Chapter 26
Tw: mention of suicide
Nagkaroon ng yupi ang noo ko nang marinig ang maingay na pagbubulungan ng mga kaklase ko habang nagkukumpulan. Nililigpit ko na ang mga gamit ko pauwi dahil uwian na, at didiretso na rin ako sa trabaho pagkatapos nito.
"Anong meron?" kuryusong tanong ko kay Judy, kaklase ko, na umalis galing sa pagkukumpulan. Parang nagulat kasi ang mukha nito.
Napalunok ito bago ako sinagot, "May..." Parang nahirapan ito sa pagpapatuloy. "May nag-suicide raw na nag-aaral sa school na 'to. Parang 'yong... taga Arts and Design daw na babae."
Hindi ko maintindihan kung bakit biglang umahon ang kaba sa 'kin. Tatlo lang naman ang kilala kong Arts and Design ang track. Si Nik, Pearl, at... Janelle. Malinaw na wala sa kanilang tatlo, pero bakit iba pa rin ang kutob ng puso ko?
Naging mabigat ang paghinga ko nang makalabas mula sa classroom. Nangangatog din ang mga binti at unti-unti ay pinagpawisan ako. Kahit sino pa man sa mga estudyanteng narito ang nag-suicide, na-t-trigger pa rin ako sa t'wing naririnig ang pagpapatiwakal dahil nakakalungkot at nakakahabag pakinggan.
Maging ang mga estudyanteng nasa plaza ay pare-parehong gulantang ang mga mukha at parang dinalaw ng multo. Siguro kumalat na rin sa lahat dito. Nag-iwas ako ng tingin mula sa kanila dahil kakaiba talaga ang nararamdaman kong kutob.
Namalayan ko na lang ang pagtakbo papalapas ng campus. Ngunit nang hiningal ay napatigil muna ako at napahawak sa mga tuhod. Napakurap ako nang mula sa 'di kalayuan ay nakita ko sila Caleb, Nathaniel, at... Ivan. Nagmamadali ang mga itong tumakbo na parang may hinahabol at ang mga mukha'y parang kinakabahan.
Hindi ko alam kung bakit nahanap ko na lang ang sariling nagmamadali ring tumakbo kasunod sa direksyong tinatahak nila palabas. Pakiramdam ko ay may kinalaman ang pagtakbo nila nang gan'to katulin sa balitang bago lang dumating.
Dahil sa pagsunod ko sa kanila ay nakita ko ang pamilyar na daan patungo sa bahay na minsan ko na ring nadaanan noon. Napalunok ako at mas lalong nangatog ang binti ko sa kaba.
Padami nang padami ang mga tao sa harap ng bahay kung saan tumigil ang tatlo. Mas lalong tumalas ang kaba sa dibdib ko nang makita ang isang police mobile car at may nakita rin akong mga pulis. Hindi pa man ako tuluyang nakakalapit do'n ay nanghina ang tuhod ko nang may narinig na pag-uusap mula sa likuran.
"Naku! Napakabuti at napakamasiyahing bata ni Janelle kaya hindi ko alam na gano'n kalala ang naranasan niya kaya siya nagpatiwakal!"
"Oo nga, Mare. Grabe, nasasaktan ako para sa bata... Napakahayop ni Hugo."
Naramdaman ko ang pamumuo ng mga luha ko nang tuluyang ma-kumpirma kung sino ang tinutukoy na nagpatiwakal. Napako lamang ang mga paa ko sa kinatatayuan kaya hindi na ako nakalapit pa roon dahil ayaw kong makita kung paano siya...
Agad kong pinalis ang mga luhang sunod-sunod na naglandas. Hindi kami close ni Janelle. Noong naging magkaklase kami ay tungkol sa academics lang ang pinag-uusapan namin sa t'wing nagtatanong ako sa kaniya, lalo na sa t'wing ka-group ko siya. Sa t'wing nagkikita noong hindi na kami classmates ay masigla pa rin siyang bumabati sa 'kin.
Palagi siyang mabait at masigla. Tinuturing nga rin na ray of sunshine ng mga kaklase namin. Matalino rin na hindi mayabang at mapagmataas. Katulad siya ni Caleb na humble at willing kung tumulong sa nahihirapang kaklase. At isa ako sa mga natulungan niya noon noong muntik na akong bumagsak sa Math dahil hindi ko talaga naiintindihan 'yong tatlong lesson.
Isa 'yon sa dahilan kung bakit para akong pinanawan ng mahal sa buhay kahit hindi kami close. Maliban dito ay naaalala ko rin ang huling pag-uusap namin two months ago... na alam kong habang buhay nang tatatak sa 'kin.

YOU ARE READING
To Trust the Dawn
Teen FictionFATE SERIES #3 Growing up in the orphanage, Faith Aurora has always been finding a warmth of a home-like the warmth that the dawn brings whenever the morning starts. Kaya nang ampunin siya ng kaniyang Tiya, umasa saglit ang bata at inosente niyang p...