Chapter 8f

5.8K 149 0
                                    

"WALA ka bang balak magpahinga?"

Mula sa screen ng laptop ay nag-angat ng tingin si Ibarra. Napangiti siya nang makita si Lizzie na nakasandal sa hamba ng pintuan ng kuwarto. "O, bakit bumangon ka?" Sa dining table niya ginagawa ang trabaho niya dahil ayaw niyang maistorbo ang tulog nito sa kakatipa niya sa keyboard.

Imbes na sumagot ay umupo ito sa upuang nasa harapan niya. "Hindi na ba 'yan puwedeng ituloy bukas?"

Itinabi niya ang laptop at hinila ang kamay nito. "Kailangan na kasi bukas, eh," aniya. "Pero patapos na ako."

"Nag-aalala na kasi ako sa 'yo, masyado ka nang subsob sa pagtatrabaho," aniya. "'Pag ako nainis, isusumbong kita sa mama mo."

Lumabi siya. "Sigurado ako ayaw mong mag-alala si mama," aniya. "Teka, nasaan pala sina Kleggy? Bakit wala pa sila? Alas-dose na, ah."

"Lumabas sila. May bago daw bukas na bar somewhere. Tinanong nga kung sasama tayo, pero alam kong busy ka kaya 'di ko na sinabi."

"Bakit hindi ka na lang sumama? Sina Kleggy naman 'yon, alam kong 'di ka nila papabayaan."

"Eh, hindi rin naman ako mage-enjoy do'n kasi 'di ka naman kasama," anito.

Napakamot siya ng batok. "Babe..."

"Babe, wala naman akong sinasabi," anito. "Ang sa akin lang, mas gusto ko na nakikita kita. Na alam kong nand'yan ka lang."

Tiningnan niya ito ng pailalim. "Talaga?"

Nginitian siya nito.

Sinuklian niya ang ngiti nito. "Matulog ka na, susunod na ako," aniya. "Konti na lang 'to."

"Manonood na lang muna ako ng late news," anito na inabot ang remote ng TV.

Inilagay nito iyon sa SFBN. Alam niyang madalas ay pinag-aralan nito ang ginagawa ng ibang mga reporters. Hindi na iilang beses na ginawa siya nitong "audience". Iiling-iling na ibinalik niya ang atensyon sa ginagawa.

Kinakailangan pang mag-undergo ng series of stress test ang mga bagong produkto, iyon ang lumabas sa pagsusuri niya kanina.

Muli siyang napatingin sa TV nang marinig ang tungkol sa stand-off noong isang linggo. Kagaya ng inaasahan niya, muling ipinakita ang video clip ng interview ni Lizzie sa leader ng mga sundalo. Napasimangot siya.

"I-interview-hin mo pa ba uli 'yang si Major?"

Sinulyapan siya nito. "'Yon ang sabi ni Ma'am Tina."

"Hindi ba puwedeng siya na lang ang mang-interview?"

"Kasi nga, ako daw 'yong nag-cover sa start, so parang follow-up ang gagawin ko, gano'n."

Umasim ang mukha niya.

"Okay ka lang?"

Nagbuga siya ng hangin. "Alam mo bang suplado 'yan at hindi basta-basta nagpapa-interview?"

"Sabi-sabi lang 'yon," kontra nito sa kanya. "Mabait siya. 'Di ba nga, kinausap ako no'n agad?"

"That's exactly my point, Lizzie."

Kumunot ang noo nito.

"Sa ilang beses kong pagpanood sa video clip na 'yan, kitang-kita ko kung paano ka titigan."

Ipinilig nito ang ulo nito. Ngumiti.

"What?" singhal niya.

"Nagseselos ba ang babe ko?" Nilapitan siya nito pagkatapos ay yumakap ito sa likuran niya. Ipinatong nito ang baba nito sa balikat niya bago sinilip ang mukha niya.

Humugot siya ng malalim na hiniga. "May tiwala ako sa 'yo," aniya. "Sa ibang tao wala."

Hinalikan nito ang pisngi niya. "No worries, babe, I'm a big girl now."

Hinaplos niya ang pisngi nito. "Sa tingin mo, magugustuhan ako ng parents mo?" tanong niya. Sa weekend, nakatakdang silang tumulak papuntang Tarlac. Ipapakilala na siya nito sa mga magulang nito.

"What's not to like?"

Napangiti siya. Umiling. "Nahihiya lang kasi ako sa parents mo na ganito tayo," aniya.

Sinimangutan siya nito. "Eh, hindi naman nila alam," anito. "At hindi nila dapat malaman kasi malamang babarilin tayo."

Hinalikan niya ang noo nito. "Someday, Lizzie-"

Pinakrus nito ang hintuturo nito sa mga labi niya. Ipinilig nito ang ulo bago ngumiti. "I know," anito.

Hinila niya ito paupo sa kandungan niya. "Sa tingin mo, sisisantehin ako ni Mr Boeyens kung bukas ko tatapusin ang report?"

"Sa tingin ko, hindi," anito na tumayo na bago hinila ang kamay niya.

Ni hindi na niya nagawang i-shutdown ang laptop.

g

Endings and BeginningsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon