"Wait!" ani Lizzie kay Dondon. Itinaas pa ang kamay niya. "Ganito na ako?"
"Wala na tayong time, Lizzie," anito. "Huwag kang mag-alala, maganda ka na."
Ramdam niya ang panginginig ng kamay niya. Naririnig na niya ang anchor na ini-introduce ang report niya. Sa pagkakaalam niya ay simultaneous ang broadcast niyon sa TV at radio station nila.
Tumikhim siya. Nakita pa niyang nag-thumbs up sa kanya si Dondon. Pumikit siya, huminga ng malalim. Nang magmulat siya, pakiramdam niya ay kumawala na ang lahat ng takot niya. Maging siya ay hindi makapaniwala sa naririnig niyang lumalabas sa bibig niya. Dire-diretso.
"Ang ibig mong sabihin, Lizzie, walang balak ang mga sundalo na umalis d'yan hanggang hindi nangangako ang senado na iimbestigahan ang mga alegasyon nila ng katiwalian."
"Tama, Joe," aniya. Hinawakan niya ang earpiece niya dahil pakiramdam niya ay malalaglag na iyon. "Ayon mismo sa kanila, hindi sila-"
Biglang may pumutok. Sa sobang gulat niya ay muntik pa niyang mabitawan ang mic. Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya. Sa sobrang lakas niyon, siguradong sa malapit lang iyon.
"Lizzie, ano'ng nangyayari d'yan? Ano ang putok na iyon?"
Naririnig niya ang boses ng news anchor ngunit wala siyang maapuhap na sabihin. Naumid na rin yata ang dila niya. Paano na lang kung tinamaan siya kanina?
"Lizzie!"
Napapitlag siya. Mukha ni Dondon ang nakita niya. Niyuyugyog siya nito.
"Hinga ng malalim," anito.
Ginawa niya ang sinabi nito. Surprisingly, parang gumaan ang dibdib niya pagkatapos ng pangatlong pag-inhale-exhale niya. "Ano'ng nangyayari?"
Dondon responded by pointing the camera to her left. Sinundan niya iyon ng tingin. May komosyon doon. Obviously that was where the shot came from.
"Okay ka na?" muling tanong ni Dondon.
Tiningnan niya ito. Dahan-dahan ang naging pagtango niya.
She could not help but admire the way he was handling the situation. Pero magsasampung taon na kasi ito sa trabaho nito. Sanay na ito.
"Good," anito. Nakita niyang sumenyas ito. Sinundan niya ito. Tumakbo ito kaya tumakbo rin siya. She was so thankful she was not wearing stilletos.
Muli niyang narinig ang boses ng anchor. "Ano'ng nangyayari d'yan, Lizzie?"
Habang tumatakbo ay sinabi niya sa anchor na palapit na sila sa kinaroroonan ng komosyon.
"Sir, ano po ang nangyari? Bakit po kayo nagpaputok?" tanong niya sa sundalong nakatayo sa nasalubong niya.
"Hindi kami mga terorista, hindi kami mananakit," wika nito. At sinabi na nito sa kanya ang dahilan. Aksidente lang daw ang nangyari.
Nang makuha ang kabuuan ng kuwento, nagpasalamat siya dito at binalikan ang news anchor. Habol niya ang hininga niya. "Iyon nga, Joe, hindi daw sinasadyang mapindot ng isa sa mga sundalo ang trigger ng baril niya. Ang tinamaan lang, kagaya ng nakikita ninyo ngayon ay ang isang baitang ng hagdan."
May mga itinanong pa sa kanya ang news anchor at sinagot naman niya. And truth be told, hindi na niya matandaan kung paano natapos ang report niya.
Nanghihinang napaupo siya nang senyasan siya ni Dondon. Iniabot nito sa kanya ang isang bottled water. "Ganyan talaga sa simula."
"Nagmura pa yata ako, Don!"
Umiling ito. "Hindi. Natulala ka lang."
She groaned at that. Marahil mukha siyang tanga kanina.
"Huwag mo nang isipin 'yon," anito. Ikinuwento nito sa kanya kung ano ang nakakatawang nangyari sa unang araw noon sa field ng isa na ngayong sikat na reporter sa kabilang istasyon.
Kahit papaano ay nabawasan ang hiyang nararamdaman niya.
Makaraan ang marahil ay tatlumpung minuto, nakita niya ang palapit na boss niya, muling nanariwa ang lahat ng takot na nararamdaman niya.
"Ma'am, I'm so sorry I froze on national TV." nahihintakutang wika niya. Ano na lang ang sasabihin ng mga boss nila?
Ngunit tila nakakaintinding hinawakan nito ang braso niya. "That's okay, Lizzie. Masasanay ka rin."
"A-ano po'ng ibig n'yong sabihin?"
"Tumawag sa akin si FTC," anito na ang ibig nitong sabihin ay ang Chairman and CEO ng SFBN. "Napanood ka daw niya sa TV. And he liked what he saw. Kausapin daw kita. Pero kahit hindi niya sabihin, I would still talk to you about it. Base sa narinig ko sa radyo habang bumibiyahe papunta dito, I'd say you sound credible enough."
"M-ma'am Tina..."
Ngumiti ito. "Pero sa ngayon, magpahinga ka muna, mukhang hihimatayin ka na. Nabigla ka yata sa mga nangyari. Mag-usap uli tayo tomorrow morning,"
Tama ang obserbasyon nito. Malapit na yata talaga siyang himatayin. Hindi dahil sa pagod kundi sa tensyon, nerbiyos, pressure. At kung idadagdag pa ang sinabi ni Ma'am Tina, pakiramdam niya ay lulutang na siya anumang sandali. It was like a roller coaster ride. At inaamin niya, gusto niya ito.
BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
RomanceAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...