"HEY, Lizzie, hindi ka pa sasabay?"
Nilingon ni Lizzie ang nagsalita. Isa iyon sa mga kasamahan niyang writer/researcher sa newsroom ng SFBN. Kasabayan niya ito noon na pumasok bilang production assistant. Dahil tapos na ang late night news, nagsisipag-uwian na ang mga ito. "May tinatapos lang ako," aniya. Ang totoo, puwede niyang tapusin na lang iyon bukas. Hanggang sa Biyernes pa naman ang deadline niya.
"Umuwi ka na rin, malakas na ang ulan sa labas. Baka bumaha."
"Sige," aniya. Kaninang umaga pa umuulan. Pero wala naman daw bagyo. "Ingat," pahabol na wika pa niya sa kumaway na lang na kasamahan niya.
Noon ay hindi siya nauunahan sa pagta-time-out. Pero nitong mga nakaraang mga linggo, masyadong nagbababad si Ibarra sa planta sa Cabuyao kaya nagpapagabi na lang din siya. Nang tawagan niya ito kanina, nagsabi ito na baka abutin daw ito ng hatinggabi kaya nagdesisyon siyang doon na lang muna sa newsroom.
It had been three months since they started living together. Hindi nila iyon pinlano. Nagulat na lang siya isang araw nang tawagan siya ni Neve at itanong kung may balak pa daw ba siyang umuwi sa apartment nila. Noon niya napansin na nao-okupa na ng mga damit niya ang mahigit kalahati ng cabinet ni Ibarra. Maayos nang nakahilera sa ibabaw ng bookshelf nito ang mga lotion, pabango at kung anu-ano pang kakikayan niya.
Demanding sa oras ang trabaho ni Ibarra. May mga panahon na hindi sila nakakapagkita dahil minsan alas-onse na ay nasa planta pa ito. Kailangan daw nitong matutunan ang maraming bagay bago ito malipat sa East Coast Plant ng kompanya nito sa Amerika na siyang pinakamalapit sa MIT.
Naiintindihan naman niya iyon. Kaya nga madalas, kapag wala rin lang naman siyang pasok ay nandoon siya. Hanggang hindi niya namamalayan na doon na pala siya nakatira. Everything became a lot more convenient because of that. Kahit papaano, nakakapagkita pa sila. No matter how late.
At dahil ayaw naman niyang mag-isa sa kuwarto, nakagawian na niyang mag-stay nang mas late sa newsroom. Mas maaga tuloy niyang natatapos ang mga assignments niya. Ang resulta, aliw na aliw sa kanya ang senior correspondent na siyang host ng magazine show. Nang matapos ang isang season, ni-request siya na isama uli sa team. Kapag ganon nang ganoon, hindi magtatagal baka maging headwriter na siya.
Sinulyapan niya ang relo niya. Maga-alas-onse na. Kailangan na niyang umuwi. Baka nga bumaha.
Akmang iaayos na sana niya ang mga gamit niya nang mag-ring ang telepono. Tumayo siya at nilapitan iyon. Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay naunahan na siya ng nasa kabilang linya.
"Sino 'to?"
Nabosesan niya agad iyon. It was the VP for News and Current Affairs. "Ma'am Tina, si Lizzie."
"Sinong reporter ang nand'yan?"
"Wala po," aniya. Sa pagkakaalam niya ay nasa kani-kaniyang beat na ang mga iyon. Nasa mga binabahang lugar. "Kami na lang po nina Dondon at Marie." Mga kasamahan din niya ang mga iyon. Cameraman si Dondon. Samantalang si Marie ay researcher. Mag-boyfriend ang mga ito.
"May nag-aklas daw na mga sundalo, nagdala ng mga tangke sa harap ng MRT station sa North Edsa. Sabi ng source ko, wala pa daw reporters do'n. Kailangang maka-exclusive tayo. Ikaw ang nasa pinakamalapit. Take the OB van. I'm one hundred percent sure that this is going to be a big story. Mauna na kayo doon ni Don, gather some info. Marunong ka namang magsulat ng news 'di ba?"
"Yes ma'am," aniya na kumakabog na ang dibdib. Hers was a desk job. Hindi pa nya nararanasang pumunta sa mismong lugar kung nasaan ang balita.
"Good," anito. "Susunod na rin ako do'n. We go live when I get there. Clear?"
"Yes, ma'am," aniya.
"Go," anito. "Ingat kayo."
Agad niyang sinabi kay Dondon ang sinabi ng boss nila. Wala rin itong sinayang na sandali. Kasama ang crew, agad na silang tumulak sa assignment nila.
BINABASA MO ANG
Endings and Beginnings
RomanceAyon sa mga kaibigan ni Lizzie, mahirap mahalin ang isang lalaking tulad ni Ibarra na guwapo, matalino, pero mailap. Subalit hindi niya alintana iyon. Hinayaan pa rin niya ang sariling mahulog kay Ibarra. Everything was perfect, until Ibarra's dr...