IPINILIG ni Lizzie ang ulo sa kanan bago iyon ipinilig sa kaliwa. Nangangawit na ang leeg niya kaya tumayo siya mula sa harapan ng laptop niya. Itutuloy na lang uli niya ang ginagawa pagbalik ni Kleggy.
Lumapit siya sa TV. Kinuha niya mula doon ang Rubik's cube na buo ang lahat ng sides. Napalingon siya sa main door nang bumukas iyon. Si Ibarra ang dumating.
"Hello!"
Bahagya itong ngumiti. "Hi!"
"Ikaw ang bumuo nito?" tanong niya sabay taas sa hawak na Rubik's cube.
"Bakit naman ako agad ang pinagbintangan mo?"
"Kasi po, ikaw ang henyo dito."
He made a face. "Hindi ako henyo," anito. "'Tsaka hindi kailangang maging henyo para mabuo 'yan. Si Ernie ang bumuo n'yan."
Nanlaki ang mga mata niya. "Really? Eh, ba't ako hindi ko man lang mabuo. Isang side lang ang kaya ko."
Lumapit ito. "Eh, kasi baka hindi mo alam ang technique."
"Technique?"
"Yep," anito.
"Marunong ka? Turuan mo naman ako."
Ibinaba nito sa lamesa ang hawak nitong mga libro. Kinuha nito mula sa kanya ang Rubik's cube.
Napanganga siya nang wala pa yatang sampung segundo ay nabuo na nito ang kulay pula. "It takes me a few minutes to finish one side," aniya.
"Nakukuha 'yan sa practice," anito. "Since buo na ang isang side, make it your point of reference. Dapat sa taas lang siya."
Tumango siya.
"Ang susunod na dapat mabuo mo ay 'yong colors sa first row sa lahat ng sides," anito. Ipinakita nito sa kanya kung paano iyon gawin.
Napatitig siya sa kamay nitong mabibilis ang mga galaw na iniikot ang cube.
"Gets?" tanong nito na itinaas pa ang hawak. Buo nito ang yellow, blue green at orange sa first row.
Kung paano nito nagawa iyon, wala siyang ideya. Titig na titig naman siya sa kamay nito ngunit hindi pa rin niya nasundan.
"Tingnan mong mabuti. Madali lang naman, eh, 'pag nasanay ka na."
Iyon naman talaga ang ginagawa niya, ang titigan ang kamay nito. Pero hindi kasi maiwasang mapako ang tingin niya sa knuckles nito. Pati sa blue na tinta ng ballpen sa kanang ring finger nito. Nadi-distract talaga siya.
"Tingnan mo kung saan mapupunta 'yong blue kapag inikot ko 'to," anito.
Awtomatikong nag-init ang pisngi niya sa sinabi nito. Kahit naman alam niyang ang blue na kulay sa cube ang sinasabi nito ay guilty pa din siya. Ano na lang ang iisipin nito kapag napansin nitong sa kamay nito siya nakatingin?
"Here, try it," anito pagkatapos muling sirain ang inayos na nito.
Inabot niya iyon. Nag-try siya. "Ang hirap naman," aniya. Gusto na niyang magsisi na nagpaturo pa siya dito. Paano kung hindi niya maintindihan ang itinuturo nito? Baka isipin nitong bobo siya. At ayaw niyang isipin nito iyon.
Matiyagang inulit nito ang ginawa nito. Dahil sa sobrang hiya sa maaari nitong isipin sa kanya, todo ang naging pag-concentrate niya. Hindi tuloy niya namalayan ang paglabas ni Kleggy.
"'Di ko talaga ever matututunan 'yan," wika ni Kleggy.
"Kasi, wala kang sineseryosong bagay," wika dito ni Ibarra na ikinasimangot ni Kleggy. Bumaling ito sa kanya. "Sa 'yo na lang muna 'yan, Lizzie. Practice-in mo 'yong itinuro ko ngayon. Kapag na-perfect mo na, iyong next step naman ang ituturo ko sa 'yo bukas."
Nagulat siya sa sinabi nito. Samakatuwid, hindi ito nadala sa pagtuturo sa kanya. "Tuturuan mo uli ako bukas?"
Tumango-tango ito. "Hindi pa naman kayo tapos nina Kleggy 'di ba? Ibig sabihin na nandito ka pa bukas."
"'Di pa nga kami nangangalahati, eh," wika naman ni Kleggy.
"Sigurado kang okay lang sa 'yo?"
Ngumiti ito. "Oo nga, kulit!" anito na hindi na hinintay ang sagot niya. Tumalikod ito papasok sa kuwarto nito.
Habang tinitingnan niya ang likod nito, parang gusto niyang hilain ang oras para maging bukas na uli.
Ngayon lang niya nalaman na ganoon kasidhi ang pagnanais niyang matutunang buuin ang Rubik's cube.
p'
BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
RomanceAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...