Una| Ang Tadhana sa LRT

3.8K 52 5
  • Dedicated kay Natasha Sofia
                                    

1

Mamihlapinatapai

                                                                                        

(mah-mee-lah-pin-yah-tah-pie)

ang makahulugang pagtitinginan ng dalawang tao—           

parehong may nais gawin, pero walang may lakas loob na simulan


-|||-


"Minsan ba naisip mo kung saan, kailan at paano kayo unang magkikita ng future boyfriend mo?"

Puwedeng siya ang nag-abot ng pamasahe mo sa jeep. Nakabunggo mo sa paglalakad noong rush hour. O di kaya yung nagtanong sa 'yo kung anong oras na. Ewan, pero iyan ang sumagi sa isip ni Tasha habang pinagmamasdan ang estrangherong iyon.

May 5, 2005. Alas sais nang makarating si Tasha kasama ang dalawa niyang kaibigan sa Doroteo Jose LRT station, papuntang Vito Cruz, patungo sa CCP kung saan mag-uumpisa ang "GREEN BLAST: Fun Run For Mother Earth  5-5-05"

Sa dinami-rami ng mga estrangherong nakakasalubong at nakakasabay sa pag-akyat baba sa hagdan ay sa lalaking iyon napapatingin si Tasha.

            "Ako na ang pipila," sabi ni Jackie sa kanilang dalawa ni Ellen. "Hintayin niyo na lang ako diyan sa tabi."

Maraming tao sa istasyon, halos lahat naka-green shirt—kasali rin sa Fun Run. Tumayo si Jackie sa dulo ng mahabang pila ng ticket, at sa likod nito ay pumila rin ang lalaking kanina pa pinukaw ang atensyon ni Tasha.

            "Tasha," bulong sa kanya ni Ellen. "Baka matunaw siya sa titig mo."

            "Ha?"                                                        

            "Sus, kunwari ka pa," biro nito sa kanya, sabay kiliti sa tagiliran. "Tingin ka ng tingin kay Kuya Red Riding Hood."

Napangiti siya sa code name na binigay ni Ellen. "Kanino ulit?"

            "Kay Kuya Red Riding Hood—yung pogi sa likod ni Jackie. Yung maputing chinito na nakasuot ng red hoodie."

Napabuntung-hininga si Tasha. "Ewan ko ba. Alam mo yung feeling na may 'something' sa isang stranger? Yung feeling mo, nakilala mo na siya o nakita noon, o pakiramdam mo balang araw magiging parte siya ng buhay mo," saad niya. "Malamig lang kasi ngayon, kaya siguro nagse-senti ako."

            "E di crush mo na?"

            "Hindi. Siguro malakas lang ang karisma niya, parang artista. O baka misteryoso...o weird. O baka ako talaga ang weird."

Saglit silang natigilan sa pag-uusap, pero nakapako pa rin ang kanyang mata kay Kuyang Red Riding Hood.

            "Tasha, kasama rin pala siya sa Fun Run," bulong ni Ellen.

Napansin ni Tasha ang backpack ni Kuya. Yung logo ng badge nito ay logo ng Fun Run. Berde rin ang shirt nito sa ilalim ng pulang hoodie—kagaya ng suot ng mga manlalahok na tulad niya.

            "Soulmate mo na talaga 'to Tasha!"      

            "Sa libo-libong tao na tatakbo, tingin mo magkikita pa kami mamaya?" dudang tanong niya kay Ellen. "Dito pa nga lang dagsaan na, tingin mo magkikita pa kami pagkalabas ng LRT?"

            "Oo naman," kampanteng sagot ng kaibigan. "Kung kayo, kayo talaga."

Kumunot ang noo niya sa sinabi ni Ellen, pero nakatuon pa rin siya kay Kuya. Nang biglang tumingin ito sa direksyon niya, at nagtama ang paningin nila nang apat na segundo. Umiwas si Tasha ng tingin, kunwari may hinanap doon, banda dito—kahit saan, wag lang mahalatang kanina pa siya nakatitig.

            "Ellen, nahuli niya kong nakatingin."

            "Oo, nakita ko rin. Ngumiti pa nga e," pasimpleng kilig nitong tugon.

            "Ha?"

            "Nung umiwas ka, ngumiti siya. Grabe, pag-ibig na ito."

            "Baliw." Kunwari hindi siya kinikilig.

            "Pogi ng dimples niya, in fairness."

Dumating si Jackie, dala ang tatlong tiket. Puno ang tren ng mga taong naka-berdeng shirt. Tumatakbo ang oras habang sila naman ay naiinip na sa kakatayo nang hindi alam kung hanggang kailan maghihintay.

            "Mag-jeep na lang tayo," aburidong sabi ni Jackie. "Tignan mo, puno ang tao. Anong oras tayo makakarating niyan?"


Sumang-ayon si Ellen.  At tuluyan na silang umalis sa istasyon. Sinulyapan ni Tasha ang estranghero sa kahuli-hulihang pagkakataon. "Kung itinadhana tayo, dapat magkita tayo mamaya," bulong niya sa sarili. 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon