Chapter 10a

5.9K 147 0
                                        

"IBARRA?"

Mula sa inaayos na cord ng laptop niya ay nag-angat ng tingin si Ibarra. "Yes, Ms. Susie?" tanong niya habang isinusuksok niya sa bulsa ng laptop bag ang cord.

"Pinapatawag ka kasi ni Mr. Geurink. Paalis ka na ba?"

Ang tinutukoy nito ay ang Country Manager nila. "Sana," aniya.

"Gusto mo sabihin ko na lang na nakaalis ka na?"

Hindi niya napigilang mapangiti. "Salamat po," aniya bago inginuso niya ang cctv.

Pumalatak ito. "Ewan ko ba naman kasi sa lolo na 'yan, minsan ka na lang umuwi ng maaga, eh..."

"Hayaan mo na, Ms. Susie" natatawang wika niya. "Susunod na ako." Tiningnan niya ang relo niya. Pasado alas-singko na. May usapan sila ngayon ni Lizzie. At para hindi siya ma-late, kailangang makaalis na siya in ten minutes. Dalawang araw na lang kasi ay tutulak na siya pa-Amerika. Ang plano nila ay magkakasama sila sa lahat ng sandali na puwede silang magkasama.

Ilang araw na niyang pinag-iisipan ang binabalak niyang gawin ngayon at ngayon ay siguradung-sigurado na siya.

Kinapa niya sa bulsa niya ng maliit na kahita. He would do it by the book. Kahapon pa ay nakapagpa-reserve na rin siya sa isang restaurant. Dadaanan na lang niya sa flower shop ang pina-arrange na rin niyang bungkos ng pagkapupulang mga rosas.

Lumabas siya ng opisina niya at tinungo ang opisina ni Mr. Geurink sa dulo ng pasilyo. Mula sa glass door ay kitang-kita niya itong kunot ang noo na nakatitig sa hawak nitong green folder.

Kumatok siya.

Agad naman itong nag-angat ng tingin at kinambatan siya na pumasok.

"I don't think I like what I'm seeing in this report, Engineer Daez," agad na wika nito bago iniabot sa kanya ang folder na kahit hindi niya tingnan ang nakasulat ay alam niya kung ano. Report iyon mula sa Research Department. Report ng pumalit sa kanya.

Binuklat niya iyon. Agad na napakunot siya ng noo sa nakita. Sa nakaraang sampung buwan, siya ang gumagawa ng report na iyon kaya sa isang tingin pa lang alam na niya agad kung ano ang hindi nagustuhan doon ni Mr. Geurink. Kulang iyon.

Pinigilan niya ang sarili na hilutin ang sentido niya. Paulit-ulit niya iyon na itinuro kay Ben, ang papalit sa kanya, noong nagtu-turn-over sila. At hindi lang niya ito tatlong araw na tinuruan. Halos tatlong linggo iyon. Paano nangyaring nakalimutan pa rin nito?

"Tell me, Engineer Daez," anito. "How confident are you that Engineer Manalo could do your job efficiently?"

Humugot siya ng malalim na hininga. "I know he can do it, Sir."

"Then how come this report is incomplete!"

Iyon din ang hindi niya maintindihan. "I'll talk to him about it first thing in the morning, sir," aniya. Napasulyap siya sa relo na nasa console table sa likod nito. Limang minuto na siyang nandoon.

"Tomorrow? No, you better talk to him now! The two of us are going to talk to him. Now."

Pakiramdam niya ay nasuntok siya sa sinabi nitong iyon. Kilala niya si Mr Geurink. Kapag galit ito, dalawang oras ang pinakamiksi na pananabon nito sa empleyado. Paulit-ulit lang naman ang sasabihin nito pero wala namang may lakas ng loob na magsabing "okay na, gets ko na, tama na!"

Tumikhim siya. "Sir-"

Itinaas nito ang kamay nito dahil pumindot ito sa intercom. "Susie, please tell Engineer Manalo to come here," anito doon bago bumaling sa kanya. "We can't afford to have mistakes like this. Minute errors could mean millions of dollars of losses!"

"Sir-"

"Mr. Boeyens might think that we're not taking good care of this company! We wouldn't want that, right?" anito. "I know you're a nice kid. A very smart one at that. That's the reason why Mr Boeyens likes you very much."

Pasimpleng sumulyap sa relo sa likuran nito. Fifteen minutes na ang nakakalipas. Tumikhim siya.

"You've got no plans tonight, right?" tanong nito. "But if you do, cancel it. Afterall, you're leaving us in two days. Do this for Mr. Boeyens, okay?"

Nagtagis ang mga bagang niya. He could not let Lizzie down. Muli siyang tumikhim. "Sir-" Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil may kumatok. Si Ben.

Kagaya sa kanya kanina, kinambatan lang din ito ni Mr. Geurink ngunit hindi kagaya niya na maayos itong tinanggap. Hindi pa man nito naisasara ang pintuan ay pinagmumura na ito ni Mr. Geurink.

"I could not stand stupidity, Engineer Manalo!" bulyaw nito sa bagong dating.

Nakaramdam siya ng awa kay Ben. Naiintindihan niya na may posibilidad nga namang magkamali ito dahil kauna-unahang report iyon na ginawa nito.

Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Responsibilidad niyang siguruhin na maayos ang maiiwan niyang trabaho.

"Sir, I'll just walk Engineer Manalo through tonight and then we'll submit a new report tomorrow," napipilitan nang wika niya. Kailangang lamayin iyon ng dalawa hanggang tatlong oras.

Kinapa niya sa bulsa niya ang kahita. Magmamakaawa na lang siya kay Lizzie. He knew she would understand. She always did.

Endings and BeginningsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon