Una| National Book Store

2.2K 39 6
                                    

Tumingala ang kapitbahay, banda sa direksyon ng bintana niya—at nagtama ang paningin nila. At hindi nga siya nagkamali.

Si Kuyang Red Riding Hood.

Dali-daling nagtago si Tasha sa kurtina, habang nakatakip ang bibig sa gulat. Gusto niyang magsigaw, tumili nang makarating kay Ellen ang good news. Pero tumakbo siya pabalik sa kama at niyakap ang unan. Gigil na gigil.

-|||-

            "HUWAAATTT? Kapitbahay mo si kuyang Red Riding Hood?!" nanlalaki ang mata at bibig (na kita na ang ngalangala) na tanong ni Ellen.

Nang magkasabay sila ni Ellen sa Gate 1 ng unibersidad ay agad silang naghawak-kamay, senyales na may good news.

            "Oo nga. Kapitbahay. Katapat-bahay. Magkatapat ang bintana ng kwarto namin. Hehe," sagot niya.

            "Ano yun? Umuupa sila?"

            "Oo. Ewan kung may kasama siya sa bahay na 'yun. Nagkatinginan lang kami kahapon, tapos wala na. Hindi kami nagkangitian, hindi nag-usap. Hindi naman kasi kami close."

            "Don't worry 'te. Ilang araw lang, siguradong magiging magkaibigan rin kayo," sabi ni Ellen. "Ano kaya kung ipagluto mo siya ng tanghalian? O di kaya yayain mong mag-merienda."

            "Ang landi naman no'n."

            "Sus, lahat tayo may landi sa katawan," pang-ookray ni Ellen.

Pero, siguro, masaya rin 'yon kung magiging magkaibigan sila ni kuya Red Riding Hood. Na-imagine ni Tasha yung gigising sa umaga, at bubungad sa kanya ang ngiti ni kuya RRH na nasa katapat na bintana. Yung sabay silang magjo-jogging o magbi-bike. O di kaya magluluto ang mama niya ng kaldereta at kakatok si Tasha sa gate nina RRH at masaya niyang ibibigay ang ulam. Yung sabay silang mag-merienda. Yung tatambay sila sa hardin hanggang gabi at mag-uusap ng kahit ano. Yung magiging close ang pamilya nilang dalawa. Yung magugustuhan ni papa si RRH at papaboran ang relasyon nila. Relasyon agad? Ipinilig ni Tasha ang ulo. Imposibleng mangyari iyon; bawal muna ang lovelife sabi ni papa.

-|||-

            "Hi classmates, pang-ilang Introduce-Yourself na natin 'to. Muli, ako si Natasha Laureen Rom—bunga ng pagmamahalan ni Engr. Noel at Laura na isang magandang maybahay. Labing pitong taong gulang. Magdadalaga sa August 18. Ako'y naninirahan sa Blue Ridge Subdivision, Dasmarinas Cavite. Panganay sa limang magkakapatid. Simula pagkabata ay hilig ko na talaga ang magtitser-titseran lalo na sa mga kapatid ko. At ngayon, totoo na 'to—gusto kong maging isang guro," sabi ni Tasha. Pang-limang beses na niyang sinabi ito ngayong unang araw ng klase.

Unang araw ng klase sa De La Salle University Dasmarinas. 2nd year college na si Tasha sa course na Bachelor of Elementary Education, major in Early Childhood.

Puro introduction at orientation pa lang ang nangyari. Sinabi ng prof ang expectation niya sa klase, requirement at iba pa. "Class dismissed." Sabay-sabay lumabas si Tasha at ang mga kaibigan niya sa classroom, pero naghiwalay rin sa labas ng FCH (hall ng College of Education). Si Jackie, magdu-duty sa library; Pauline—aasikasuhin ang scholarship; Jessa—may date; Ellen—pabunot ng ipin. At siya—pupuntang SM Dasmarinas.

Hindi pa siya nakakalayo sa FCH nang may nakabangga siyang babae, siguro nanay.

            "Ay sorry iha," sabi nito.

            "Sorry din po."

            "Puwede bang magtanong? Saan ba dito yung Admin office? Nagkaklase kasi ang anak ko, ako na lang magprocess nito," sabi ng nanay—mukhang nawawala ito.

            "Diretsuhin niyo lang po itong kaliwa. Tapos kumanan po kayo. Makikita niyo na po yun—maraming windows, nakapaskil yung mga Counter Number."

            "Ah, salamat iha," nakangiting sagot naman ni nanay. "Sige, una na 'ko ha."

-|||-

Kumakaway ang "Back-to-School" tarpaulin ng National bookstore sa kanya. Balak niyang bumili ng required na textbook. Pero sa dinami-dami ng branch na puwedeng puntahan ay dito talaga siya sa SM Dasma, dahil gusto niyang makita ang poging staff ng NBS. Tulad ng inaasahan ay puno ang store ng mga estudyanteng bumibili ng notebook, slumbook, Stabillo at kung ano pang makaaakit sa mata nila at "makakapag-motivate" sa kanilang pag-aaral. Bago puntahan ni Tasha ang istante ng libro ay naakit siya sa musical cards, "Father's Day nga pala ngayon," naalala niya.

            Nasanay siyang magbigay ng cards tuwing may okasyon, pero nasa barko ngayon si papa at naglalayag sa kung saanmang karagatan, at wala ito para tanggapin 'yon.

            "Hello. Ikaw yung sa La Salle di ba?" tanong sa kanya ng nanay na nakausap niya kanina sa La Salle.

            "Ay, hello po..."

            "Ano ngang pangalan mo ulit?"

            "Natasha po."

            "Naghahanap ka rin ng card? Para sa father's day?" tanong ng nanay—napaka-palakaibigan. Madaldal din tulad ng nanay niya. "Ako rin e, para sa asawa ko. Kaso ang papangit ng design. Mas maigi pa gumawa ng love letter...Alam mo kasi, noon pa lang, nagliligawan palang kami ng asawa ko, nagsusulatan kami tsaka nagbibigay ng cards. Nakatago pa rin hanggang ngayon."

Ngumiti naman si Tasha.

            "Ano nga palang course mo?" tanong nito.

            "Educ po."

            "Ah, so magte-teacher ka? Anong tuturuan mo? Highschool o –"

            "Elementary po."

            "Ah, parehas kayo ng pangalawa kong anak—teacher din yon sa Alabang," sabi nito. "Taga-Laguna kami. E yung pangalawa ko, teacher nga sa Alabang. Tapos yung bunso, lumipat ng school; sa La Salle siya ngayon, MassCom ang course. Nagbo-board sila sa Blue...Blue..."

            "BlueRidge?"

            "Oo, dun sa BlueRidge." Nag-ring ang cellphone ng nanay, sinagot ang tawag. "Hello, nakabili ka na ng pantalon? O,daanan mo ko dito sa National. Ang daming tao—-"

Umalis si Tasha sa card section at nagtungo sa mga hile-hilerang istante ng libro. "Nasaan ka na ba?" bulong niya, habang palinga-linga, hinahanap yung 'kras' niyang staff. Napangiti siya nang makita si 'kras' na nag-aayos ng mga libro.

Flashback. Nakaraang February ay inaabot ni Tasha ang librong "Sino ang Kasama Mo?" na akda ni Jade Rizal. Pilit niyang inaabot ang librong nasa tuktok ng shelf, nang biglang may palad na dumapo sa kanyang kamay.

            "Eto po ba ang librong kelangan niyo?" tanong ng matulunging staff, hawak nito ang libro.

Tumango siya—nakanganga. Sa sandaling iyon, tila nagsiliparan ang mga libro at inilipad siya ng mga pahina sa alapaap. At simula sa araw na iyon, sinumpa niyang dito na siya bibili ng libro at school supplies.

Kinuha ni Tasha ang textbook, pero pinagmamasdan pa rin si kras na abala sa pag-aayos.

            "Natasha."

 Lumingon siya sa pamilyar na boses. Si nanay na naman na kausap niya kanina sa Cards Section.

            "Eto pala ang anak ko," nakangiting sabi nito. Nakatalikod ang anak, parang may ka-text pa. "...si Christopher." Humarap ang anak at tipid na ngumiti.

Hindi makangiti si Tasha sa gulat. Si Kuyang Red Riding Hood na bago niyang kapitbahay ang kaharap niya. At "Christopher" pala ang pangalan niya.

            "Hi," bati ni Christopher.

Ngumiti naman siya.

            "O siya, una na kami Natasha. Ako pala si Marina," sabi ng nanay.

            "I-ingat po."


Hindi siya makapaniwalang may ganoong klaseng nanay—napakapalakaibigan. Mas lalong hindi siya makapaniwalang—hanggang dito ba naman, pinagtatagpo pa rin sila ni Christopher. 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon