Chapter 37: Nasaktan si Trinah sa kaniyang nakita

1 0 0
                                    

"D-Dahlia?"

"Kumusta ka, bestfriend? LONG TIME, no see," aniya.

"Ganoon pa rin, tulad ng dati. Laging sinusundan ng malas. Bakit ka nga pala naparito? At kasama mo pa si Hailey?" usisa ko. Nagtinginan ang dalawa, wari'y may ipinapahiwatig sa isa't-isa.

Isinalaysay ni Dahlia ang pag-uusap nila ni Hailey tungkol sa paghihikayat sa akin na tumigil na sa kahahanap kay Andrew. Naawa 'di umano ang assistant ng ex-husband ko sa akin dahil buong maghapon akong naghahanap sa boss niya. Kaya, ang tanging solusyon na lang niya ay tawagan si Dahlia, na kaibigan ko, at pinapunta kung saan ako naroroon upang i-comfort ako sa mga nangyari.

Hindi ko alam kung ano ang naging kasunduan ng dalawa sa parteng iyon. Ang nararamdaman ko lang ay sa lahat ng oras ay sinusundan pala ako ni Hailey, sa kung saan ako pumupunta at kung ano ang mga ginagawa ko. Sa tingin ko'y may alam siya kung saan ko matatagpuan si Andrew. Ayaw lang niyang sabihin.

"Hailey, bakit 'di mo na lang aminin sa akin kung saan ko matatagpuan si Andrew, para malaman ko kung okay lang ba siya o hindi?"

"Huwag mo na akong usisain pa, Trinah. Umuwi ka na at magpahinga. Sigurado akong nasa mabuting kalagayan si Andrew ngayon. Magtiwala ka lang." Inilapat niya ang kaniyang kanang kamay sa balikat ko bilang pagpaparamdam ng concern sa akin saka iniwan kaming magkaibigan.

Dinala ko si Dahlia sa condo bitbit ang kaniyang 'di kalakihang maleta. Nagpaalam kasi siya sa kaniyang mga magulang na maghahanap ng trabaho kahit ang totoo'y gusto lang niyang tulungan ako. Hindi nakapagtapos ang kaibigan ko ng college dahil sa kulang sa pinansyal. Kaya, mahirap sa kaniyang makahanap ng disenteng trabaho. Ilang trabaho na ring kaniyang nasubukan na puro light lang, subalit nagkakaproblema siya palagi.

Sabi niya, kinausap siya ni Hailey para tulungan ako. Hindi na ako nagtanong pa kung ano ang kasunduan nila basta't ang mahalaga ay magkasama kaming muli.

Pagdating ko sa condo ay agad na sinabihan ako ng guard sa entrance na may bisita raw ako. Expect ko naman na si Amie iyon dahil baka hinatid na niya ang anak ko at hindi na naghintay pa sa akin doon sa mansion. Pagbukas ko ng pinto using card key, bumungad sa aking harapan ang mukha ni Mr. Adamo, na pansin ko'y nakataas ang kilay sa sobrang galit.

Nakita ko ang aking ina na nakatayo lang sa sala, tahimik at ayaw akong tingnan. Sinubukan kong magmano sa kaniya bilang paggalang, subalit hindi lang niya ako pinansin, sa halip ay tinago niya sa likuran ang mga kamay niya. Luminga-linga ako sa kanila, wari'y ayaw akong kausapin. Sa sobrang tahimik ay nagtataka na ako kung galit ba sila sa akin o may sasabihin lang silang importante.

Kaya, inunahan ko nang pagbati, "Good evening po sa inyo, Ma, and Uncle."

"Kanina lang po ba kayo rito? Ipaghahanda ko muna kayo ng makakain para sa hapunan," wika ko, sabay bukas sa refrigerator upang kunin ang mga rekados na lulutuin.

Tahimik lang talaga sila. Walang tugon o kahit anong reaksyon sa mga sinasabi ko.

"A-aa, pasensya na po kayo, ah. Natagalan pa ko ng uwi kaso hanggang ngayon hindi ko pa nahahanap pa rin si Andrew. Sige po, magluluto muna ako."

"Busog kami," pagpipigil ni Mrs. Adamo para hindi na hahakbang papuntang kusina.

Nabitawan ko ang platong nilalagyan ko ng rekados sa pagluluto nang makaramdam ng kaba pagkarinig sa unang pangungusap ni ina. Halatang iba ang tono ng pananalita niya dahil sa taas ng pitch nito.

Dali-daling pinulot ko ang nabasag na plato at ang mga bagay pang nahuhulog sa sahig. Sa sobrang kabado, nasugatan ang mga daliri ko sa mga bubog ng basag na plato. Agad namang tinulungan ako ni Dahlia at ginamot ang mga sugat, kaya medyo hindi na nag-alala sa akin ang ina ko.

Matapos magamot ang daliri ko, pinaupo ako ni Mr. Adamo sa sofang sira at punit-punit. At saka kinausap.

"Ano pang mapapala mo sa paghahanap sa pekeng asawa mo? Trinah, ang dami na naming problema. Dumagdag ka pa."

"Ano pong ibig niyong sabihin?"

"Nak, pabagsak na ang kumpanya ng uncle mo dahil sa pamilyang Perrie. Tapos itong condo na ginastusan namin para ibili ng mamahaling gamit ay nasira pa? Paano mo naggawang sumabay sa problema namin, Trinah, hah?" wika ni ina.

Nagsimulang tumulo ang mga luha ko at saka pinahiran ko ng puting panyo.
"Patawad po, ina, at Uncle Adamo, pero maniwala kayo sa akin, hindi po ako ang may gawa niyan."

"Alam namin," tugon ni Mr. Adamo.

"Ano?" pagtatakang sabi ko.

"Si Andrew, ang dahilan ng lahat ng ito. Kaya, simula ngayon, putulin mo na ang ugnayan ninyong dalawa kung gusto mong matahimik na ang pamilyang 'to!"

Tumango lang ako bilang pagsang-ayon sa kasunduan kahit sa loob ko'y mahirap tanggapin. Batid ko kasing daing ng kanilang mga puso na galit na galit sa pamilyang Perrie. Kaya, bilang parte ng pamilyang iyon, kailangan kong sumunod para sa ikabubuti namin.

Bukod sa utos nilang iyon, binilin pa ni uncle na kailangan kong magtrabaho para mabayaran ang mga gamit na nasira sa condo. Hindi ko man kasalanan ang nangyari, pananagutan ko pa ring bayaran iyon dahil nakitira lang ako sa property ng mga mayayaman. Iba tuloy ang dinaramdam ko sa walang reaksyon ni ina sa kagustuhan ng kaniyang asawa.

Para masolusyunan ko ang mga bayarin, kailangan kong maghanap ng trabaho o 'di kaya'y bumalik sa pagsusulat. Ngunit, nakabanned pa lahat ng accounts ko sa mga novel platforms dahil sa isyu tungkol sa pamilya ng ina ko. Kinailangan ko munang hanapin at harapin ang totoo kong ama para matulungang maibalik ang mga nawala sa pamilyang Adamo.
***

Patungo ako noon sa address ng kumpanya ng tunay kong ama. Napakainit ng panahon nang naglalakad lang kami ni Dahlia karga-karga niya si Fin. Hindi ko inalintana ang pagod, manapa'y nilakasan ko ang aking loob para sa goal kong ayusin ang lahat ng bagay na sinira ko.

Dumaan kami sa tulay, mga tindahan, maliliit na business establishments, at mga malalaking buildings na hindi pansin ang layo na ng aming narating. Nang nakaramdam ng pagod ay nagpahinga muna kami ni Dahlia sa isang bench malapit sa isang mamahaling restaurant.

Paglingon ko roon, tanaw ang mga mayayamang tao na kumakain, nasagap sa aking paningin ang dalawang babaeng pamilyar sa akin na nag-uusap habang kumakain sa may terrace ng restaurant. Nakatayo lang sila, wari'y masayang nagkukuwentuhan sa isa't-isa. Nagtataka ako kung bakit sila magkasama gayong hindi naman gaanong mgkakilala ang dalawa.

"Dahlia, paano sa tingin mo'y nagkakilala sina Amie at Antonette?"

"Aba'y hindi ko alam. Bakit mo naitanong? Sila ba ang tinitingnan mo roon?"

Tumango ako at inikot ni Dahlia ang kaniyang leeg upang suriin kung sinu-sino ang tinitingnan ko. Blangko lang siya sa kaniyang nakita, habang ang isipan ko'y umaandar na sa maraming ideya at panghihinala. Maya-maya pa'y lumapit sa kanila ang isang lalaki at dinalhan sila ng drinks. Nakangiti ito nang sinalubong ni Antonette ng isang halik sa pisngi nito.

"Si... A-Andrew iyon 'di ba, Trinah?" pagtuturo ni Dahlia, habang ibinaba ko na ang aking tingin dahil ayaw ko nang makita pa silang masayang nagsasama.

"Trinah, okay ka lang ba?" pangungulit ng babaeng kasama ko.

"A-a, okay lang ako. Tara na," anyaya ko sa kaniya para maiwasang makita pa ang mga taong nagpapasakit lang ng aking damdamin.

Mabilis ang aking paglalakad. Halos tumatakbo na si Dahlia para abutan ako. Hindi ko ipinakita sa kaniyang pinipigilan ko ang mga luha kong dumaloy sa mga mata ko dahil ayaw kong malaman niyang nasasaktan ako sa nakita ko. Ayaw kong mag-alala siya sa akin, baka patigilin niya ako sa paglalakad at susugurin si Andrew doon. Matapang pa naman si Dahlia pagdating sa mga ganyan.

"Trinah, wait," pagpipigil niya sa akin sa paglalakad.

Nilingon ko siya at nginitian, "Dahlia, kailangan nating magmadali. Baka hindi natin maabutan ang papa ko. Sabi ni mama, busy iyon palagi at ngayong araw lang siya papasok ng opisina. Kaya, tara na."

"Susuko ka na ba talaga sa asawa mo?"



Trinah, The Substitute BrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon