"Namumukhaan kita, iha," wika ni Mr. Awman, sabay turo sa akin.
Iniwas ko ang aking mukha sa mga mata niya at 'di ko maggawang itaas ang tingin ko dahil sa hiyang inabot ko.
Tinitigan ako sa mata ng papa ko habang ako'y tahimik pa rin na umiiwas sa kaniya. Dumagdag pa siya sa pagsasabing, "Ikaw iyong babaeng nagpupumilit na pumasok sa opisina ko, pero umalis din nang walang sinasabi noon 'di ba?"
Tinapik ni Ms. Jazmine ang kaliwang kamay ko, nagpapahiwatig na tumugon ako sa mga tanong ng ama niya. Ngunit, nanginginig na ako. Hindi ko na alam ang aking sasabihin. Gusto kong magpalipad ng mga katanungan kay Mr. Awman kung ano ba talaga ang tunay na relasyon nila ni Ms. Jazmine, subalit may bumabagabag sa loob ko.
Hindi na makapaghintay si Ms. Jazmine na magsalita pa ako. Inaliw na lang niya ang kaniyang ama at iniba ang usapan.
"Dad, kamukha lang siguro niya iyon."
"By the way, ipinapakilala ko siya sa 'yo dad dahil gusto kong sabihin sa 'yo na siya ang napili ko na isama sa pinakamalaking project ng kompanya ko abroad," paglalahad ni Ms. Jazmine.
Abroad? Totoo ba ang narinig ko?
Isinalaysay ni Jazmine sa lalaking kausap niya ang tungkol sa expansion niya sa kaniyang kompanya. Gusto kasi niyang palawakin ang kaniyang negosyo at balak na magbukas ng isang site na naglalaman ng mga literary works ko. Ito ang bagay na nagpapaantig ng puso ko dahil sa wakas ay hindi tuluyang mamamatay ang pinaghirapan kong mga nobela.
Salamat, dahil may isang taong may busilak na puso ang nakakaapreciate ng bunga ng talento ko.
Matapos pinaintindi ni Ms. Jazmine kay Mr. Awman ang lahat ng bagay na may koneksyon sa akin, nagpaalam na muna siya dahil may aasikasuhin pa raw siyang ibang bagay.
"Trinah, si Mr. Awman muna ang kakausap sa 'yo sa iba pang detalye sa partnership atin. Huwag kang kabahan. Relax ka lang, mabait iyan si boss, hah? I'll have to go. Bye," habilin niya bago nilisan ang room na iyon.
Tumango lang ako at tiningnan siyang maigi sa paglabas ng pinto. Kaming dalawa na lang ng papa ko ang naiwan sa loob dahil sumunod na rin na lumabas si Janette ng pinto. Talagang panahon ko na para sabihin sa papa ko ang totoong pakay ko sa kaniya noon pa man.
Ngunit...
"Ms. Trinah, paano mo nakilala ang anak ko?" seryosong tanong niya.
"Ahm, ang t—totoo po... siya po ang unang nakakilala sa akin. Avid reader ko po siya sa mga nobelang ginawa ko online. Kaya, sa gusto niya akong makatrabaho, pinadalhan niya ako ng isang email na nagsasabing hired na po niya ako sa kaniyang kompanya."
"So, ibig sabihin, hindi mo pa alam ang mga tuntunin sa kompanya, tinanggap mo na kaagad ang trabaho?" Itong pangungusap na ito ay medyo insulto na ang datingan sa pandinig ko.
"Opo. Pero..."
Bahagyang natigilan ako sa pagsasalita nang mapansin kong nag-iba na ang mood niya sa akin. Medyo naging istrikto na siya kung tumingin habang ako'y nagsasalita.
"Pero ano, Ms. Trinah?"
"P—pero, madali naman po akong matuto kung tuturuan," pagdudugtong ko.
Huminga siya nang malalim at ginalaw ang mga paa sa posisyong de-kuwatro sabay angat ng kanang kilay na para bang abogado na naghihintay ng kasagutan ng kaniyang kliyente.
At saka nagsabing, "Alam mo, Ms. Trinah, napaka-protective kong ama sa anak ko. Nakikita ko kasi ang pagsisikap niya sa itinayong kompanya niya, kaya ayaw kong madungisan ang pangalan niya dahil lang sa isang taong iniidolo lang niya.
Maselan siya sa pagtatanggap ng mga trabahante sa kompanya. Alam ko iyon dahil nasaksihan ko mismo na ang halos lahat ng empleyado niya ay lisensyado at matatalino base sa kapasidad nila. Ngunit ikaw, isa ka lang hamak siguro na manunulat na walang natapos.
Kaya, mas mabuti pa, dumistansya ka na sa kompanya ng anak ko at iurong mo na ang pinirmahan mo sa bagong project ni Jazmine. Hindi ka nababagay sa mga mayamang katulad namin."
Grabe siya makapagsalita. Pinalakas niya ang kabog ng puso ko sa sobrang sakit nito. Pero, hindi ko siya hinayaan na maliitin ako.
Tumayo ako at tinitigan siya. Bago umalis, ay nag-iwan muna ako ng mga pangungusap.
"Mr. Awman, oo, hindi ako mayaman katulad ninyo. Galing man ako sa mahirap na mga magulang na kumupkop sa akin, punung-puno naman ako sa pagmamahal.
Wala akong natapos na degree dahil inabandona lang ako ng mga tunay na mga magulang ko at iniwan sa mahihirap na mag-asawang kumupkop sa akin. Gayunpaman, may utak pa rin ako katulad niyo, na puwedeng turuan at puwedeng makaintindi. Salamat na lang po sa pag-aalala," pagpaparinig ko sa kaniya.
Tatalikod na sana ako, pero binanatan ko pa siya ng isang bagay pa, "Isa pa, wala pa akong pinirmahan sa bagong project na tinutukoy mo. Kaya, wala akong uurongan!"
Habang humahakbang palabas ng pinto, hindi ko namalayang nahuhulog na ang mga butil ng tubig mula sa mga mata ko at dumaloy ito papunta sa mga pisngi ko. Kumirot ang puso ko na para bang sa isang pagkakataon ay nakaramdam ako ng kakaibang lungkot sa loob ko.
Bakit ba ako nasasaktan sa mga salitang nabitawan ko sa ama ko? Nagsisisi tuloy ako na sana'y hindi ko na lang siya pinatulan.
Nagkasalubong kami ni Ms. Jazmine sa main entrance ng building nang hindi ko inaasahan. Na-guilty ako sa mga sinabi ko sa ama niya. Kaya, humingi ako ng tawad sa kaniya.
"Miss Trinah, you're done talking with my dad?" tanong niya, na ang physical outlook niya'y lubhang positibo at aninag ang kasiyahan sa kaniyang mga pisngi.
"I'm sorry, Ms. Jazmine, I disappointed you. Nasagot ko po ang dad niyo ng mga masasamang salita," pakumbabang sabi ko.
Iniyuko ko ang aking ulo dahil sa kahihiyan na idinulot ko sa taong nagtiwala sa akin. I disappointed her. Hindi ako karapat-dapat na maging partner niya in the future.
"What happened? Is he threatening you?" Nakapatong ang kanang kamay niya sa kaliwang balikat ko.
Nakaramdam ako ng kaunting ginhawa. Huminga ako nang malalim saka tumugon sa kaniya.
"Hindi naman. Hindi lang kami nagkakaintindihan." Nagsinungaling ako dahil ayaw kong mag-alala pa siya sa akin.
"Ate, I trust you, ok? Tara, sumama ka sa akin. Kailangan lang iyan ng palamig," anyaya niya sa akin.
Gayon na nga ay dinala niya ako sa isang food hub at nilibre ng lunch. Sinabayan ko lang siya at nakipagkuwentuhan sa mga iba't-ibang bagay. Doon ko napagtantong mabait talaga at maunawain si Jazmine bilang kaibigan.
Ngunit, kaibigan lang ba talaga kami o kadugo? Siya ba iyong babaeng nakita ko sa bahay ni Mr. Awman na kaisa-isang anak ng ama ko o baka adopted lang siya?
BINABASA MO ANG
Trinah, The Substitute Bride
RomanceAng babaeng palaban sa buhay, writer na madiskarte, at mahiyain na ipakita ang kaniyang mukha ay kilala sa bayan ng Bayabas. Her name is Trinah, who experiences heartaches in life, exists with purpose, and moving after challenges as usual. May isang...