[7] Stay Beside You
Pinilit kong matulog pero hindi ko magawa. Ang daya dahil itong si Raziel sa aking tabi ay mahimbing ang tulog habang ako ay hindi dinadalaw ng antok. Iba ang dumadalaw sa akin. Malakas at mabilis na kabog ng dibdib.
Uminit ang pisngi ko. Nakapulupot ang mga braso niya sa baywang at itaas ng aking dibdib. Nakatalikod ako sa kanya at ramdam na ramdam ko ang payapa niyang paghinga sa aking batok.
Nagsisiksikan kami sa maliit kong kama. Hindi kasya ang buong katawan niya. Pinatong niya ang kanyang mga binti sa akin kaya nahihirapan akong gumalaw. Para lang akong isang manikang yakap-yakap niya. Ang kaibahan lang ay humihinga ako at dumadagundong ang aking dibdib.
Humugot ako nang malalim na hininga. Pinilit kong ipikit ang mga mata ko at matulog na may malakas at mabilis na pintig ng puso ngunit hindi ako nagtagumpay.
Lagpas dalawang linggo pa lang simula nang magkakilala kami. Sa loob ng mga araw na iyon ay marami na siyang ginawa sa aking kailanman ay hindi ko naisip na mangyayari sa akin ngayong taon, o sa susunod pang mga taon.
Marami na rin siyang pinaramdam sa akin. Sa simpleng mga salita niya lang, nagagawa niyang iparamdam sa akin ang iba't ibang emosyon. Lalo na't minsan lang siya magsalita. Sa mga galaw at kilos naman niya, kaya niyang palambutin at panginigin ang buong kalamnan ko.
Masyadong malakas ang epekto niya sa akin. Ganito ba talaga siya? He's too much. Pati ba ang ibang Lionheart, katulad niya? Sumisigaw ng awtoridad at kapangyarihan?
I want to meet his other brothers as well.
Narinig ko ang munting kaluskos sa kusina. Naaamoy ko ang bango ng kape pang umaga. Dumilat ako at mabilis kong nakita sa maliit na wall clock sa aking kwarto ang oras.
Umaga na! Hindi man lang ako nakatulog kahit isang oras!
Nilingon ko si Raziel na hindi man lang nawala sa aking katawan ang mga kamay at binti. Nakaramdam ako ng pananakit ng leeg. Simula kagabi ay hindi ata ako gumalaw sa posisyon ko. Mabigat ang aking katawan. Nangangalay.
Ngumuso ako nang makitang natatabunan ng kanyang itim na buhok ang mga mata niya. Ang nakangusong labi ay naging isang ngiti nang makitang gumalaw siya.
"Why are you smiling at me?" garalgal ang boses na tanong niya sa akin.
Gising na siya. Gusto kong hawiin ang buhok niyang nakatakip sa kanyang mga mata pero hindi ko magalaw ang mga kamay ko dahil nakakulong ako sa bisig niya.
"Magandang umaga," bati ko sa kanya, hindi sinagot ang kanyang tanong.
"Morning."
Mas lalong lumaki ang ngiti ko. Siya pala iyong klase ng taong kahit masungit, suplado, at tahimik, bumabati pabalik ng magandang umaga.
Tamad siyang lumayo sa akin. Dahan-dahan akong umayos ng higa at nag-unat. Umupo siya at marahang inayos ang magulong buhok. Kagaya ko ay nag-unat din siya ng mga braso. Kita ko kung paano lumabas ang musles sa mga braso niya. Lumingon siya sa akin pagkatapos mag-unat. Nakikita ko na ang mga mapupungay niyang mata.
Lumunok ako. May kaunting barado sa lalamunan ko.
"You looked like you didn't sleep well," aniya.
He licked his upper lip while staring at me. Hindi ako nakahinga nang abutin niya ang buhok ko at marahang tinanggal ang mga hiblang nakakalat sa aking mukha.
Kagat ang pang-ibabang labi, umiwas ako ng tingin sa kanya. Hinayaan ko siyang ayusin ang buhok ko.
Nakaramdam ako ng takot. Kaunting takot. Baka kasi ay makasanayan ko ang umagang ganito. Iyong siya ang nasa tabi ko. Iyong magbabatian kami ng magandang umaga. Iyong sabay kaming mag-uunat. Iyong aayusin niya ang mga nakakalat kong buhok sa aking mukha habang mapungay ang mga matang nakatingin sa akin.

BINABASA MO ANG
Eyes On Me
General FictionThe Lionheart Brothers #1 "You are always looking at her. Just this time, please, look at me. Eyes on me."