[15] Do Not Touch
Ilang segundo ko pang hinawakan ang magkabilang pisngi ko bago nakatayo sa pagkakakaupo. Sobrang init ng mukha ko dahil sa huling sinabi ni Raziel. Hindi ako makapaniwalang kaya niyang sabihin iyon nang walang pag-aalinlangan!
Tumungo ako sa banyong itinuro niya sa akin. Ayaw ko sanang makigamit ng cr lalo na ng kanyang damit ngunit dahil maraming nangyari ngayong araw, para na akong hinahatak ng shower.
Pagbukas ko ng pinto ng banyo, agad akong inatake ng pamilyar na panglalaking bango. Ito ang amoy ni Raziel. Matapang at misteryosong amoy.
Hindi ko namalayang nangingiti na pala ako habang nililibot ang kabuuan ng banyo ng kwarto ni Raziel kung hindi ko pa makikita ang repleksyon ko sa malaking salamin sa sink. Walang masyadong abubot ang loob nito. Mga mukhang mamahaling shower gel, body wash, bar soap, panglalaking shampoo at conditioner, isang toothbrush at toothpaste, at mga gamit pang-shave ang nakikita kong nakadisplay. Isang tipikal na ayos ng banyo para sa isang lalaki.
Para akong kinikiliti na ewan sa mga nakikita ko kaya bago pa ko may maramdamang iba, dumiretso na ako sa shower room kahit pa ang gusto ng katawan ko'y magbabad sa pabilog na bathtub.
Binalot ko ng bathrobe ang aking katawan pagkatapos maligo. Umaalingasaw ang amoy ni Raziel sa katawan ko dahil ginamit ko ang shampoo, conditioner, at shower gel niya. Hindi ko mapigilan ang pag ngisi.
Nadatnan ng aking paningin ang toothbrush niyang nasa sink. Napalunok ako. May isang hindi magandang ideya ang naglalaro sa aking utak kaya mabilis akong umiling at bumuga ng hininga. Imbes na ang toothbrush niya ang kunin ko, iyong mouthwash ang kinuha ko.
Pagkatapos gumamit ng mouthwash, ginamit ko ang suklay na nandoon sa sink at sinuklay ang basa kong buhok habang nakatingin sa salamin. May biglang kumatok sa pinto.
"Vivi," si Raziel.
Bumilis ang tibok ng puso ko. Wala sa sarili kong hinigpitan sa pagkakabuhol ang bathrobe ko.
Maliit kong binuksan ang pinto. Nagkatagpo ang mga mata namin. May ibinigay siyang paper bag sa akin.
"A-Ano ito?" Tumikhim ako dahil biglang nanuyo ang aking lalamunan. Sinilip ko ang laman ng paper bag at nakitang may lamang bagong underwear doon. "Saan galing?" Umangat ang tingin ko sa kanya at naabutan ko siyang titig na titig sa akin.
Mas lalo tuloy nagwala ang puso ko.
"I got it from Ezreal. It's all brand new. Don't worry."
Oh. Iyong kasambahay nilang kasama ni Jagger kanina.
"Thank you..." mababa ang boses na sabi ko.
Ilang saglit niya pa ako tiningnan bago niya sinara ang pintong hawak-hawak ko. Nagmadali kong sinuot ang underwear ngunit nang maalala kong wala akong nakuhang damit sa closet ni Raziel ay nanlumo ako.
Pigil ang hininga at nakasuot lang ng roba, dahan-dahan akong lumabas ng banyo. Napabuga na lang ako ng hininga nang makitang walang Raziel sa loob ng kwarto.
Hindi ko na nagawang pagmasdan at hangaan ang loob ng closet ni Raziel dahil sa pagmamadali. Basta na lang akong maingat na kumuha ng isang t-shirt at jersey shorts at sinuot iyon.
Paglabas ko'y nandoon na sina Vaan, Raziel, at Jagger. Pare-parehas lumipad ang ulo nila para tingnan ako. Base sa lukot na mukha ng aking kapatid ay alam ko nang hindi niya nagustuhan ang desisyon ni Raziel na dito ako matulog. Pinasadahan niya ng tingin ang buong katawan ko at sarkastikong natawa.
Nag-init ang pisngi ko sa tawa niyang walang humor at sarkastiko.
"Mukhang handang-handa ka na matulog, Ate?" Tumagilid ang ulo ni Vaan. Ngumuso ako at umiwas ng tingin. Wala akong masabi. "Umuwi na tayo," mala-hari niyang utos sa akin.
BINABASA MO ANG
Eyes On Me
General FictionThe Lionheart Brothers #1 "You are always looking at her. Just this time, please, look at me. Eyes on me."