UMUPO si Ibarra sa tabi ni Lizzie na may kung anong dinudutdot sa iPad. Ini-stretch niya ang braso niya sa sandalan ng upuan. Agad itong humilig sa balikat niya. "Akala ko pa naman seryoso ang ginagawa, candy crush lang pala," aniya.
"Nakaka-clear ng utak, eh. Pantanggal ng stress," anito. "Super nakaka-depress talaga 'yong nangyari do'n sa aksidente."
Naikuwento nito iyon kanina pagdating nito. Nag-cover daw ito kanina sa aksidente sa may Skyway kung saan nagsalpukan ang bus at van. Nawalan ng giya ang bus at tumawid sa steel barrier. Sugatan ang driver ng van pero patay ang nanay daw nito na dapat ay ipapa-check-up lang sa PGH.
Hinalikan niya ang buhok ni Lizzie. Hindi talaga maikakaila na apektado ito kanina pagdating nito. Kapag nagkomento pa siya uli, malamang lalo na naman itong madi-depress. "Pahiram," wika na lang niya sa iPad nito.
Sinimangutan siya nito. "Maglagay ka sa phone mo," anito. Pinagdikit nito ang orange na stripes na candy at yellow na wrapped candy. It turned into a huge orange candy with stripes. Nagsipagsabugan ang lahat ng nadaanan ng pagsabog ng mga 'yon.
"Akala ko dati kailangang padamihin ang chocolates d'yan," aniya.
Sinulyapan siya nito. "What made you think that?"
"Eh, kapag madami sila na sabay-sabay sumasabog parang sobrang explosive."
"Pang-Rubik's cube ka lang kasi," anito. "Talo kita."
Sumandal siya sa armrest ng couch, at dahil nakaakbay siya dito, natangay niya ito. She was now half lying on him. "At paano nangyari 'yon, aber? Marunong ka na bang mag-Rubik's cube? Pang-candy crush ka lang," tudyo niya dito.
Pinandilatan siya nito. "'Yan ang akala mo! Tinuruan ako no'ng isang cameraman. Magaling na ako ngayon," anito. "Buti pa nga 'yon napagtiyagaan akong turuan, ikaw kinalimutan mo."
Natigilan siya. Kahit alam niyang wala namang ibang ibig sabihin si Lizzie doon ay tila may kung ano pa ring nasundot sa dibdib niya. Totoo naman kasi na hindi talaga nila natapos ang Rubik's Cube tutorials nila noon.
Pinigilan niya ang mapapikit. Sa nakaraang mga taon, malamang marami na ring ibang mga bagay na natutunan si Lizzie na dapat ay siya ang kasama nitong gumawa. Mga napuntahang lugar na dapat ay siya ang kasama.
"May girl na sasayaw nang hubad mamaya?"
Natawa siya sa tanong nito. Sinilip niya ang mukha nito. Alam niyang ang tinutukoy nito ay ang bachelor party ng isang colleague niyang ikakasal "Inuman lang 'yon," aniya. "Don't worry, kung meron man 'di ako makikihawak."
Umismid ito.
"Uy, nagseselos..."
"Hindi ah! Ang sinasabi ko lang, hindi magandang gawain 'yang nananamantala sa mga babaeng matindi ang pangangailangan sa pera."
Lumabi siya. "Bakit ka ba deny nang deny? Nagseselos ka 'no? Kaya pati karapatan ng kababaihan naiisip mo ngayon."
Umayos ito ng upo. "Why am I getting this feeling that you're enjoying every minute of this?"
Tumawa siya. "Ibig bang sabihin nai-in-love ka na uli sa 'kin?"
Namaywang ito. Pinandilatan pa siya nito. "Eh, ano kung ganoon nga? May magagawa ka ba do'n?"

BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
RomanceAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...