Chapter 30
Ilang ulit akong napalunok habang pilit na binabalik sa isipan ang pagsambit niya sa pangalan ng Nanay ko. Pilit kong inaaninag sa tono ng boses nito ang posibilidad ng pagkakamali... na baka nagkamali lang siya. Na baka ibang Fabienne 'yong tinutukoy niya.
Pero sino ba'ng niloloko ko? Kaya lang naman ako pinagkakamalang si Fabienne ay dahil kamukhang-kamukha ko siya. Kaya papaanong magkakamali lang itong Papa ni Ivan?
Pero bakit? Bakit niya kilala si Fabienne? Bakit kilala nilang dalawa ng asawa niya ang Nanay ko?
"P-Po?" Iyon lang ang naisambit ko kahit pa parang inuudyukan ako ng mismong sarili ko na tanungin kung bakit kilala niya ang Nanay ko. Mabuti na lang at napigilan ko dahil baka kung saan pa aabot ang kuryusidad na 'to. Ayokong may malaman na naman tungkol sa Nanay ko dahil 'yong huling beses, masiyado akong nasaktan.
Kinurap-kurap niya ang mga mata na para ba'ng sinisigurado kung tama ba ang nakikita niya. Kung ako ba ang nasa isip niya. O kung kamukha ko ba ang nasa isip niya ngayon.
Hindi siya nagsalita dahil mariin at diretso lamang siyang nakatingin sa 'kin. Naglaho na 'yong gulat na nakita at parang napalitan ng klase ng tingin na nang-oobserba. Bigla ay sinilaban ako ng kaba sa hindi malamang dahilan. Bigla na lang kasing nag-seryoso ang buong mukha nito habang parang inoobserbahan pa rin ang pagmumukha ko.
Napalunok ako nang may naisip. Alam na kaya niya? Na ako ang mahal ng anak niya? Na sa 'kin na ito lumalapit ngayon at hindi na kay Leigh? Kaya ba siya nandito na ulit ngayon? Kinuwento kasi ni Ivan na dalawang linggo na itong hindi umuuwi at babad sa trabaho.
Kung hindi niya pa alam, alam ko nang hindi niya ako matatanggap para sa anak niya. Hindi naman ako katulad ni Leigh na may generational wealth. Lumaki nga akong medyo komportable sa financial, pero hindi naman 'yon mula sa mga magulang ko. Sampid lang naman ako buong buhay ko kaya paano magiging posible na tanggap niya ako para sa anak niya?
Pero ang kapal din naman ng mukha niyang mag-desisyon para sa buhay ng anak niya. Pagkatapos niya itong ignorahin buong buhay nito na parang wala siyang anak, may gana pa siyang kontrolin ang buhay nito? Diyan lang papansinin kapag may kinakailangan.
Ewan ko ba bakit nalilipat na sa 'kin ang galit na nararamdaman ni Ivan para sa ama nito. Nakakagalit lang kasi isipin, eh.
"I'm sorry." Malamig ang boses nito nang tuluyan nang magsalita matapos maging tahimik sa loob ng ilang minuto. Para akong nagpipigil ng hininga dahil nakakakaba pala talaga ang presensiya niya. Pakiramdam ko ako ngayon si Ivan na nangagamba dahil sa paparating na pananakit.
Iniwas nito ang tingin sa 'kin na parang walang nangyari. Kasuwal lang din nitong pinulot ang cellphone na nahulog kanina nang makita niya ako, na kahit basag na ay para ba'ng wala lang dito. Ah, sabagay. Mayaman. Sana naman mag-invest naman siya ng pagmamahal para sa mag-ina niya para mas lalong yumaman.
Walang pasabi itong tumalikod saka tinapat ulit ang cellphone sa tenga na parang may katawagan na naman. Nakita kong ibang cellphone 'yon.
Huminga ako nang malalim nang parang nabunutan ng tinik. Ang bigat ng presensiya niya. Pakiramdam ko, nasasakal ako. Kahit nga ilang minuto lang 'yon at wala naman siyang sinabing masakit, parang matutumba na ako. Paano pa kaya 'yong sitwasyon ni Ivan na buong buhay niya itong nakasama?
"Okay ka lang?"
Mula sa sandaling pagpikit ko ng mga mata ko'y nagmulat ulit ako nang marinig ang pamilyar na boses. Sumalubong sa 'kin ang nag-aalalang mga mata ni Ivan na mas na-depina na naman ang pagkakulay-abo nang masinagan ito ng liwanag mula sa araw. Napalunok ako nang maalala ang kaparehong kulay sa mga matang sumuri sa 'kin kanina.
YOU ARE READING
To Trust the Dawn
Novela JuvenilFATE SERIES #3 Faith Aurora grew up with confusion about herself. Mula Elementary, puro lalaki ang mga nakakalaro kung kaya't na-impluwensiyahan siya ng mga ito. At kung hindi man lalaki ang makakasama, mga tibo naman. Instead of playing barbie doll...