"KAILANGAN natin ang scene na 'yan. Hindi puwedeng hindi 'yan kasama!"
Nangalumbaba si Lizzie sa narinig na litanya ni Kleggy. Kanina pa sila nagkakagulo. Ipinagpipilitan kasi ni Kleggy na ipakita nila sa ginagawang short film ang pag-uwi ni Lam-ang mula sa labanan, maliligo sa ilog at mangangamatay ang mga isda dahil sa kapal ng libag nito.
Akala pa naman niya ay tapos na ang problema nila nang matagpuan nila si Luke, ang lalaking pumayag na maging Lam-ang kahit hindi kalakihan ang alok nila. Aspiring artist daw ito at experience at exposure lang daw ang habol nito. Pero heto sila ngayon at namumrublema kung saan kukuha ng ilog.
"La mesa dam na lang kaya?" wika ni Kleggy.
"Puwede ba do'n," wika ni John.
Nangalumbaba din si Kleggy. "Hindi puwedeng wala 'yon. Naiintindihan n'yo naman ako 'di ba?"
Pinigilan niyang paikutin ang mga mata niya. May pagka-drama queen talaga si Kleggy. Pero inaamin naman niya, importante ang scene na iyon. May alam siyang ilog sa bayan nila pero masyadong malayo ang Tarlac kaya hindi na niya i-s-in-uggest.
"Kleggy!"
Kahit hindi siya ang tinawag ay awtomatikong nag-angat siya ng tingin sa nagsalita, nagtama tuloy ang mga mata nila ni Ibarra.
Kumunot ang noo niya. Nagkamali ba siya ng dinig? Siya ba talaga ang tinawag nito at hindi si Kleggy kaya sa kanya ito nakatingin?
"Kailangang nanggugulat lagi?" wika ni Kleggy kaya nabaling ang tingin niya dito. Hawak-hawak nito ang dibdib nito. "Aatakehin naman ako sa 'yo."
Alam niya kung ano ang nararamdaman ni Kleggy. Siya man ay napakabilis ng tibok ng puso. Marahil nagulat din siya kaya ganoon ang nararamdaman niya.
"Ikaw na lang ang magbayad sa Meralco. Hindi ko maisingit, eh," muling wika ni Ibarra kaya muli siyang napatingin dito. This time he was now looking at Kleggy.
"Sige, idadaan ko mamaya. Tapusin lang namin ito." Muli nang bumaling sa kanila si Kleggy. Nangalumbaba.
"Bakit para kayong namatayan?"
Muli siyang nag-angat ng tingin. Naglipat ang tingin ni Ibarra sa kanila ni Kleggy at sa dalawa pa nilang groupmate na sina John at Gelo.
Si Kleggy ang sumagot. "Kasi nga kailangan namin ng ilog."
"Para sa?"
"Liliguan ni Lam-ang," ani Kleggy. "Sa kuwento kasi after niyang manggaling sa pakikidigma, maliligo siya sa ilog. Mamamatay 'yong mga isda sa kapal ng libag niya."
Dahil titig na titig siya kay Ibarra, nakita niyang nanlaki ang mga mata nito. "Ibig mong sabihin libagin ako?"
It took her about five seconds to understand what he meant. Bigla niyang naalala ang sinabi noon ni Kleggy na housemate nito na puwedeng maging Lam-ang.
"Hindi naman ganoon," ani Kleggy.
Sa tingin niya niya ay bahagyang natigilan si Ibarra. Tila bigla nitong na-realize kung ano ang sinabi nito. Tumikhim. "Tawagan mo si Mama," anito. "May ilog malapit sa likod ng bahay namin."
Hindi niya inaasahan ang sasabihin nito kaya hindi na naman siya agad nakapag-react. Napatingin na lang siya kay Kleggy nang tumili ito. "Talaga?"
"Bawas-bawasan mo ang pagtili mo, Kleggy. 'Pag ako nainis, babawiin ko ang alok ko," anito bago tumingin sa kanya. Nagulat siya nang ngumiti ito.
Sa pagngiti nitong iyon, bahagyang lumiit ang mga mata nito. Hindi pala ito singkit na singkit. His eyes were narrow and elongated and had an upward slant. Hindi masyadong halata ang guhit sa talukap niyon.
Alam na niya ngayon ang hugis ng mga mata nito. Almond. And they were gorgeous.
BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
RomanceAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...