Ikaapat| Bagong-gahasa, Destiny A.

498 15 0
                                    

Siya si Destiny A. Bagong-gahasa (in English, newly-sharpened)

Malaki na ang galit niya sa mundo simula pagkabata.

Una, naiinis siya kay Narciso Claveria dahil sa “napakagandang” apelyidong inimbento nito noong unang panahon. Pangalawa, isinilang siyang “pangit”. At sa dinami-dami ng taong nanglalait sa kanya noon ay naniwala na rin siya.

          “Minahal ko ang ama mo sa kabila ng apelyido niya,” sabi ni mama noon. “Sana ikaw rin.”

          “Anak, ‘wag mong ikahiya ang apelyido natin. Sa listahan ng mga apelyido, ikaw yung agaw-atensyon. Hindi ka rin makakalimutan basta-basta,” sabi ni papa.

Tuwing magte-tsek ng attendance, paulit-ulit siyang tatawagin ng titser niya. “Bagong-gahasa…”

            “Present,” nahihiya niyang tinaas ang kamay.

            “Bagong-gahasa. Bagong-gahasa…”

            “Ma’am, present nga po.”

Lahat daw dumadaan sa pagka-ugly duckling bago maging swan. Agree naman siya doon dahil noong hayskul siya ay impaktang bibe ang tingin sa kanya ng karamihan.

            “Anak, walang taong pangit. Mapanglait lang talaga ang nagsasabi no’n,” sabi ni mama. “Maganda ka.”

Bagong-gahasa, Destiny A.—maitim, magaspang ang balat, super-dry ang buhok at kulot na parang na-electric shock, dilaw ang ngipin, nakanguso, batak-batak ang labi na kaysarap martilyuhin, malaki ang mata. Payat. Yan palagi ang description sa tuwing sasagutin niya ang “Describe Yourself” sa slumbook. Pero dahil may natitira pa siyang self-esteem—kahit konti lang—hindi na lang niya sinusulat; sapat na yung naririnig niya sa iba.

Year 1996. 

Noong third year si Destiny, patapos na ang klase—pinagtripan siya ng tatlong lalaki, schoolmates niya. Kinuha yung bag niya at pinagpasa-pasahan. Wala siyang nagawa kundi habulin at abutin ang bag.

            “Bakit ba kasi ang pangit mo?” tanong ng isa. “Ang itim mo na nga, hindi ka pa naghihilod ng batok!”

Naiiyak siya habang sumagot ng “Parang ang ganda mong lalaki ah! Ikaw nga supot e!” Naiinis din siya sa sarili sa tuwing naco-convert ang galit niya sa iyak. Ang hina ko talaga. Wala siyang nagawa kundi lumuhod at humagulgol kasabay ng pagbuhos ng ulan.

            “Pare, wala namang ganyanan,” sabi ng boses sa gawing likuran niya. “Ang totoong lalaki, hindi naglalaro ng babae. Gusto mo bilhan kita ng manika?”

            “Wag kang mangialam,” sabi ng supot na bully.

     “Ako pa ba ang may kasalanan? E ang laki-laki ng katawan niyong tatlo, pinagtutulungan niyo yung babae.”

            “Babae ba yan? Kabayo yan pre!”

            “Talaga?” sarkastikong tugon ng lalaki sa likod niya. “Grabe ka naman manglait, e hindi naman kayo nagkakalayo ng itsura. Tsaka sabi nila supot ka daw.”

Nagtawanan yung mga dumadaan. “Gago ka a!” singhal ng loko, sabay bato ng bag sa kanya. Niyakap niya agad ang bag.

            “Wag mo ‘kong subukan,” matapang na sabi ng boses sa likod. “Tita ko ang principal dito.”

Umalis ang tatlong basag-ulo. Iyak pa rin siya ng iyak, kasabay ng pagbuhos ng ulan. Yakap niya ang bag.

Maya-maya’y pumunta ang lalaki sa harap niya, lumuhod at tinitigan siya. “Okay ka lang ba?”

Natigilan siya.

Natulala.

Naka-nganga.

Dahil ang nasa harap niya ay si Kevin Barcelo—crush ng bayan. Gwapo, singkit. Matalino, laging sa Section One. Mabait, hindi basag-ulo. Mapagkumbaba, hindi babaero.

Hindi naman niya talaga crush si Barcelo—pero kilala na niya ito dahil siya ang topic ng mga babaeng kaklase niya tuwing walang mapag-usapan. Sa tuwing makikita nila ito ay automatic siyang hahampasin ng mga kaibigan niya.

Pero sa isang iglap, nahulog DIN ang loob niya. Hindi niya akalaing ang prinsipeng tulad nito ay ipagtatanggol ang palakang gaya niya.

            “Okay ka lang ba?” tanong ni Barcelo, pero speechless siya. “Bagong-gahasa, okay ka lang ba?”

Kilala niya ko?! Bahagya siyang kinilig.

            “OK ka lang ba?”

Tumango siya sa pag-sang ayon. Inilalayan siya nitong tumayo.

Tahimik silang naglakad.

            “B-Barcelo…salamat” Nakayuko niyang sabi na siyang bumasag sa katahimikan.

            “Kilala mo ko?”

            “Sikat ka kasi,” mahina niyang sagot, iwas pa rin ang tingin niya dito. “E ako, bakit kilala mo?”

            “Sikat ka rin,” sabi nito. “Siguro dahil sa apelyido mo.”

            “Kamo, dahil sa itsura ko.”

            “Hindi naman. Kahit beauty queen nakakatanggap din ng panlalait. Hindi ka pangit, walang pangit. Mapanglait lang talaga sila. Kapag mataba ka, sasabihing ‘baboy’. Kapag payat, ‘kalansay’. Kapag sexy, ‘hipon’. Kapag maliit, ‘duwende.’ Kapag matangkad, ‘kabayo.’ Kaya bakit mo pipilitin ang sarili mong magustuhan ng iba? Hayaan mo sila. Di naman kayo close.”

Sa isang iglap, lalo siyang nahulog. Hala, ano kaya ang nadarama niya? Encircle the letter of the correct answer.

A) Crush B) Infatuation C) Love D) Wag naman sana.  

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon