Chapter 36
TW: mention of rape, self-harm
Patuloy ako sa paghagulgol sa harapan ni Tita at ni Daphne, nawawalan na ng pakialam sa hitsura o kahihiyan. Hindi, Hindi p'wede. Hindi p'wedeng kahit isang beses ay hindi ko siya makita. Hindi p'wedeng hindi ko siya masumbatan nang harap-harapan! Hindi siya p'wedeng mamatay!
"Faith..." Nabasa ko sa mga mata ni Daphne ang kalungkutan nang hawakan ako sa braso.
Pero hindi ko kailangan no'n. Kailangan ko ng ebidensiya kung totoo ba talaga ang sinasabi ni Tita. Kung kaya't umiling-iling ako kay Tita, bilang senyales na narito pa rin ang pag-asa sa puso ko na hindi kasali 'yong Nanay ko sa aksidente.
"H-Hindi 'yan totoo, Tita... Hindi ako naniniwala. H-Hindi siya p'wedeng mamatay! Hindi pa siya nag-so-sorry sa 'kin! H-Hindi pa siya nag-eexplain kung bakit niya 'ko iniwan! Hindi pa 'ko nagagalit sa kaniya nang harap-harapan! Dapat maramdaman pa niya ang galit ko sa kaniya!" Nagwawala na ako nang hindi ko na mapigilan pa.
"Hindi siya kasali sa aksidente! Masamang damo siya, 'di ba?! Dahil nga nag-rebelde at sumama do'n sa boyfriend niya no'n! Nagnakaw rin siya ng pera, 'di ba?! Kaya masamang damo siya!" Nagsisigaw na ako na parang nababaliw hanggang sa napaluhod na ako habang humahagulgol.
"Tama na, Faith! Wala na nga!" Sumigaw si Tita, pero parang nabibingi pa rin ako.
Patuloy sa pagragasa ang mga luha ko. Nasa sahig ang mga mata ko ngayon kung saan nahulog ni Daphne ang hawak na picture kanina... picture ni Tita at ng kapatid niya. Nanginginig ang kamay ko nang pinulot ito. Natuluan pa ng luha ko ang nakangiting mukha ng Nanay ko.
Tumayo ako at humihinga nang malalim dahil hindi ako makalma. Hindi na rin mapakali sila Tita at Daphne habang pilit na hinahawakan ako, pero hinahawi ko lang ang mga kamay nila palayo sa 'kin.
Nakita ko ang isang picture frame na ang laman ay ang picture ni Fabienne. Sumigaw ako nang binasag ito sa sahig. Paulit-ulit kong sinisigaw na hindi siya p'wedeng mamatay dahil hindi 'yon patas!
Sumasalamin ang mga bubog na dulot ng pagkabasag ng picture frame sa hapong 'yon sa nakikita kong mga bubog ng nabasag na tasa sa harap ko ngayon. Nakayuko ako habang walang buhay ang mga matang nakatingin dito kaya nakita ko. Wala man lang akong naging reaksyon na parang isang patay na humihinga.
"Sorry, Faith..." Nakita ko si Daphne na tarantang pinupulot ang mga bubog. Siya itong nagse-serve ng mga meryenda sa iilang mga dumalo sa lamay.
Hindi ko siya pinansin. Blangko lang mga mata ko nang tingnan ang kabaong na nasa harapan ko. Totoo nga... dahil kinabukasan mismo matapos kong malaman na wala na siya ay inihatid ang bangkay niya rito.
Akala ko manhid na ako, pero... naramdaman ko na naman ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha ko. Muntik ko nang lakumusin ang papel na hawak. Napatingin ako rito at gaya ng una kong reaksyon nang mabasa ang lahat, gusto kong magwala.
Ang liham niya.
Ni Mama...
Pagkatapos ng ilang taong pagkamuhi sa kaniya, ngayon ko lang natawag sa kaniya ang katagang 'yon... ngayong wala na siya... at ngayong napag-alaman ko na ang nangyari sa kaniya. Ang bigat. Ang bigat-bigat.
Nanginginig ang mga paa kong tumayo. Patuloy sa pagragasa ang mga luha ko habang naglalakad patungo sa kabaong. Ramdam ko ang tingin ng iilang tao sa 'kin, pero mula nang mamatay siya nang hindi man lang siya nakakausap, nawalan na ako ng pakialam na may makakita sa 'king umiiyak hindi gaya ng dati.
Dahil walang katumbas ang sakit.
Marahan kong hinaplos ang glass. Para lang siyang natutulog sa loob. Para akong baliw na ngumingiti habang nakatingin sa mukha niya dahil... magkamukha talaga kami. Mahaba pa 'yong buhok niya na parang paborito niyang ganoon ang haba dahil noon ko pa napapansin sa old pictures niya.
BINABASA MO ANG
To Trust the Dawn
Teen FictionFATE SERIES #3 Growing up in the orphanage, Faith Aurora has always been searching for the warmth of a home---the same warmth the dawn brings. Kaya nang ampunin siya ng kaniyang Tiya, umasa ang bata at inosente niyang puso na sa wakas ay makahanap n...
