"SINABI mo 'yon?" napaangat mula sa executive chair na wika ni Ibarra. Pinandilatan niya si Ms. Susie. Apparently, marami itong nasabing kung anu-ano kay Lizzie kagabi.
Muli siyang sumandal nang tila may pumitik sa sentido niya. Kanina pa masakit ang ulo niya. Hindi kasi siya halos nakatulog kagabi. Iyon kasi ang unang pagkakataon sa loob ng dalawang linggo na hindi niya katabi si Lizzie. Pakiramdam niya ay ang laki-laki ng kama niya. Nang sa wakas ay maidlip siya, nanaginip naman siya. May karga daw na baby si Lizzie pero ayaw daw nitong ipasilip sa kanya. Ramdam pa rin niya ang sama ng loob niya hanggang maalimpungatan siya. Marahil kaya napanaginipan niya iyon dahil nasa isip pa rin niya ang napag-usapan nila kagabi. Hindi na nga lang siya muling nakatulog.
"Alin? Na 'yong pagiging overall R and D head ang katuparan ng lahat ng pangarap mo?"
Muli niyang sinulyapan si Ms. Susie. Pinigilan niya ang mapabuntong-hininga. Dati pa naman kasi ay talagang vocal na siya kung gaano kahalaga sa kanya ng trabahong iyon. "That and that other one," aniya.
"Na umiyak ka nang todo no'ng hiwalayan ka?"
At inulit pa talaga nito. "Did you really have to tell her that?
Nagsalubong ang mga kilay nito. "Bakit? Ano'ng masama do'n? Buti nga para 'di ka na paiyakin uli. Konsensyang-konsensya."
Hinilot niya ang sentido niya.
"May problema?" tanong ni Ms. Susie.
"Wala," aniya.
Umupo ito sa upuang nasa harapan ng desk niya bago ibinaba ang hawak na folder. Mataman siya nitong tinitigan.
He knew that look. "For the past few days, you've been wearing your heart on your sleeve, boss. Halatang-halata ang nag-uumapaw na kasiyahan. Kaya kitang-kita ko ang difference ngayon."
Si Ms. Susie ang isa sa pinakamakulit na taong nakilala niya. Alam niyang hindi siya nito titigilan. Tumikhim siya. "It's over."
Kumunot ang noo nito. "Kayo ni Lizzie?"
Tumango siya.
"Magka-holding hands lang kayo kagabi, ah!"
Hindi siya sumagot. Hindi naman kasi niya puwedeng sabihin dito kung ano ang arrangement lang nila ni Lizzie.
Nagkibit siya ng balikat. "Maybe, Lizzie and I...maybe we're not really meant to be together."
Tinitigan siya nito. She did not look sympathetic. "Hindi mo naisip 'yan no'n bago mo nilapitan uli?"
Natigilan siya. Sa tono kasi ng boses nito habang sinasabi iyon ay parang napakasama niyang tao. Na may ginawa siyang masama.
"Magkaliwanagan nga tayo, boss," anito. "Pinaglalaruan mo lang ba si Lizzie? Niloloko mo lang ba ang magandang babaeng 'yon?"
Ramdam niya ang pagsasalubong ng kilay niya. Kumpirmado, kontrabida nga ang tingin ni Ms. Susie sa kanya. "No!" aniya. Hinding-hindi niya sasaktan si Lizzie.
"Sabagay, hindi ka mukhang naluging Intsik kung nang-iisa ka lang," muling komento nito.
"Ano'ng nang-iisa?"
Pinaikot nito ang mga mata. "I don't think it's proper that we discuss what you guys do in private, right."
Hinilot niya ang batok niya. Bakit nga ba kasi siya nagtanong pa?
"Pero ang ipinagtataka ko lang, kung ganyan na nalulungkot ka naman, why are you holding back? Natatakot ka ba?"
Sa totoo lang, nahihirapan siyang intindihin ang sinasabi ni Ms. Susie. Para kasing binabarena ang ulo niya. "Saan naman ako matatakot?"
BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
RomanceAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...
