"TALAGA, Ibarra? Pumapayag ka na?"
Mula sa mga sinasamsam na mga gamit sa ibabaw ng kama niya ay sinulyapan ni Ibarra si Kleggy, ang isa sa dalawang housemate niya. Nakatayo ito sa may pintuan ng kuwarto niya. Tutop nito ang bibig. Halatang nagpipigil tumili.
Hindi niya ito sinagot. Hindi naman kasi talaga bukal sa loob niya ang pagpayag niya.
Kahapon pa siya nito kinukulit tungkol sa brainstorming daw na kailangang gawin nito at ng mga kagrupo nito. Hinihingi nito ang permiso niya na sa apartment nila gawin iyon. Ayaw sana niya dahil kilala niya ang mga kaibigan nito na karamihan ay mga kapareho nitong mga Broadcast Communication student. Kalalaking mga tao pero daig pa ang babae kung makatili. Nasisira ang concentration niya kapag nagpupunta ang mga iyon sa kanila dahil sa ingay ng mga ito. Marami pa naman siyang kailangang i-review at tapusing term papers sa mga susunod na araw.
Lumapit siya sa kama niya. Sa ilalim lang niyon puwedeng mapunta ang scientific calculator niya. Nakatulugan na naman kasi niya ang pagsu-solve. Ang naiwan na lang sa tabi niya kaninang magising siya ay ang libro at lapis.
"Promise, hindi kami mag-iingay," narinig niyang dagdag pa nito.
Iniusod niya ang kama. Agad naman niyang nakita doon ang hinahanap niya. Yumuko siya at pinulot iyon. Mabilis na ipinunas sa hita ng jeans niya bago ibinulsa. "Siguraduhin mo lang, dahil kung hindi, kakaladkarin ko talaga kayo palabas ng mga groupmates mo na 'yan," aniya bago nag-angat ng tingin. Nahuli niya si Kleggy na pinapaikot ang mga mata nito at tila ginagaya ang pagsasalita niya. "Nakita ko 'yon. Gusto mong bawiin ko ang pagpayag ko?"
Tiningnan siya ng pailalim ni Kleggy. "Joke lang naman," anito. "Anyway, salamat. Balang-araw, makakaganti din ako sa kabutihan ng puso mo."
Kung sarcastic ba ito sa sinabi nito, wala na siyang pakialam. Napapailing na lang na nilamapasan niya ito.
Hindi si Kleggy ang orihinal na housemate niya kundi ang kuya nito na g-um-raduate na noong nakaraang taon at ngayon ay engineer na sa Dubai. Noong una ay inaamin talaga niya na hindi siya kumportable sa presenya ni Kleggy. Pero nang magtagal, nasanay na siya. Isa pa, kahit papaano ay nagmumukhang bahay ang tinitirhan nila dahil dito.
Malapit na siya sa pintuan nang muli siyang tawagin ni Kleggy. Lumingon siya. "Ano na naman?"
Pinaglalaruan nito ang laylayan ng T-shirt nito na nagmukhang blouse dahil ginupit nito ang kuwelyo. Halatang nag-aalangang sabihin ang nasa isip.
"Ano?" muling singhal niya.
Hinawakan nito ang dibdib nito. "May problema kasi kami sa short film na gagawin na-."
"Uutang ka? Wala akong pera," agad na putol niya sa sasabihin nito. Pero sabi lang niya iyon. Hindi naman niya ito matitiis. Madalas ay humihiram ito sa kanya tuwing nadi-delay ang padala ng kuya nito.
Sinimangutan siya nito. "Hindi 'yon."
Tumingin siya sa relo niya. Kung hindi pa siya aalis, pihadong mali-late siya sa klase niya. "O, eh, ano?"
"Eh, kailangan kasi namin ng gaganap na Lam-ang sa short film," mabilis na sagot nito. "'Yong ibi-brainstorm namin mamaya?"
Kung ano ang kinalaman niya sa pinu-problema nito, wala siyang ideya. Kunot ang noong hinintay na lang niyang tapusin nito ang sinasabi.
"Kailangan kasi namin ng guy na sexy. Iyong hindi mukhang bouncer sa laki, tama lang ang abs, guwapo siyempre. I-sin-uggest ko kasi sa groupmates ko na may housemate ako na puwede sa role na Lam-ang," anito. "Makakatipid na rin kami 'pag nagkataon. Ibabayad na lang namin sa editing house."
Pakiramdam niya ay sumulak ang lahat ng dugo niya sa ulo. Hindi siya tanga para hindi makuha ang ibig nitong sabihin ngunit pinigilan niya ang sarili niya na mag-react nang todo. "Utang na loob Kleggy, sabihin mo sa akin na si Ernie ang iniisip mo na puwede sa role na Lam-ang kundi baka hindi ko alam kung ano ang magawa ko sa 'yo."
Humawak ito sa braso niya. "Kung ang inaalala mo ay 'yong bahag at wig, ako na ang bahala do'n."
Inambaan niyang babatukan ito.
Lumayo ito. "Joke lang 'yon," anito. "Mayaman 'yong groupmates ko. Ha-hire na lang kami ng macho dancer."
"Mukha akong macho dancer?"
"May sinabi ba ako? Isa pa, ano naman kung mukha kang macho dancer? Ano ang masama sa pagiging macho dancer?"
Matalim ang tinging ipinukol niya dito. "Bakit ba kita pinagtityagaang kausapin?"
Pinungayan siya nito ng mata. "Dahil deep inside, you love me," anito. "You care."
Pumalatak siya. "Habang tumatagal, lalo kang lumalala," aniya. "Pagkatapos ng graduation, hahanap na ako ng bagong bahay. Napupuno na ako sa 'yo."
Lumabi si Kleggy. "Maniwala ako sa 'yo," anito. "Mami-miss mo ako kaya sigurado akong housemates tayo forever."
Kung hindi marahil niya alam na harmless si Kleggy ay kinilabutan na siya sa sinabi nitong iyon. Tinalikuran na niya ito. Lalo lang tatagal pa ang diskusyon nila kung papatulan pa niya ang sinasabi nito kaya lumabas na siya ng bahay. Kung sabagay, tama ito. Kumportable na siya na ang mga ito ang kasama niya sa bahay. Wala talaga siyang balak na humiwalay ng apartment sa mga ito. Accessible din kasi iyon at hindi masyadong malayo sa unibersidad kung saan niya rin binabalak kumuha ng masters degree.
Binilisan niya ang mga hakbang niya. Hindi siya dapat ma-late.
BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
DragosteAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...