Ikaapat| New Morning

440 14 1
                                    

Tahimik si Destiny nang magkita sila ni Kevin.

Wala siyang kibo hanggang sa makarating sila sa bahay. Agad siyang nagtungo sa kwarto at inilatag sa kama ang wedding gown na suot niya kahapon. Naalala niya ang panahong iginuhit niya iyon sa papel—sa lahat ng damit na ginawa niya, iyon ang kanyang pinakamamahal.

Gamit ang gunting, tinastas niya iyon. Pinunit, hinila hanggang sa masira ang bawat detalye, hibla at sinulid. Sinikap niyang pagpira-pirasuhin iyon; mas marami pa sa pira-pirasong bahagi ng puso niyang binasag ni Hugo. Sa damit na iyon ay ibinuhos niya ang lakas, galit at luha dahil bukas ay sinisigurado niyang hindi na siya magmumukmok. Oras na para magsimula ulit.

Dumaan si Kevin sa kwarto ni Destiny, sa halip na kumatok ay pinakinggan niya lang ang paghikbi nito. Ewan kung bakit, pero iyon ang pinakamalungkot na tunog na narinig niya. Nagtungo na lang siya sa rooftop garden, dala ang alak.

Doon ay ipinaalala ng mga tala sa kanya si Tasha at ang mga huling sinabi nito.

            “Hello Kevin,” sabi nito, pero hindi siya kumibo. Pinakinggan niya lang ito sa kabilang linya. “Hanggang ngayon ba galit ka pa din sa ‘kin? May tatlong bagay lang akong gustong sabihin. Una, sorry. Pangalawa, salamat sa lahat, lalo na sa pagmamahal. Pangatlo, mahal kita at patutunayan ko sa ‘yo na hindi mapuputol ng distansya ang pagmamamahal ko sa ‘yo. Babalik ako. Kaya sana hintayin mo’ ko. Please, hintayin mo ko…Kevin? Hello? Bye.”

Idinaan na lang niya sa alak ang alaalang iyon. Siguro hindi si Tasha ang may problema. Siguro siya rin—puwedeng matagal na siyang nag-fall out of love, o hindi sapat ang pagmamahal niya para matugunan ang long-distance relationship.

Dumating si Destiny. Umupo ito sa bakanteng upuan, nilagyan ng alak ang basong walang laman. “Kevin,” sabi nito. “Curious lang ako. Bakit nasabi mong iniwan ka rin? Nag-break kayo?”

Tumango siya, sa una ay nag-aalangan pa kung sasagot o hindi, at kung anong parte ng love story nila ang ikukwento. “Nag-propose ako at tinanggihan niya.”

            “Bakit daw?”

            “Said she’s going to teach in Korea. Pangarap niya ‘yun.”

            “Sayang naman kayo ni Julia…”

            “What?” bulalas niya. “Hindi si Julia. Matagal na kaming wala,nasa Canada na siya at may asawa na. It’s Natasha. Siguro kasalanan rin ni Julia kung bakit hindi ako naniniwala sa long distance relationship.”         

Sabay silang bumuntung-hininga

            “Para sa mga pusong sawi,” sabi ni Destiny kasabay ng pagtaas nito ng wine glass.

            “Para sa mga pusong sawi,” pag-uulit ni Kevin.

            “At para sa mga magmo-move on,” sabi nito. Sabay silang uminom.

----

Bagong umaga. Bagong simula para kina Destiny at Kevin. Matapos mag-almusal ay nagbisikleta sila papunta sa sapa para mamingwit ng isda.

            “Grabe,” naiinip na sabi ni Destiny. “Mas mahirap palang mamingwit kaysa humanap ng lovelife.” Kanina pa niya hawak ang kawayan, pero parang walang isdang balak kumagat sa pain niya.

            “Patience is a virtue,” ani Kevin kasabay ng pag-gulo sa buhok nito.

            “Alas diyes na. Kung nasa trabaho ako, ang dami ko ng nagawa…”

            “Pero kung nasa trabaho ka naman, hindi mo rin ‘to nagagawa, ‘di ba?”

Ngumiti siya. “Salamat Kevin ha.”

            “Para saan?”

            “Sa lahat—sa pagsagip sa ‘kin nung araw na wala na ‘kong matakbuhan. Sa pagdating sa buhay ko ulit. After 15 years.”

            “Sorry din,” tugon ni Kevin.

            “Para saan naman?”

            “Naalala mo nung huli tayong magkita nung highschool sa---“

            “Nako. Di ba ang usapan natin kagabi—move on na? Wala na yun,” natatawang sabi niya. “Mga bata pa tayo nun e.”  Nabalik ang tuon niya sa  sa sapa. “Akala ko ba, there’s a lot of fishes in the s—Kevin! Eto na!”

Buong lakas na inangat ni Destiny ang kawayan na hila-hila ng isda sa sapa. “Ang bigat a! Ano bang kumagat dito, dolphin?” singhal niya. Tumayo si Kevin para tulungan si Destiny.

            “Tilapia!” bulalas niya nang maiangat ang kawayan sa sapa at makita ang isdang nakalambitin. “Sapsap lang ang hiniling ko, Tilapia ang binigay! Thank you Lord!”

            “Game. Paunahan pauwi sa bahay. Kung sinong mahuli, siya ang mag-iihaw niyan,” sabi ni Kevin, agad itong sumakay sa bisikleta. Nag-unahan sila, nagtawanan…hindi nagkaka-ilangan, para bang bumalik sa kamusmusan. 

--

CHICHAY: Ewan ko kung anong meron, pero minsan imbis na 1 of 2 pages ang nakalagay, ididirect ka kaagad sa next chapter--kaya parang putol ang pagkakakuwento. If that's the case, kung feel mong putol o may idudugtong pa si Author, paki-refresh ng page. It's freeeee! :> 

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon