Ikalawa| Long Time No See

849 11 1
                                    

Nakaharap si Jade sa salamin habang nagsusuklay; tinitignan ang sarili na suot ang asul na tshirt at bagong pantalon at flat shoes. Eto na yata ang pinaka-komportableng date niya, kung saan hindi na niya kailangang mag-ayos. Maya-maya’y sumigaw na si Jennifer kaya naman dali-dali siyang bumaba.

Umupo na si Jennifer sa tabi ni Marco—bandang driver’s seat; si Jade ay sa likod pumwesto katabi ang lalaking naka-shades at pulang polo shirt.  Pero hindi na niya muna pinagkaabalahang suriin ang lalaki na malamang ay ka-double date niya kuno.

            “Happy Birthday, Marco,” bati niya sa mabait na manlilibre sa kanila. Ngumiti naman si Marco. Sa peripheral vision ni Jade, nakatingin sa kanya ang lalaking naka-shades kaya naman napatingin na rin siya.

            “Hi, Jade,” kalmadong sabi nito, sabay ngiti.

            “H-Hi. T-teka…,” kunot-noong sabi ni Jade. “IKAW NA NAMAN?!”

            “Naalala mo na ‘ko?” masiglang tanong nito.

            “ OO. Ikaw yung nakabangga sa ‘kin kaya nagkawatak-watak yung Motorola ko.”

            “Ah!” bulalas ni Jennifer.  “Oo nga. Kaya pala pamilyar ka.”

Napa-hampas ang lalaki sa hita sa dismaya. “Jade naman, hindi mo ba talaga ko matandaan?”

Tinitigan ni Jade ang lalaki, at tinitignan naman ni Marco at Jen ang dalawa, habang naghihintay muna ang kotse na magka-alaman ang lahat bago bumiyaheng Sta. Rosa Laguna. Tinanggal ng lalaki ang shades at ngumiti.

            “Hindi mo ba talaga ko maalala?” tanong ulit nito.

Salubong ang kilay na sinuri ni Jade ang estrangherong hindi naman naging mahalagang karakter sa buhay niya para maalala. Moreno. Matangos ang ilong. May maliit na nunal sa dulo ng labi. Naka-brush up ang buhok na parang inubos ang wax. Medyo, medyo maskulado. Brown eyes. Naka-braces. Sa tantiya niya ay magka-edad lang sila—21.

            “Mt. Makiling. Compass. Engkanto,” sabi ng lalaki. “OINK! OINK!” 

Sa apat na salitang iyon ay biglang umilaw ang bumbilya ng kanyang alaala. 

Noong unang panahon, MARSO 2004, namundok sina Jade at ang mga lasalyano ng kursong Edukasyon. Hindi sila mga gerilya o kasali sa coup’de tat; nag-camping lang sila ng dalawang araw. 3rd year college sila noon. Masaya at kapana-panabik naman ang mga pangyayari at hindi malilimutan ang kanilang karanasan sa bundok ni Makiling, lalong-lalo na nang naligaw sila at “na-engkanto” sa kanilang paglalakbay na pinangunahan ng isang “matipuno” at “bihasa” sa paggamit ng compass na si Scout ----

            “DEXTER ?!?!” nanlalaki ang mga matang tinanong niya ito.

            “Sa wakas!” napapitik ito. “Scout Dexter Palma po, Ma’am.”

            “Ikaw na ba yan?” tanong niya, medyo kalmado na. Sinusuri pa rin ang lalaki.

            “Oo, ako pa rin ito. Pogi ko na ‘no?” sabi nito. “Nagbabago talaga ang tao, Ma’am Jade. Lalo na kapag nagbraces at shades.” Tapos ngumiti ulit na labas-ngipin para makita ng buong mundo ang braces niyang bumago sa porma ng kanyang panga.

            “Magkakilala kayo?” tanong ni Marco.

            “Oo Kuya. Crush ko pa nga siya noon eh,” nakangiting sabi ni Dexter. “Saklap lang nakalimutan na niya ‘ko.”

            “Nag-iba na kasi ang itsura mo. You look so…nevermind.” Sumandal na at kumalma si Jade sa pagkakaupo.

            “Ikaw rin naman, nagbago na. Mas gumanda ka.”

Isang malakas na AAAAYYYIIIIIEEEE ang sinigaw ni Jennifer. “Ayos!” pang-aasar ni Marco at nagsimula na ang joyride.

           

            “Jade,” tawag ni Dexter. “Kamusta ka na?”

Naiinip si Jade sa biyahe, nakatingin lang siya sa dinaraanan. “Buhay pa naman.” Umaandar na naman ang pagka-suplada niya.

            “Nagtuturo ka na ba?”

            “Last year, oo. Pero ngayon, hindi. Nagsusulat ako ng libro.”

            “Talaga? May na-publish ka na bang books?”.

            “Yes, you could check it out at your favorite bookstore. Hanapin mo Jade Rizal.”

            “Anong libro?”

            “Sino Ang Kasama Mo.”

            “Alam ko yun!” sabi ng ‘bibong bata’. “Yung tungkol sa magkapatid na umakyat ng bundok tapos nakita yung pagpatay sa babae…tapos minumulto sila dahil…”

            “Oo, yun nga.”

            “Nayswan. Astig.” Tahimik lang si Jade sa kabila ng papuri nito. “Jade, 3rd year college ka ba nung nag-camping tayo?”.

            “Oo. Ikaw?”

            “4th year highschool.”

Hinarap niya ito. “O, e di college ka na pala ngayon?”

Umiling siya. “Hindi. Nagwo-work ako ngayon sa Happy Meal. Pero balak kong mag-aral sa sunod na taon.”

Sumingit si Marco. “Kasi naman, yung unang pagkakataon na pinadalhan siya ni Ate Diana ng kwarenta mil, pinang-braces. Ginastos sa mga gig. Kaya ayan, kailangan daw niya pagtrabahuan ang bagay na gusto niya para maranasan kung gaano kahirap kumita ng pera sa panahon ngayon.”

            Banidoso pala, sa isip-isip ni Jade. Pariwara pa, malamang.   

            “Siya nga pala, di ba taga- Pasay ka?” tanong ni Jade.

            Parang nanahimik si Dexter, tumango lang ito.

            “So, saan ka na ngayon?”

            “Sa Dasmarinas Cavite. Sa Blue Ridge, malapit lang sa subdivision niyo.”

Tumango-tango naman si Jade. “Kasi Jade,” nagkatinginan ang lahat nang magsalita si Marco. “Nakikitira sa ‘min si Dexter. 2 years ago, namatay yung mama niya, si Tita Dina. Tapos sumakabilang-bahay ang papa niya at last year ay nag-abroad si ate Diana niya. At siya, bilang matanda na rin naman siya, tumambay na siya sa ‘min.”

Sa hindi malamang dahilan ni Jade, parang kinurot ang puso niya, kasabay noon ay bumuntung-hininga si Dexter. Ito naman ang tahimik ngayon, nahiya na siguro. “Pero wag kayong mag-alala. Mahal naman namin ang ulupong na ‘yan,” sabi ni Marco. “Tsaka, hindi naman siya pinababayaan ni Ate Diana. Nag-iipon lang iyon. Pasaway kasi yan.”

            “Mana lang ako sa ‘yo kuya,” sabi ni Dexter.

            “Ilang taon ka na nga ba Scout Dexter?” tanong ni Jade. 

            “Wag mo nga ko tawaging Scout ,Ma’am Jade. Hindi na ‘ko gano’n.”

            “Wag mo na rin ako tawaging Ma’am.”

            “Eighteen” sagot ni Dexter.

            “Ilang taon ka na nga ba Jade?”tanong ni Jennifer.

            “Kelangan mo ba talagang itanong? Magka-edad lang naman tayo.”

            “Dexter, 18. Jade, 21—magte-twenty two. Not that bad,”nakangiting sabi ni Jennifer. “Age doesn’t matter naman.” 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon