Ang swerte ko talaga.
Sa loob nang limang araw na palugit, wala pang bente-kwatro oras nakaharap ko na kaagad ang halimaw na natatakam sa buwan at ang kalabang pinaiiwasan sakin. Kumbaga sa RPG, kakalabas ko palang sa starting town Final Boss kaagad ang naencounter ko. Sana hinayaan muna akong maglevel up man lang.
Hindi pa nakakalubag loob na nakabitin ako sa tore at anumang oras pwedeng mahulog. Makababa man ako, nasa ibaba naman ang Batingaw.
Ang swerte sweeeerte ko talaga.
"piNiLiiii..." Dumaloy na parang kuryente sa katawan ko ang boses ng Bakunawa. Katulad ito ng nasa panaginip ko. Isang boses na magpapanginig sa buto mo sa katawan.
"....Shenron, ikaw ba yan? Pwede bang magwish?" Tanong ko.
Umangat ang ulo nito na parang cobra. Ang parang paikot na palikpik nito sa palibot ng ulo bumuka at kuminang ito sa sinag ng araw. Kung tutuusin napakaganda nitong nilalang. Mas maganda pa kumpara sa makikita mo sa mga pelikula.
Kasing laki lang ito halos ng tren ng LRT. Ang ulo nito ay parang sa dragon na parang ahas. May mala-latigo itong bigote sa makabilang parte ng mukha. May pangil itong nakalabas sa bibig na kakainggitan ng sabertooth tiger. Pahaba ang katawan nito na parang ahas, wala itong kamay pero meron itong pakpak na nakatiklop sa kanyang katawan. Ang buong katawan nito ay puno ng kaliskis na tila patalim na kulay pilak, ginto, bughaw, berde at dilaw na kumikutitak sa binabalik nitong liwanag.
Matutulala sana ako sa ganda nito kaso bigla syang sumugod sa akin kasabay ng malakas nitong hiyaw. Kitang kita ko ang pagbuka ng malaki nitong bibig na sagana sa ngipin. Balak nya akong lamunin kasabay ng bahagi ng monumento. Napakapit ako nang mahigpit at iniwaksi ang aking mukha.
Pero hindi dumating ang kanyang pag-atake.
Nilingon ko ito uli at nakita kong paulit ulit nitong binabangga ang kawalan. Tila ba may isang hindi makitang harang na pumipigil sa ditong makalapit. Para syang tumatalbog sa ere. Pilit nya parin itong ginagawa habang umuulan ng kanyang nagngangalit na sigaw.
"Milo." Sabi ng boses ni Makie sa communicator. "Sagradong dambana ang bantayog ni Bonifacio kaya hindi ito basta-basta masisira ng bakunawa sa kasalukuyan nitong lakas. Pero hindi matitiyak kung hanggang kailan tatagal ang proteksyon na yan kaya kakailanganin mong umalis dyan sa lalong madaling panahon."
Madaling sabihin mahirap gawin.
"BILISAN MO NA! May dagdag pa tayong problema rito!" Hinanap ko kung yung sinasabi nya at nakita ko nga. Yari.
Sa butas na ginawa ng bakunawa ay may mga naglabasan na pamilyar na nilalang. Mga amalanhig na parang naligaw mula sa set ng Thriller at mga amomongo. Long time no see kami, muntik nakong maiyak sa reunion namin. Nagbago pa sila ng timeslot, tanghaling tapat sa presensya ng maraming tao nagpakita sila. Lumalakas ang loob ng Organisasyon.
Patuloy na dumami ang kanilang bilang nang may mga dumating na pulis. Kita ko sa itsura nila ang pagkabigla pero hindi sila nagpadala rito. Pinaulanan nila ang mga ito ng bala pero habang halos di nila matamaan ang mga amomongo, hindi naman iniinda ng mga amalanhig ang balang tumatama sa kanila.
Isang sekyu ang matapang na nakisali sa putukan, tinutukan nya sa mukha ang isang amalanhig ng shotgun nya at boom, nawala ang kalahati ng ulo nila. Akala nila nakaisa na sila ngunit lalo lamang silang napatda nung hindi tumumba ang amalanhig, at nakipag eyecontact lang ito kanya. Dun na sila nabasag sa takot at kumaripas nang sobrang bilis ng takbo. Pwera run sa mga pulis na sinlaki ng shelane yung tyan. Kala mo bughaw na penguin kung tumakbo, lumulumba lumba. Kung sino pa alagad ng batas, sila pa mukhang manas.
BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...