Ikatlo| Saluhin Mo 'Ko

508 11 1
                                    

Alas-siete nang nagising si Kevin.

Martes, “Just another day”.

Naka-ilang balik na si mamang tsuper mula Dasmarinas hanggang Imus. Lumamig na ang gatas at tinapay na inihanda ng ina para sa mga anak na tanghaling gumising. Tahimik na ang buong condo—kanina pa nagsisimula ang buhay ng mga residente nito sa eskwelahan, opisina, o kung saan pang sulok ng Pilipinas. Tumatakbo ang oras—pero ngayon lang siya nagising.

Pupungas-pungas siyang nagtungo sa ref; kinuha ang cornflakes at gatas at pinaghalo sa bowl.

Walang kamatayang cereal at walang kalasa-lasang araw. “What a great way to start the day,” ika niya.

Alas-nuebe nang madatnan niya ang mesa—puro folders na kailangang silipin, papel na kailangang pirmahan, mga gawaing nananawagan ng plano at meeting bago matapos ang taon. Pero sa lahat ng nakatambak sa kanyang mesa ay may isang bumuhay sa matamlay niyang araw—ang asul na paper bag.

Binuksan niya iyon para silipin ang laman—isang plastic container na may sticky note.

            Thank you Sir Kevin! J Have a great day. –Natasha

Katatapos lang ng klase ni Natasha nang maabutan ito ni Sir Kevin. Hindi siya kaagad pumasok sa classroom, pinagmasdan niya muna ito na abala sa pagdidikit ng Christmas décor sa dingding.

            “Hi,” sabi ni Kevin.

Lumingon si Tasha habang hawak ang cut-out na reindeer. “Sir Kevin, kayo pala.”

Bahagya siyang pumasok, malapit sa blackboard.

            “Bakit po?” tanong ni Tasha kasabay nang paghila sa isang upuan para tuntungan.

            “Are you busy?” tanong din niya. “Can we go out for lunch?”

Napangiti naman ang kausap nang makita ang dala niyang paper bag. “S-sure.” Tumuntong siya sa upuan, “Tatapusin ko lang po ito.”

Akmang ilalapat ni Tasha ang larawan sa dingding nang umuga ang silyang tinutuntungan. Bago pa siya sumemplang ay sing-bilis ng kidlat na tumakbo si Super Sir Kevin papunta sa kanya para umalalay. Sinalo siya ni Sir Kevin, pero tila ang puso niya ay tuluyan nang nahulog dito.

Nagkatitigan sila at umalingawngaw ang boses ni Top, “…kapag nagkatitigan kayo sa loob ng tatlong segundo, nag-iisa o nagsasabay yung tibok ng puso niyo. Kapag 20 seconds naman, mas malaki ang posibilidad na mahalin ka niya…”

Akala niya sa telenobela lang nangyayari ang eksenang saluhin-mo-ko. Corny dahil halos lahat na lang ng kuwentong pag-ibig, may ganoong senaryo na para bang naubusan na ang mga writers na gimik kung paano pagliyabin ang “spark”. Pero ngayong siya na ang nasa sitwasyon, iba pala ang pakiramdam.

Para bang nag-slowmo ang lahat—bumagal pati ang pagsemplang ng silya para hintayin si Sir Kevin na tumakbo at saluhin siya. Ngayong siya na ang nasa sitwasyon, hindi pala korni. May spark, sing ningning ng mga mata ni Sir Kevin.  

“…kapag nagkatitigan kayo sa loob ng tatlong segundo, nag-iisa o nagsasabay yung tibok ng puso niyo. Kapag 20 seconds naman, mas malaki ang posibilidad na mahalin ka niya…”

1…2…3…4…5…Nahirapang huminga si Tasha. Nangalay si Sir Kevin.

            “L-lunch?” nauutal na sabi ni Sir Kevin.

May mararating ba ang limang segundo? Hindi alam ni Natasha. Basta bumalik siya sa realidad—tumindig at pormal na hinarap si Sir Kevin. 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon