Una| Si Amang Hari

1.1K 20 3
                                    

             Ramdam nang lahat kung gaano kagalit si papa, maliban siyempre sa sanggol. Walang kumikibo.   

              "Kakasabi ko lang na mag-aral ng mabuti, ganoon ang ginawa mo, Tasha?" sabi ni papa nang tawagin siya nito sa sala.

'Abala' sina Nikki, Nikko, mama at Ate Josie (kasambahay) sa pagligpit ng mga gamit—pero halata ni Tasha na nakikinig ang mga ito.

"A-ano...Ano po bang ginawa namin papa?" takot niyang tanong.

            "Hindi mo alam?! Kitang-kita ko na niyakap mo ang lalaking yon. At manliligaw siya sa 'yo na sigurado akong sasagutin mo rin. Hindi ka nakakatuwa. Yan na lang ba ang pinagka-abalahan mo?"

"Hindi po," mahina niyang sagot. "Nag-aaral naman po ako e."

"Pero hindi sapat."

            "Dapat po ba katulad ako ni kuya Nathan? Yung subsob sa libro? Yung lumayo sa mga tao?" Naiinis si Tasha dahil parang kinukumpara na lang ni papa lagi ang sarili niyang anak kay kuya Nathan, na kapitbahay lang naman nila.

           "Hindi mo ginagawa ang makakaya mo." 

           "Hindi niyo lang nakikita. Kahit wala ka, nag-aaral ako. Unfair naman po kayo. Yung nangyari kanina, tumatak talaga sa isip niyo? Para bang ang sama ko. Para bang ang landi ko. Sa mga sinasabi niyo po ngayon, pakiramdam ko hinuhusgahan niyo 'ko. Parang wala na 'kong ginawang tama." Pagkasabi noon ay umakyat siya at nagkulong sa kwarto. Umiyak siya sa sama ng loob. Hindi niya maintindihan si papa, sa parehong paraang hindi siya maintindihan nito.


            Hindi siya nakisabay sa hapunan, busog pa siya. At hindi niya pa kayang harapin si papa. Tinext siya ni Top kung kamusta, pero hindi niya sinagot. Sinara niya ang bintana at pinatay ang ilaw—alam niyang nagmamasid si Top sa labas. Gusto niya munang mapag-isa.

-|||_

           "Ikaw naman papa, parang hindi mo napag-daanan yan."

            Alas onse nang gabi nang makaramdam si Tasha ng uhaw. Bumaba siya para magtungo sa hapag-kainan, nang marinig niya si mama. Natigilan siya at umupo sa hagdan para makinig sa usapan ng dalawa.

            "Ikaw kasi ang pasimuno nito," sabi ni papa, para bang nanlilibak. "Noon pa lang, ang hilig mo sa loveteam. Nasa Daycare pa lang sina Tasha at Nathaniel, pinagpapares mo. Tinuruan mong magboypren boypren."

            "Eto naman! Joke lang yun."

            "Ayan tuloy. Luma-lablayp."

Rinig niya ang malakas na buntung-hininga ni mama. "Papa, hormonal lang yan. At tsaka, relax ka nga. Nung highschool si Tasha hindi naman tayo namroblema sa kanya a. Hindi yan naglihim sa 'tin, hindi nag-boyfriend. Ngayong 18 siya, asahan mong darating siya sa ganiyang sitwasyon. May darating sa buhay niya—magiging curious siya."

            "Curious?"

            "Oo. Lahat tayo, simula bata, curious. Pero siyempre, habang lumalaki, nag-iiba yung level ng curiosity. Pero ganoon pa rin yon—may tanong tayong gustong masagot, bagay na gustong malaman. Hindi na siya batang nagtatanong kung totoo ba si Santa Claus o mapupunta ba siya sa langit pag namatay. Ngayon, curious din siya kung anong pakiramdam ng nagmamahal at minamahal. At sa love na yon, marami siyang matututunan."

           "Tulad ng?"

           "Malalaman mo kung ano ba talaga ang gusto mo sa buhay, yung priorities mo. At yung gusto mo sa isang tao. Kung gaano mo kamahal ang sarili mo at kung anong hindi mo kayang isuko para sa iba. Kung ano ang dapat ipaglaban o bitiwan. Kung kailan dapat magparaya at mag-move on. At higit sa lahat, kung bakit kayo pinagtagpo kahit hindi naman kayo para sa isa't isa."

            "E anong gusto mong gawin ko—suportahan sila?"

            "Patnubayan mo. Kung kailangan ka niya, iparamdam mong nandiyan ka para sa kaniya. Ikaw ang hari ng buhay niya. At darating talaga sa buhay na makikilala natin ang prinsipe niya. Kaya ngayon, patnubayan mo lang siya. Di ba ganon naman? Sa bandang huli, tayo pa rin ang nandiyan para sa kaniya."

            "Pag-iisipan ko. Matulog na tayo't inaantok na 'ko."

-|||-

Sabado, katatapos lang ng make-up class ni Tasha.

Natanaw niya si Top sa FCH, nagtext ito na sabay silang umuwi. Dire-diretso siyang lumakad, hindi pinapansin si Top. "May klase ka pa bang hinahabol?" tanong nito habang hinahabol siya, pero hindi siya sumagot. "Bakit parang nagmamadali ka?"

"Busy ako Top."

Hinarangan siya ni Top, automatiko siyang natigilan sa paglakad. "Iniiwasan mo ba ko?" tanong nito.

            "H-hindi ba halata?"

            "Bakit naman? Ok na nga kami ni tito eh," sabi nito, parang nanghihinayang.

            "Sinong tito?"

            "Si tito—yung papa mo."

            "Okay na kayo ni papa?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Kailan? Paano—"

            "Naabutan ko siya kaninang nagkakape sa bakuran niyo. Ayun, kinausap ko siya. Medyo nakakasindak nga e. Pero para sa taong mahal ko, lahat gagawin—-,"

            "Nako, nambola pa. O, tapos? Ano sabi niya?"

            "Sinabi kong tapat ako, at malinis ang intensyon ko sa 'yo. Pumayag siya, pero may kondisyon," sabi ni Top. "Una, bawal ang kiss, holding hands lang pag 'tayo' na. Ikalawa, low profile dapat. Bawal ang PDA. Ikatlo, bawal kitang imbitahin sa bahay. Pero puwede akong bumisita sa inyo, pero sa sala lang. Ika-apat, bawal kang yayain ng date pag may pasok, at dapat ihatid ka sa inyo ng maaga, hindi umaga. Tapos no'n, binigyan niya ko ng bag ng Duty Free, na may madaming chocolates. Alam ko na kung kanino ka nagmana sa ka-sweet-an."

Ngumiti siya, hindi makapaniwala sa naging desisyon ni papa. Sana narinig niya yung pag-uusap ng dalawa.

            "So, ano? Puwede na ba kitang ligawan?"

Nagniningning ang mga matang tumango siya.

-|||-

Pagdating sa bahay ay agad niyang niyakap si papa. "Pinagbigyan na kita anak ha," malambing na sabi ni papa sa kanya. "Kaya tumupad ka sa usapan—wag kalimutan yung rules ko. Kung hindi, luluhod ka sa munggo." 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon