Ikaapat| Talaarawan ni Destiny

434 9 2
                                    

        “Oo, gusto ko si Kevin. Gustong-gusto—malay ko ba kung crush, infatuation o love yan. Basta gusto ko siya. Kaya lang, mahirap mahulog sa taong hindi ka sasaluhin. Mahirap mabaliw sa taong kahit kailan, hindi ka kababaliwan. Mahirap.” 

Sa paglipas ng mga buwan, lalong sumisikip ang dibdib niya sa sobrang laki ng pag-ibig na kanyang kinikimkim.

            “Huy, Bagong-gahasa. Baka magkasakit ka sa puso niyan,” sabi ni Pochi. “Umamin ka na kasi para matanggal na yang tinik sa dibdib mo.”

Napahalukipkip siya sa suhestiyon ng bakla. “Ako aamin? Nakakahiya. Babae ako…”

            “Destiny, wala yan sa kasarian. Kung gusto mo siya, sabihin mo,” saad naman ni Bea. “March na. Ilang araw na lang graduation na. Mag-aaral na si Barcelo sa abroad.”

            “…At sa abroad, marami siyang makikilala. At limot ka na niya pagbalik dito sa Pinas. Gusto mo bang makalimutan ka niya?” tanong ni Pochi.

            “Siyempre ayaw,” tugon niya.

            “Puwes—kung ayaw mong makalimutan ka niya, utangan mo siya ng isang daan. At wag mong bayaran.”

            “O di kaya…” sabi ni Bea , “…sabihin mong gusto mo siya. Face to face.”

Huminga siya ng malalim. Sabay buga.

        Aamin ako.

Huling araw ng rehearsal sa Graduation.

Habang nagpa-practice ang lahat sa gymnasium, umalis si Destiny at bumalik sa room—walang tao. Nagtungo siya sa kanyang upuan, binuksan ang bag. Kinuha ang kanyang diary: Talaarawan ni Destiny.

Proyekto nila iyon sa Filipino—araw araw, simula first grading ay magsusulat sila dito gamit ang wikang Filipino. Kahit ano—saloobin, ideyang sumagi sa isip, panaginip, pangarap. Basta galing sa puso.

Ibinalik din iyon sa kanila noong nakaraang linggo. Atras-abante siya sa planong pagbigay nito kay Kevin. Pero ngayon, totoo na ‘to.

May inipit siyang dilaw na papel sa unang pahina ng diary bago ilagay iyon sa bag ni Kevin:

Basahin mo ‘to. Kung gusto mo ‘ko (kahit kaunti lang) isoli mo ‘to sa unang araw ng clearance day. Kung hindi, sunugin mo na lang, at wag nang magpapakita sa ‘kin. Kahit kelan. –DES

Graduation day.

Nabati na niya ang iilang kaibigan, kaunti lang naman silang kasundo niya. Nagyakapan, nagpaalaman sabay habol ng “Walang limutan.” Sa dinami-dami ng nakaputing toga na nakakasalubong niya—si Kevin ang hinahanap niya. Si Kevin ang hinihintay. Pero nang magkatinginan sila habang kinakanta ang “Eversince the World Began,” umiwas si Barcelo. Sa kahuli-hulihang pagkakataon,  tumalikod ito at sumakay sa kotse.

Unang araw ng pirmahan ng clearance—kailangan niya pang bumalik ng school para mangolekta ng pirma ng mga teachers, kapalit ng Report Card. Maaga siyang pumasok, gusto niyang mauna sa classroom para mauna rin sa pila.

            “Sino ba si Destiny Bagong-gahasa?”

Parang pinitik ang tenga niya sa narinig. Natigilan si Destiny sa pagpasok sa room. Bukas ang pinto, pero nanatili siya sa labas. Sumandal sa pader, lihim na nakinig.

            “Ano babe? Sino ba si Destiny?” tanong ng babaeng kasama ni Kevin. Siya pala yung girlfriend nitong taga-ibang school.

            “Kaibigan ko nga lang. ‘Wag ka ngang magselos.”

            “Kaibigan lang, pero may gusto sa ‘yo. Nabasa ko sa diary e!” nagmamaktol na sabi ng girlfriend.

            “Nabasa mo?,” gulat na tanong ni Kevin. “Kaya pala nagpupumilit ka na sumama ngayon? Para makita mo siya? Ano, aawayin mo siya?”

Pinag-ekis ng girlfriend ang braso. Salubong ang kilay. “Hindi naman sa gano’n. Gusto ko lang siyang makita. Maganda ba siya?”

            “Lahat naman maganda. Walang pangit sa mundo, babe.”

            “Sagutin mo ‘ko.”

            “Oo,” sabi ni Kevin. “Pero mas maganda ka.”

            “So, maganda din pala siya. E, gusto mo ba siya?” 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon