Nagising ako sa mahinang tapik sa mukha ko. Iminulat ko ang aking mga mata at nakita si Inay na nakangiti sa akin.
"Tumayo ka na dyan anak. Nasa labas na si Betty at Gladys. Sinusundo ka na nila at ngayon na daw kayo aalis."
Napatayo agad ako at nagsimula ng mag-ayos. Napakaaga naman pala ng pagpunta nila rito.
Nang matapos na ako ay lumabas na ako ng bahay dala ang mga gamit ko. Isang malaking bag at isang maliit lang ang dala ko. Kakaunti lang kasi ang mga damit na meron ako. Lalabhan ko nalang siguro doon pagkatapos kong gamitin.
Nakatayo sa labas ng aming bahay sila Tita Gladys at Betty kaharap ng pamilya ko. Nakangiti sila parehas sa akin. Maluha luha naman ang mga mata ni Inay at Itay. Sila Lea at Lita naman ay nakatungo lang. Sa pinapakita nila, ngayon palang ay nalulungkot na ako.
Nilapitan ko sila Inay at Itay at niyakap ang mga ito. Sunod ko namang niyakap ang kambal.
"Mag-iingat ka roon ha. Ang mga bilin ko wag kakalimutan. Mahal ka namin anak." maluha luhang yumakap ako sa kanila. Ngayon palang ako mawawalay ng malayo sa kanila kaya't hindi ako sanay.
"Opo Inay. Makikisuyo nalang po ako kay Betty para matawagan kayo at makamusta. Magpapadala nalang po ako ng pera sa inyo kapag may sahod na po ako."
"Wala pong problema sa akin yung Tita Lilia. Pupunta nalang po ako dito kung sakaling mapatawag sa akin si Laila." nakangiting sabi ni Betty kila Inay.
"Kayong dalawa. Wag nyong pababayaan ang Inay at Itay ha. Mag-aral kayo ng mabuti. Pagnakauwi ako dito ay may pasalubong ako sa inyong dalawa" tumango lang ang kambal at niyakap ako. Mamimiss ko itong makukulit kong kapatid.
"Ikaw na ang bahala sa anak namin Gladys. Wag mo sana syang pabayaan."
Ngumiti naman si Tita Gladys at tumango.
"Makakaasa po kayo." tumingin naman ito sa akin. "Tara na. Kinakailangan na nating umalis." ngumiti nalang ako sa kanila at sumunod na kila Tita Gladys at Betty sa kanilang sasakyan. Kumaway muna ako sa pamilya ko at umalis na kami.
"Wag kang mag-alala at hindi naman kita papabayaan. Mababait ang mga talents ko kaya wala kang dapat ikabahala."
"Salamat po Tita Gladys." sinserong sabi ko sa kanya. Ngumiti naman ito sa akin.
"Ihahatid ko nalang kayo sa airport Laila. Mag-iingat ka roon ha? Yung numero ko ay andyan naman sa notebook mo diba? Bumili ka nalang roon ng cellphone na magagamit mo. Ayaw mo naman kasing kuhain itong binibigay ko e." nakangusong sabi nito sa akin. Natawa naman ako at pinisil ang ilong nya.
"Marami ka ng naitulong sa akin Betty. Tama na iyon noh. Tsaka bibili nalang ako kapag nakasahod na ako. Pakitignan tignan nalang sila Inay ha. Ikaw na muna ang bahala." tumango naman ito at niyakap ako.
"Syempre naman noh. Bff kaya tayo." ngumiti nalang din ako sa kanya. Sa totoo lang ay kinakabahan ako. Ito kasi ang unang pagkakataon na makapunta ako sa Maynila. Hindi ko alam ang pasikot sikot ng lugar roon. Mga tao at ugali nila. Makikisama nalang siguro ako.
Ilang oras lamang ay nakarating na kami sa airport. Nakakalula ang laki nito. Ngayon palang ako nakapunta rito. Maraming tao at halatang may mga kaya ang buhay nila. Sumunod nalang ako kay Tita Gladys dahil hindi ko din naman alam ang gagawin ko.
"Hanggang dito nalang ako Laila. Ilang oras lang naman ang byahe nyo at makakarating na kayo ng Maynila. Hayaan mo't private plane yan nila Tita Gladys kaya pwede mong libutin ang buong eroplano hahahaha basta magiingat ka ha. Mahal kita bff." naluha naman ako at yumakap sa kanya.
"Salamat talaga Betty. Mahal din kita." lumayo na ito sa akin at sumunod na ako kay Tita Gladys. Kumaway muna ako sa kanya bago pumasok ng eroplano.
Malaki ito at talagang maganda. Naupo ako sa may tabi ng bintana at umupo naman sa tabi ko si Tita Gladys.
"Umidlip ka na muna Laila at may oras din ang byahe natin. Kailangan mong magpahinga dahil magsisimula ka kaagad once na pagdating natin. Alam mo naman na kailangang kailangan ng p.a diba?"
"Sige po Tita Gladys. Salamat po."
"Tawagin mo nalang akong Tita G. Yan kasi ang tawag sakin ng mga taga Maynila. Masyadong mahaba ang Gladys para sa akin." tumatawang sabi nito. Tumango naman ako.
"Sige po Tita G. Salamat po ng marami." ngumiti nalang ito at pinikit ang mga mata. Mukhang iidlip din sya. Ipinikit ko nalang ang mata ko at hinayaan din na makatulog ang diwa ko.
