Chapter 18b

6.4K 151 4
                                    




Sa sinabing iyon ni Miss Susie, nakakasiguro na si Lizzie na may alam ito sa nangyari sa kanila noon ni Ibarra. Kung sa ibang pagkakataon marahil, baka tinaasan na niya ito ng kilay. Pero nakapagtatakang sa pakiramdam niya ay hindi niya iyon kakayaning gawin iyon kay Ms Susie. Dahil sa kabila ng sinasabi nito sa kanya, alam niyang dahil iyon sa loyalty nito kay Ibarra.

"I..." Tumikhim siya. "I'm sorry to hear that."

Umiling ito. "You broke his heart."

Pinigilan niya ang mapabuntong-hininga. Pakiramdam niya ay isa siyang schoolgirl na sinesermunan ng principal. Gusto niyang sabihin na maging siya ay nasaktan din naman noon pero hindi niya magawa. Tipid ang naging pagtango niya.

Malungkot itong ngumiti. Halatang may naalalang malungkot. "Natatandaan ko pa no'ng huling araw niya sa Pilipinas no'n. Habang pumipirma siya sa voucher, 'yon 'yong sa baon niya na dollars, may nahulog na luha sa voucher. Isa lang naman 'yon, pero no'ng mag-angat siya ng mukha, kitang-kita sa mga mata niya ang lungkot."

Ganoon na lang ang bilis ng tibok ng puso niya sa sinabi nito.

"My heart went out to him. Nagising ang pagiging ina ko. Hinila ko siya sa pantry. Kinausap ko. At doon, sinabi niya ang mga bagay na sa tingin ko ay hindi niya masasabi kahit sa mama niya. Pinabayaan ko siyang umiyak. Umiyak siya nang umiyak," anito. "At dahil 'yon sa 'yo."

Napapikit siya. Alam niya na puwede niyang ipagtanggol ang sarili niya. But she did not dare interrupt Ms. Susie. Habang iniisip niya na nasa ganoong sitwasyon si Ibarra, pakiramdam niya ay nagsisikip ang dibdib niya. Mas malinaw pa ngayon sa kanya kung gaanong sakit ang naidulot niya dito.

"Despite what you have done to him, sarili pa rin niya ang sinisisi niya. Hindi daw worth it na napakawalan ka niya dahil lang busy siya sa paghabol sa mga pangarap niya. Hindi nagbago ang paniniwala niya kahit paulit-ulit kong sinabi sa kanya na kung talagang mahal mo siya ay maiintindihan mo siya. Hindi kita kilala, eh, pero siya, kilalang-kilala ko. Kahit sumisigaw noon si Mr. Geurink, 'yon 'yong Country Manager no'n, Ibarra never flinched. I've always thought of him as a tough kid. And to see him on the verge of breaking down ..." umiling ito. Hindi na nito itinuloy ang sinasabi nito.

Nakagat niya ang mga labi niya. Noong itinataboy niya si Ibarra, pakiramdam niya ay tama ang lahat ng sinasabi niya. Pero kung bakit hindi niya ngayon maipagtanggol ang sarili niya ay hindi niya lubos na maintindihan. Dahil ba guilty pa rin talaga siya hanggang ngayon?

"He looked so vulnerable, then," anito. "And look at him now."

            Muli, parang iisang taong tiningnan nila si Ibarra. He was now barking orders on the phone. Kumukumpas pa ang kamay nito.

            "Unti-unti na niyang naaabot ang mga pangarap niya. Sa pagkakaalam ko, 'yon na lang ang tanging hinihiling niya." anito. "Kaya ipinag-novena ko pa 'yan sa Baclaran."

            Mapait siyang napangiti sa sinabi nitong iyon. 

            "Masaya ako na kayo na uli. Iyon nga lang, mahirap ang long distance relationship. Pero siguro mas mature na kayo ngayon na haharapin ang lahat."

Pinigilan niya ang mapapikit. There will be no long distance relationship. Pag-alis ni Ibarra, tapos na rin sa kanila ang lahat.

Nang ibaba ni Ibarra ang kape sa harapan ni Ms. Susie, napagtanto niyang wala siya ni isang nasabi. Wala naman kasi talaga siyang maisip sabihin.

"Alam mo ba, Ms. Susie, starting next week, anchor na si Lizzie ng Balitang Alas-sais?" Hinawakan pa nito ang kamay niya.

Pakiramdam niya ay lumipad ang lahat ng bigat sa dibdib niya sa narinig na sinabi nito. Muntik pang umigkas ng kaliwang kilay niya. She was amused by the fact that he was acting like a proud boyfriend.

"Talaga? Congratulations! Manonood na ako lagi," anito. "Nakilala na kasi kita. At sa tingin ko, magaling pumili ang alaga ko."

Pakiramdam naman niya ay sincere ito. "Salamat, po."

            Ngumiti si Ms Susie bago bumaling kay Ibarra, "So, paano, mauna na ako?" wika nito. "Nakakaistorbo pa ako sa pagsulit n'yo ng time n'yo sa isa't-isa."

            Kahit nagprotesta pa si Ibarra, hindi na ito nagpapigil. Bitbit ang kape, iniwan na sila nito.

Endings and BeginningsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon