Ikaapat| Ang Pagtatagpo

408 14 0
                                    

Day 2 with Kevin.

Wala ngang oras umiyak—dahil walang ginawa si Destiny kundi sumigaw habang nasa ere sa zipline; matuwa habang nakasakay sa kabayo; magpakabusog sa handa ni Karla; ngumiti sa camera ni Tita Carol at makingiti kay Kevin.

Doon niya nakita ang kaibahan ng kasiyahan niya ngayon sa kasiyahang nakagisnan niya. Noon, kapag sinabing masaya, nangangahulugan ito ng “PARTY”—maaring sa bar o club, sumayaw at sumigaw sa malakas na saliw ng musikang hindi na maintindihan—kasama ang mga taong karamay lang naman niya sa tagumpay.

Sa kinatatayuan niya ngayon—katabi si Kevin, Karla at Tita Carol, ine-enjoy ang tanawin ng Taal, nilalanghap ang malamig at sariwang hangin. Kahit papaano, sumaya siya.

            “Tito Kevin,” sabi ni Karla habang hila-hila ang mama nito. “Punta lang kami doon ni Mama. Text-text na lang. Mamayang 7 pa naman tayo uuwi di ba?”

            “Sige,” nakangiting tugon naman nito.

Napatingin si Destiny sa kiosk. “Parang gusto ko ng cotton candy.”

            “Sige, bili tayo,” sabi ni Kevin. Papunta sila sa stall nang biglang may batang tumakbo sa harap ni Destiny. Nadapa ito at akmang tutulungan niyang makatayo ang bata nang biglang may dumating na lalaki at binuhat ito.

Natigilan si Destiny.

Pinagmasdan niya ang lalaking karga ang batang umiiyak, pinapatahan ito. Hindi siya umalis—hinintay niyang bumaling sa kanya ang lalaki. Hindi siya nagkakamali, ito ang lalaking nang-iwan sa kanya sa altar.

            “D-Destiny?” Natigilan si Hugo, patuloy pa rin sa paghikbi ang batang buhat niya.

Dumating ang isang babae na agad namang kinuha ang bata sa pagkakabuhat ni Hugo. “Baby, don’t cry na,” sabi nito.  Ilang saglit pa ay napatingin rin ang babae sa kanya.

Ang eksena—tatlong karakter na sangkot sa love triangle. Isang batang umiiyak. Isang lalaking nag-ngangalang Kevin na hindi alam kung saan lulugar.

             “P-puwede ba tayong mag-usap?” tanong ni Hugo kay Destiny.

            “Destiny, puntahan mo na lang ako sa cotton candy stand,” sabi ni Kevin.

Tumingin ang babae kay Hugo, senyales na lalayo muna siya.

Ang eksena—dalawang lovers na malapit ng maging strangers.

Ang ganda ng timing ng mga pangyayari, sa isip-isip ni Destiny. Parang nasa teatro ang mga kaganapan—yun bang silang dalawa lang ni Hugo sa stage? Yun bang may nakakapanindig balahibong sound effects na lumalabas mula sa puso niya. Yun bang nanginginig na yung kamay niya na gusto niyang isampal sa makapal na mukha ni Hugo para ito naman ang manginig. 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon