Nasa huli ang pagsisisi. Ilang beses mo nang narinig yan. At ilang beses mo narin yang napatunayan. 'Sana nagdala ako ng payong.' 'Sana binili ko na yun bago naubos.' 'Sana nilagawan ko sya.' 'Sana sinagot ko siya.' 'Sana hindi ako umutot nang palihim para mantrip. Taena, may tae na. *inner cry*'
Kung nakarelate ka man sa mga yan lalo na sa panghuli, wag ka magalala hindi kita huhusgahan. Dahil ganyan din ang nangyari sa akin... Ibig kong sabihin yung sa parteng nasa huli ang pagsisi, hindi run sa utotae.
Alam kong may mali. May nakalimutan akong importante, hindi ko lang mahagilap sa utak ko. Parang may malamig na bakal saking sikmura na gumugulong, masama sa pakiramdam. Tila masamang pangitaing sinasabihan ako na hanapin ang ito kung hindi ay pagsisisihan ko nang lubos. Pero inakala ko lang na dala lang ito ng kabang dulot ng digmaan. Pinili ko itong isantabi.
Kung nakinig lang sana ako sa aking kutob.
"Wiw. Yan na yata yung pinaka madilim sa bagay na nakita ko." pagobserba ko sa grupo ng halimaw na dahil sa suot na itim na baluti nagmukhang itim na ulap sa lupa.
"Magbabago yang pananaw mo kapag nalaman mo ang iyong hinaharap."
Tinignan ko nang masama si Lam-ang. "Anong gusto mong sabihin?"
"Wala naman. Bueno, oras na para magtrabaho. Ayaw naman natin silang paghintayin diba?"
Tumingin kami sa isa't isa't tumango. Iyon lang at naghiwa-hiwalay na kami ng landas. Sumakay si Tony sa nakaparadang bannog at tinungo ang kalangitan kung saan naroon ang iba niyang kagrupo. Si Kiko ay nagtungo sa bahagi ng kampo kung saan naroon ang mga armas at makinaryang pandepensa. Humagibis si Bangis, sa buntot si Batong upang puntahan ang tropa sa unahan at pangunahan ito. Ang matatanda maliban kay Lam-Ang ay pumunta sa ibat-ibang bahagi ng kampo para sa kung punan ang mga pangangailangan ng aming hukbo. Sa huli ang natira na lamang ay kaming apat, si Noli, Talas at Lam-Ang.
"Dapat siguro samahan ko narin sila Bangis. Kailangan nila ako run." sambit ni Noli na kinontra ni Talas.
"Hindi iyon magandang ideya. Dito ka lang."
"Bakit? Kailangan nila lahat ng tulong maibibigay natin!"
Tinadyakan nya ito sa alulod at nagtatalon ang binata sa sakit.
"Nakita mo na ba ang sarili mo sa salamin? Sabihin mo, kailan kaba huling natulog? Kumain nang maayos? Alam kong ayaw mong ipakita pero nanghihina ka pa. Kaunting tulak lang sa iyo tutumba kana. Mas makakatulong ka pa rito kung magpapahinga ka ay iipunin mo muna ang lakas mo."
"Pero..."
Hinawakan sya ni Jazz sa balikat. "Tama siya kaibigan. Mas kailangan mo ng pahinga higit sa anupaman. Atsaka sa nakita kong ipinamalas ni Bangis alam kong kakayanin nilang gampanan ang tungkulin nila."
Nagkamot ako ng pisngi at nagbigay ng suhesyon.
"Ako nalang ang pupunta sa puwesto mo, tutal ganun din naman, kailangan kong labanan sila para matutunan kong gamitin ang bertud diba."
"Hindi maari. Dito ka lang." sabay-sabay nilang sagot.
"Huh? Bakit hindi maari?"
Nagkamot ng ulo ang guro. "Hindi mo pa siguro naiintindihan nang maigi, pero alam mo ba kung sino ang susi ng pagkapanalo natin? Ikaw. Dahil ikaw lang ang makakapatay sa bakunawa gamit ang bertud. Kahit matalo natin ang lahat ng kalaban sa ating harapan, kung wala ka para sagupain ang bakunawa, mawawalan ng saysay lahat ng paghihirap natin."
"Pero hindi ko ring kakayaning makita silang magbuwis ng buhay na wala akong ginagawa."
Nagdilim ang kanyang mukha. "Pagusapan natin ang realidad Milo. Sa maikling panahon na namalagi ako rito marami na akong naging kaibigan. Lahat sila ay masiyahin, mababait, nagniningning ang ngiti at karamihan sa kanila ay mamamatay sa una at susunod pang bugso ng mga kalaban. Alam nila iyon. Alam nating lahat yun. Pero hindi maaaring kasama mamatay sa simula pa lang ng laban. Kailangan mong mabuhay hanggang dulo at gagawin namin ang lahat para mangyari yun kaya mananatili ka rito."
BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...