Una| Jeep at Payong

1.4K 33 9
                                    

                "Manong, bayad po," sabi ni Tasha sabay abot ng isangdaang piso sa driver. "Isang La Salle."

            "Barya lang po sa umaga," busangot na sabi ng driver.

Napakamot sa noo si Tasha pagbalik ng perang papel. Kahit anong huthot at kalog niya sa wallet ay wala talaga siyang barya. Panira pa ng araw yung mukha ng driver.

            "Bayad po," sabi ng pasaherong kauupo lang sa harap niya. Si Christopher. "Dalawang La Salle."

            "Sinong dalawa 'to?" tanong ng driver.

            "Ako po," sagot ni Christopher, "tsaka yung babaeng walang barya."


Hindi siya makatingin kay Christopher, kahit gusto niyang magpasalamat. Hindi pa sila nakakababa ng jeep ay nagsimula nang umambon, buti nagdala siya ng payong. Nang makarating sa La Salle ay saktong lumakas ang buhos ng ulan.


Marami ang naka-stand by sa gate, nakasilong. Pero dahil 'girl scout' siya na laging handa ay dire-diretso siyang naglakad, alas siete na, late na.

Sa peripheral vision niya, nakatayo si Christopher sa shed, hinihintay na tumila ang ulan. 

Bumalik si Natasha sa shed. "Christopher," sabi niya, "tara."

Sumukob naman ito sa payong "Salamat."

Napahigpit ang hawak ni Tasha sa payong. Malakas ang buhos ng ulan, siguro naman ay hindi maririnig ni Christopher ang malakas na kabog sa dibdib niya. 

Tahimik silang naglakad, pinaglapit ng isang payong. Para bang pinagmamasdan sila ng hile-hilerang puno, inaalam kung sinong unang magsasalita. Hinawakan ni Christopher ang payong, "ako na lang..." Ipinaubaya naman niya.

            "Saan bang building mo?" tanong ni Christopher.

            "Sa FCH. Ikaw?"

            "Sa CBA pa e," tugon nito. Mas malayo pala ang lalakarin nito.

            "Sumali ka rin ba sa fun run noong May?" tanong ni Tasha.

            "Oo..."

            "Nakita kita sa LRT, pero hindi na kita nakitang tumakbo nung..."

            "Naks naman," sabi nito. "Talagang hinanap mo ko?"

Patay. "Namumukhaan lang," pangangatwiran niya.

            "Nakita rin kita sa LRT e. Pero di ba nag-jeep kayo? At hindi na nga kita naabutan sa Fun Run."

            "Ah..."

            "Pero hindi yun ang unang beses na nakita kita," sabi nito. "Siguro nga nakalimutan mo na ko, pero natatandaan pa rin kita."

Akmang itatanong pa ni Tasha kung saan o kailan, pero narating na nila ang FCH. "Dito na lang ako," sabi niya. "Isoli mo na lang yung payong mamaya." Dire-diretso siyang lumakad, naiwang nakatayo si Christopher.

-|||-

Sa kalagitnaan ng pagtuturo ng prof ay sumasagi pa rin si Christopher sa isip niya—at ang nangyari kanina. "Pero hindi yun ang unang beses na nakita kita. Siguro nga nakalimutan mo na ko, pero natatandaan pa rin kita."


Tumunog ang bell—hudyat ng University Break. Natapos ang klase at sabay sabay na naglabasan ang mga estudyante.

            "Natasha."

Lumingon siya, si Christopher pala. "Oh, bakit?"

            "Salamat sa payong."

            "Nako, kanina ka pa ba naghihintay diyan?"

            "Medyo."

            "E puwede namang isauli mo na lang sa bahay, o pag nagkita tayo," sabi niya. "Pero salamat. Sige, una na 'ko."

Sa peripheral vision niya, tumalikod na rin si Christopher at naglakad palayo. Maya-maya..."Natasha!"

Ngumiti siya paglingon. Lumapit si Christopher sa kanya, ramdam niyang nahihiya ito. "Ano kasi..Salamat sa payong. Tsaka ano...kakain ka na ba?"

            "Oo."

            "May kasabay ka ba? Kung meron ok lang..."

            "Wala akong kasabay," mabilis niyang tugon.

Ngumiti si Christopher. "Puwede bang...sabay tayong mag-lunch? Libre kita."

            "Sino bang ayaw ng libre?"  natatawang sabi niya. "Tara na!"

-|||-

Masarap kumain kapag libre. Pero mas masaya ngayon, dahil may bago siyang kaibigan sa katauhan ni Christopher. Para bang komportable agad siya dito, at ramdam rin niyang komportable ito sa kanya. Naikuwento sa kanya ni Christopher ang dahilan ng paglipat niya sa La Salle, pati ang pangarap nitong pag-aartista.

            "Thank you Christopher ha," sabi ni Natasha nang ihatid siya nito sa FCH. Balik ulit sa klase.

            "Top na lang, Natasha."

            "Ah, sige. Nakaka-ngalay din kasi yung Christopher," biro niya. "Tasha na lang din."

            "See you later. Ingat!"

-|||-

Alas otso ng gabi, habang nakapuwesto si Tasha sa work desk niya ay may napansin siyang kumakaway sa katapat na bintana—si Top. May hawak itong bond paper. SALAMAT nakasulat sa papel.

Sumenyales siya ng 'teka'. Dali-dali din siyang nagsulat sa papel. Saan?

Sumulat din si Top.  SA PAYONG.

            Salamat din sa libreng lunch =) tugon naman niya.

Nagsulat ulit si Top. LALO NA SA FRIENDSHIP

            Wala yun.

            TASHA, CAN I HAVE YOUR #NUMBER?


This is the moment, sigaw ng kanyang puso. This is the momeeeent, sigaw ng kanyang isip. This is the moment! Sigaw ng mga stuffed toys sa kwarto. Napahiga siya sa kama sa labis na kaligayahan. Para bang nagsibagsakan ang mga tala sa kanyang kama kasabay ng pagsabog ng fireworks sa kalangitan.

Naalala niyang ireply ang digits. Patulog na siya sa kama, nang mag-vibrate ang cellphone niya. "Tasha, tulog na. Good night. Sweet dreams—Top."


 "Kitakits bukas—Tasha" Ayaw na niyang matulog, dahil mas maganda na ang realidad kesa sa panaginip niya. 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon