*Napagdesisyunan kong ipost ito pakunswelo*
--------------------------------Isang araw habang ako'y nagsususulat lumapit sa akin si Jazz at tinanong kung mayroon pa akong ibang kwaderno. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya para gayahin ako ngunit hindi ko siya masisisi. Minsan kailangan mo ring isulat ang nilalaman ng iyong damdamin upang mailabas mo ang mga bagay na hindi mo maipamahagi sa iba. Kung kaya't binigyan ko siya ng ilang pahina ng aking kwaderno.
Pero ang totoo nyan ay gusto ko lang pagtawanan ang kalahig manok niyang sulat kamay.
Ganun na lamang ang gulat ko nang malamang mas maganda pa ang sulat kamay niya sa akin. Bwisit siya.
Gayunpaman nung mabasa ko ito ay labis akong napahanga at ilan sa mga katanungan ko ang nasagot kung kaya hiningi ko ang permiso niya upang idagdag muli sa kwadernong ito. Hindi ko ito nakuha ng mura. Ilang hukay ang ginawa ko upang manghuli ng bulate mabayaran lamang siya.
Kung kaya inyong tunghayan kanyang kwento.
~~~~~~~~~~~~~~~~
Ito ay naganap ilang araw bago ipagdiwang ang Libangan ng mga bayani.
Ako ay nasa gitna ng isang sagradong Misyon.
Isang pakikipagsapalarang balot ng panganib. Paglalakbay sa lupaing hindi pa naatatapakan ninuman. Upang matuklasan ang pinakaaasam na bagay na kayang ihandog ng mundo.
Ang pinakamasarap na bulate.
May kutob kasi akong matatagpuan ko iyon sa Kanlungan.
Ngunit para saan? Para kainin? Hindi, mas higit pang kapanapanabik.
Para inumin.
Hayaan mong ipaliwanag ko. Isang araw makalipas ang mahabang pagsasanay na aming isinagawa ng binibining Makie sa mga kabataang Tagumpay, nakaranas kami nang matinding pagkahapo. Mabuti na lamang at pinaghandaan kami ng inumin ng binibining Tifa, at tamaan man ako ng kidlat kung nagsisinungaling ako kapag sinabi kong ang mga timpla niyang inumin ang pinakamalinamnam sa sansinukob. Isa itong biyayang nagkatawang likido.
Ngunit ang inihanda niya nung araw iyon ay namumukod tangi sa lahat. Walang pagsidlan ng tuwa ang aking panlasa nung akin itong matikman. Hindi ko gustong mawalay sa lasa nito kung kaya akin itong minumog bago lagukin.
Ayon sa binibini, isa raw itong Latte.
Nung sandaling iyon dinalaw ako ng isang inspirasyon. Ang pinakamasarap na inumin ay nararapat isabay sa pinakamasarap na pagkain. Ngunit mas lalo na siguro kung pagsasamahin ko ito.
At doon ko nakonsepto ang maalamat na inumin na paniguradong mailalambag sa pahina ng kasaysayan.
Ang maalamat na Bulatte.
O bulateng latte.
Naiisip ko pa lamang hindi ko na maiwasang tumilaok.
Hindi ako baguhan sa kagubatan, nung ako'y sisiw pa lamang ay sinasama na ako ng aking ama sa pangangaso. Nagdulot ito ng kalituhan musmos kong isipan. Asong nangangaso? Ibig bang sabihin nanginisiw ako? Kung kaya't ang paglalakbay sa gubat ng Kanlungan ay isang gawaing kinagagalakan ko sa tuwina.
Ngunit ang Kanlungan ay hindi paratin maamo. Sa bawat sulok nito ay may panganib na naghihintay. Isa itong paraiso ngunit sa taong pabaya maaring ring impyerno.
Sa pagitan ng pagsasanay at pangangaso nililibot ko ang Kanlungan. Pangunahing dahilan ay upang pag-aralan ang topograpiya nito bilang paghahanda sa nalalapit na palaro. Kasama narin dito ang pangangalap ng materyales na maaaring makatulong samig Balangay. Sa mga pagkakataong yaon, madalas kasama ko ang binibining Tifa. Ang binibini ay isang bola ng kulikuti(curiosity), lahat ng bagay ay nais nyang matutunan. Bawat halaman, hayop, tanawin na hindi makikita sa labas na mundo ay kinababaliwan niya. Sa saglit kong nakalingon ay nasa isang puno na siya, niyayakap ang isang higanteng gagamba o kinukunan ng larawan ang mga bulaklak sa bangin. Masaya siyang kasama ngunit malalagasan ako ng balahibo sa kanya, kung papipiliin itatali ko sya kay kaibigang Milo.

BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...