[36] After a Month

3.6K 95 15
                                        

[36] After a Month


Gulat na gulat ako nang malaman ni Vaan ang tungkol sa pagkikita namin ni Madam Red at sa katotohanang may nahanap na itong fiancée para sa kanya. Para akong binuhusan nang malamig na tubig habang tinatanggap ang galit niya.

"Kapatid mo ako pero hindi mo sinasabi sa akin ang mga nangyayari sa'yo. Hindi ka pa rin nagbabago," sabi nito at masama akong tiningnan.

Naninikip ang dibdib ko pero sinikap kong magsalita at ipaliwanag ang side ko. "Ginawa ko lang iyon... tinago ko lang iyon dahil... dahil... ayaw kong mag-isip ka pa nang kung anu-ano. Ayaw kong mamroblema ka pa. Gusto ko ako na lang ang nahihirapan. Ayaw kong madamay ka pa."

"Ate, damay talaga ako! Hindi mo lang problema ito! Problema natin ito!"

"Paano mo ba nalaman?" halos hindi makahinga kong tanong.

Sa galit niya ay ginulo niya ang kanyang buhok. "Isa sa mga guest speaker si Auntie sa huling araw ng seminar doon! Gulat na gulat ako! Walang nakaalam na magkamag anak kami dahil hindi naman niya ako kinausap! Hindi ko rin siya pinansin! Pero akala ko makakatakas na ako sa kanya, hindi pala! Gamit ang mga body guards niya ay pinadala ako sa suite room niya sa hotel na 'yon at kinausap!"

Nahigit ko ang hininga ko. "Sinaktan ka ba niya?"

"Hindi! Pero puro pang-iinsulto ang sinabi niya sa akin!"

Naramdaman kong lumapit si Raz sa aking tabi na kanina pa tahimik na nanonood at nakikinig sa aking likod. Hinawakan niya ang balikat ko kasi hindi na talaga ako makahinga nang maayos. Lumingon si Vaan sa kanya pero agad bumalik sa akin ang tingin.

"Umalis na tayo rito!" galit na suhestiyon ng aking kapatid. "Ate, tara na!"

Kinagat ko ang labi ko. Nagkatinginan kami ni Raz. Gumalaw ang panga niya at nanliit ang mga mata, hinihintay ang magiging sagot ko sa aking kapatid. Para na akong lulubog sa klase ng tingin niya. Kinuyom ko ang mga kamao ko at buong lakas na umiwas ng tingin. Pakurap-kurap akong tumitig kay Vaan.

"Ayaw kong umalis..."

"Ano?" Nanlaki ang mga mata niya.

"Ayaw kong umalis, Vaan. Dito lang tayo..."

"Naririnig mo ba ang sarili mo? Kung dito lang tayo at hihintayin nating kunin tayo ni Auntie, baliwala ang naging pagtakas at paglayas natin noon! Baliwala ang paghihirap nating mabuhay nang tayong dalawa lang dito sa Travia! Baliwala ang lahat kung babalik din naman tayo sa mansion na 'yon! Ate, ano ba!"

Nanginig ako sa lakas ng boses niya. Ang mala-anghel niyang mukha ay nababalutan ng galit. Ang mahinahon at marahan niyang boses ay sobrang taas at lakas na animong kaya akong lamunin nang buo.

"Ayaw kong umalis, Vaan..." sobrang hina ng boses ko.

Umiling-iling ako para ipakita sa kanya na ayaw ko talaga. Ayaw ko! Ayaw kong umalis! Natutunan ko ng mahalin ang bayang ito! Napamahal na ako sa mga tao rito! Ayaw kong umalis!

"Bakit ayaw mong umalis, Ate? Ano ka ba naman..." huminahon ang boses niya. Sinulyapan niya si Raz. Umiling siya sa dismaya. "Bahala ka nga! Bahala ka talaga, Ate! Bahala ka!" bigla siyang nag walk out at pumasok sa kwarto niya. Malakas niyang sinarado ang kanyang pinto.

Tinakip ko ang aking mukha ng mga palad ko para itago kay Raza ng mga luhang mabilis bumuhos sa mga mata ko.

Niyakap niya ako nang patagilid. Hinimas niya ang likod ko. "Everything will be alright."

Eyes On MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon