Ikalima| Trabaho with Luv Season 2

372 12 0
                                    

“So, Jade—my favorite author—is the Jade you once loved,” panimula ni Michelle. Bumuntung-hininga ito, nakatingin sa malayo. “Small world. Iniisip ko pa rin ang dahilan kung bakit tayo pinagtagpu-tagpo, pinagharap-harap. Siguro, this is life’s way of revealing us the answers. Sa tingin ko alam ko na kung bakit pero sana mali ako. I just hope they’ll end up together. And there’ll be ‘us’ forever.”

Kinuha ni Dexter ang wallet, tahimik pa rin.

            “Dexter, parehas lang naman kaming nasaktan ka. Pero mahalaga pa ba kung sinong nang-iwan? Ang importante—yung bumalik at hindi na umalis sa tabi mo, di ba? Nandito lang naman ako, Dexter,” nagsusumamong sabi ni Michelle. “Naghihintay pa rin ako hanggang ngayon…” 

                                         *************************

MARSO  pa lang ng taon ay mainit nang pinagtatalunan ang gagawin sa building ng College of Liberal Arts and Communication ng Avelino University.

Panay ang sisihan, turuan kung sino pa ang dapat ding sisihin ng pagkakapalpak ng paggawa ng naturang establisimiento. Sabi ng iba, luma na raw ang building kaya hindi na kataka-taka kung isang araw ay gumuho na lang ito. Sabi naman ng iba, sa umpisa pa lang ay hindi na talaga nasunod ng mga inhinyero at sino mang mga nasa likod nito ang patakaran sa pagpapatayo ng building. Pera-pera lang. MInadali, hindi matibay ang pundasyon. Irereconstruct daw ang building at ang mga estudyante ng naturang kolehiyo ay kalat-kalat ng kwartong ginagamit. Ewan niya’t hindi pa “inilikas” ang mga professors at ang Kagawaran ng Filipino at Panitikan sa pagbubukas ng klase.

Nakaraang linggo lang sila sinabihang pansamantalang ililipat ang kanilang department sa College of Computer Studies. At sa dinami-daming office sa building na iyon ay sa Computer Technology Office pa talaga sila isiniksik, kung saan natatanaw niya ang cubicle ni Prof. Dexter Palma.

 Magaling, sarkastikong sabi ni Jade. Baka mauna pang gumuho ang building na kinatatayuan niya kesa sa lumang building dahil sa lakas ng kabog sa dibdib niya. Inilibot ni Jade ang tingin sa blanko at bago niyang cubicle. Doon ay tahimik siyang hinihintay ng desktop computer sa puting mesa. May blankong corkboard na di magtatagal ay matatabunan ng makukulay na Post-it notes at deadline. May malambot na swivel chair na pag inupuan ay tanaw na tanaw ang mundo ni Dexter Palma. Kahit namang nakatayo siya tanaw pa rin. Kahit maglakad pa siyang nakapikit, magkukrus pa rin ang landas nila sa apat na sulok ng Computer Technology office.

Inilapag ni Jade ang kahon at nilagyan ng mga gamit ang blankong cubicle para sa bagong simula. “Tignan mo,” sabi sa kanya ni Prof. Montano habang papalapit ito. Ito ang pinakamatandang professor sa faculty ng Literatura at naging kaklase sa hayskul ng kanyang ama. “Tignan mo sila,” sabi nito pagkahigop ng kape.

            “Sino po?”

            “Sila. Yung faculty sa tapat natin,” sabi nito. Tumingin naman siya sa kaharap na grupo ng berdeng cubicle. “Moderno. Bata. Cool. Techie. Tapos tayo, pinagyayaman ang mga bagay na niluma na ng panahon. Yung sitwasyon ngayon, parang pinutol mo ang timeline at pinagdugtong ang past at future. Parang pinag-krus mo ang landas ni Crisostomo Ibarra at Anne Curtis.”

Kumunot ang noo ni Jade sa makatalinghagang paglalarawan ni Tatay Montano. Di niya gets.

            “Nami-miss ko yung department. Doon na ko tumanda e, sa building na iyon,” sabi ulit nito. “May mga bagay talaga na pag minadali, gumuguho kaagad. Parang pag-ibig. E hindi pa naman gumuguho ang building. Mas maganda nang lumisan tayo bago pa tayo masaktan, ano? Parang pag-ibig din.”

Nakatulala lang si Jade sa di kalayuan, sa grupo ng mga moderno-bata-cool-techie na propesor habang dina-digest ang mga salitang di niya malaman kung pa-deep o walang konek. Nang biglang umikot ang swivel chair ni Dexter at nagtama ang kanilang mga mata. Ngumiti ito. Doon niya lang napagtantong kanina pa siya tulala’t wala na rin si Tatay Montano.

Agad umupo si Jade at bumalik sa pag-aayos ng desktop. 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon