Ikalawa| Not The One

538 13 1
                                    

“Nakakagutom naman ang mga titig mo,” ani Dexter. “Tara, kain tayo.”

Pagkatapos kumain, magkwentuhan, magtawanan at mag-isip ng mga bagay-bagay ay napagpasiyahan na rin nilang umuwi. Palabas palang sila noon sa parke nang makasalubong ng dalawa ang matangkad na lalaki na pamilyar kay Jade—si Benjie. Naka-date na niya ito noon.

Tila galit si Benjie habang palapit ito sa kanilang dalawa, o “baka hindi lang talaga maganda ang tabas ng mukha niya,” pakiwari ni Jade. “O Jade,” bati nito sa nakakasindak na boses. “Magkakilala pala kayo ng gagong ‘to?”

Bago pa si Jade makasagot ay tinulak na nito si Dexter. “Problema mo?” singhal ni Dexter palapit kay Benjie na bigla-bigla na lang nanugod. Hinatak ni Benjie ang kuwelyo ni Dexter—na bagamat maliit kumpara dito ay hindi nagpakita ng pagkasindak.

            “Alam mo ang kagaguhang ginawa mo pare,” nag-aapoy ang mga mata nang sabihin ni Benjie.

            “Tangina. Hindi ako manghuhula!”

            “Oo nga naman! Paano mo nga maaalala, sa dinami-dami ng babae mo?” Itinapon ni Benjie ang kamao nito sa mukha niya. Tapos sinapak ulit. “Ano, naalala mo na si Ana?!”

Hindi niya ramdam ang sakit dahil sanay naman siya sa bugbugan. Mas abala siya sa pag-iisip kung sinong Ana. “Sinong Ana?” Hindi yung unang Ana na kilala niya, nasa Canada na yun eh. Yung isang Ana na taga FEU? Tagal na silang walang komunikasyon no’n. Si Ana, yung umamin na crush ako? Tama, si Ana na bunso nina kuya Benjie! Tapos sumagi na sa isip niya si Michelle, na muntik na siguro niyang minahal. Si Babes, yung baklang pinapasahan siya ng load. Si Carlita. Si Juanna. Si Diwata. At nakalimutan na niya ang iba dahil sino ba sila para tumatak sa isip niya. Hanggang sa nagkita ulit sila ni Jade, no’ng panahong iniwan siya ni Michelle. Hanggang sa mabaliw siya sa kakaisip ng mga bagay na patungkol kay Jade. Si Jade lang, wala ng iba.

Pero habang nasadlak siya sa damuhan, nakatingin sa kanya si Jade. Pinipilit niyang hulihin ang tumatakbo sa isip nito; katulad niya, naghahanap rin ito ng kasagutan. Tumayo siya at hinatak ulit ni Benjie.

 “Pare, bakit naman sa dinami-dami ng babaeng kilala natin, bakit yung kapatid ko pa? Pinagbigyan na kita eh, kasi alam kong gusto ka niya. Pero kung wala ka namang balak mahalin, bakit nilandi mo pa? Sa yo, trip-trip lang, pero seryoso ang kapatid ko. Hindi mo alam kung gaano ka niya kagusto. Kung gaano siya natutuwa kapag sinasabihan mo siyang maganda, kung gaano katagal niyang iniisip ‘yung mga salitang binibitiwan mo. Tngina mo pre. Mukha lang akong gago, pero pagdating kay Ana, kuya ako! Pinaasa mo lang eh. Kulang na lang siya na manligaw sa yo. Ang masaklap, nawala ka na lang ng parang bula. Pinagmukha mo siyang tanga. Ginago mo kami pareho pre! Taragis ka!” Pagkatapos na pagkatapos ng litanyang iyon, inundayan nito si Dexter ng suntok at tadyak. Hindi na nanlaban ang huli.

            “O Jade? Seryoso ka sa lalaking to?” nakangisi nitong tanong. “Malangis lang dila niyan. Wag kang papaloko.”

Lumakad si Benjie palayo, kalmado na para bang walang nangyari. Nakatingin naman ang mga saksi kay Jade at sa kasama nitong “playboy” na nagpupumilit bumangon. Inalalayan siya ni Jade papunta sa malapit na bench. Maya-maya’y dumating sina Boss at Kornik.

            “Pare, kaya mo pa?” tanong ni Kornik. “Uwi ka na namin sa inyo.”

Nanghihina na nagsalita si Dexter. “Jade, mga kaibigan ko.”

            “Umuwi ka na,” utos ni Jade, walang ekspresyon ang mukha. “Mauna na ‘ko.”

            “Jade,” tawag niya, tila hinahabol ang hininga. Tila wala itong narinig; tumalikod lang ito at lumayo.

Mas pinili ni Jade maglakad pauwi. Gusto niyang mapag-isa. Masyadong maraming boses ang nagsisigawan at nagtatalo sa kanyang isipan. Sa dami ay hindi na niya mahimay ang punto at pinaglalaban; wala siyang mapakinggan ni isa. Ang alam niya lang, masakit. Sobrang sakit. Alam niyang hindi ito ang dapat maramdaman at wala siyang karapatang masaktan. Dismayado at galit, pero hindi niya matukoy kung bakit.

Mabagal siyang naglakad habang tumatakbo ang oras. Patuloy pa rin sa pag-inog ng mundo; hindi ito humihinto at kailanma’y hindi hihinto para sa mga tulad niyang napag-iiwanan.  Baka lulan ng jeep na iyon ay ang taong “itinakda” para sa kanya at hinihintay siyang sumakay nang  mapa-aga  ang kanilang pagkikita; baka ang tindang fishball at kwek-kwek na paborito nilang pagsaluhan ni Dexter ang makakapag-alis ng pait na nadarama niya; baka sa simpleng pagmamasid sa mga batang nagtatawanan at naglalaro ay muli niyang maramdaman ang kasiyahan ng kamusmusan—kung saan hindi komplikado ang buhay. Baka sa simpleng pagbuntung-hininga at pagtingala sa alapaap ay mauunawaan niya ang sarili at malalaman ang talagang gusto niya.

        

    “Happy Birthdaaaaay Jade!” masayang bati sa kanya ni mama, papa at tita Jopay. Hindi niya alam kung saan nagpunta ang tatlo mula nang magising siya kaninang umaga. Nakahanda na ang pagkain, ang inumin, ang karaoke at ang napakalaking sorpresa—kotse para sa kanya; sa kanya lang at wala ng iba.

Napaluha siya sa sobrang tuwa. Sino bang hindi matutuwa pag niregaluhan ng kotse? Napayakap siya kina mama at papa.  Kinuha niya ang susi at sabik na pinaandar ang sasakyan. 

Masaya silang naghapunan—masayang masaya dahil kumpleto sila. Mukhang nakikiayon ang mood ng mga ito sa kaarawan niya. Ngunit pagpasok niya sa kwarto ay naalala niya ang lahat ng nangyari sa buong araw. Nakita niya ang laptop na tila kanina pa naghihintay para makinig sa kanyang mga saloobin.

 Bumalik siya sa pagsulat.

-----------------------------------------------

         Operation: Finding Mr. Right

        Mestizo. Moreno. Chinito.  Dapat POGI.                               ✓ Sa picture pa lang nakakainlove na.

        Older than me. (Para Matured)                           ✕ Mas bata sa ‘kin ng apat na taon.

        Simple lang. (Di banidoso, di maluho)                            ✕  May face powder sa bag! Conscious sa itsura

        Compatible. (same interest: books, chess, etc.)                             ✓Photography

        Suplado. Tahimik. Madaldal. Basta may sense kausap.             ✓ May sense of humor

        Di naninigarilyo, di umiinom.                                                ✕Hindi naninigarilyo, pero umiinom

        Nakapagtapos. (With high regards to Education)                         ✕Undergrad

        Family Oriented. (para Home-Sweet-Home)                                 ✕Broken family

        Mahal Ako.                                                                                            ?

        Mahal Ko.                                                                                               ?

Sa tally pa lang ay alam ni Jane na hindi si Rex ang hinahanap niya.  Sa unang pagkikita nila, misteryoso ito. Pero sa tinagal-tagal nilang magkasama ay nakilala niya ito at nalamang maling tao ang pinakisamahan niya. Bukod sa walang pera, babaero, tomador, basag-ulo pa ito.  Hindi na niya kailangang malaman ang number 9 at 10, gugulo lang ang kanyang isipan. Kailangan na niyang lumayo sa lalong madaling panahon, bago pa magpa-iwan ang puso niya sa lalaking ito. 

-------------------------------------

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon