohanang nagpabago ng pananaw ko. Magingat ka sa pagkakatiwalaan mo.

Muli, nagpapasalamat ako ang binabasa mo ito hanggang dito, at sana makatagal ka hanggang mahanap kita. Hindi kita tinatakot, nagpapakatotoo lang ako.

Ang mga susunod na pahina ay tungkol sa kung papaano nagsimula ang lahat hanggang sa huling pangyayari bago ko isinulat ito. Uulitin ko, lahat ng mababasa mo ay totoo, kahit gaano pa man ito mukhang hindi kapanipaniwala at mukhang kalokohan lang. Sana lang pagkatapos mong basahin ito, hindi lang 76 ang igegrade mo.

Handa ka na ba? Sisimulan ko na lang ang kwento ko sa araw kung kailan naganap ang lahat...


Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon