Ikalima| The Destiny Of Everything and the Beginning of Destiny

559 16 10
                                    

        “Sorry. Napatunayan ko lang na hindi ako ang para sa ‘yo. Hindi ka mahirap mahalin, Tasha. At alam kong may darating na taong mas mamahalin ka ng higit pa sa nagawa ko sa ‘yo. Yung taong ipapaintindi sa ‘yo ang punto niya bago ka hayaang gawin ang gusto mo. Yung makikinig sa ‘yo. Yung hindi ka iiwan. Yung hihintayin ka. Yung taong makakapag-kumbinsi sa ‘yong hindi mo siya dapat pakawalan. I want you to be happy, and I know someday, you will.” 

                                                                        ---

Umaga.

Sa isang coffee shop kung saan nakahanda na ang kanyang umagahan, tahimik na nakaupo si Nathaniel—tinatanaw ang paglagas ng mga dahon ng Korea.

Autumn, ang panahon na pagbabagong kulay ng paligid. Maganda pa rin naman, pero sa tuwing iihip ang hangin, bibitaw ang mga dahon at malalaglag sa lupa.

Malungkot, di gaya ng tagsibol.

Nakatuon pa rin siya sa tanawin sa labas habang hinihigop ang kape.

Umaambon ng maaga. Natanaw niya ang babaeng tumatakbo, naghahanap ng masisilungan dahil walang dalang payong.

Natigilan si Nathaniel habang palapit ang babae sa coffee shop. Nang makarating ay hindi ito pumasok, sumandal lang sa salaming dingding para makisilong at palipasin ang ambon.

Sumandal sa tabi niya ang babae, sa salaming dingding na namamagitan sa kanilang dalawa. Kinatok ni Nathaniel ang dingding para mapukaw ang atensyon nito. Umatras ang babae, umusod ng kaunti. Kinatok niya ulit. Umusod na naman. Kinatok niya ulit ang sinasandalan, sa inis siguro ay lumingon ang babae. Hindi nga siya nagkamali—si Tasha iyon.

            “Kuya Nathan?”

Hindi niya narinig ang boses nito, pero nabasa niya ang labi ni Tasha, na gulat na gulat sa kanilang pagkikita.

            “Pare, pare! Manganganak na misis ko. Pahiram ng sasakyan mo!”

            “Pare, manganganak din yung misis ko. Sabay na tayo. Dali!”

Sa pagkakakwento ng mama niya, sabay silang pinanganak ni Tasha. Pero hanggang ngayon ay kinu-kuya pa rin siya nito. Doon naasar si Nathaniel.

Sino namang matutuwa kung ang puppy love mo ay ‘kapatid’ lang ang turing sa ‘yo?

Si Tasha ang unang kapitbahay, unang kalaro, unang kaibigan. Sila ang batang 90’s.

Si Tasha yung kakatok ng malakas sa kanilang pinto pagkagising na pagkagising ng mundo, sabay magyayaya ng “kuya Nathan, laro tayo.” Sila yung agad nagbibisikleta paggising sa umaga, nagpa-patintero tuwing hapon, nagtatagu-taguan paglabas ng buwan. Sila ang mga batang uuwi ng madaming gasgas at lalabas uli sa bahay ng maraming band-aid.

Sila ang mga masuwerteng batang nakaranas magpalipad ng saranggola at eroplano kapag windy day, magpa-anod ng bangkang papel pag rainy day. Kapag nasa klase, sila yung naglalaro ng PANTS ( plants-animals-names-things-score), XoX at FLAMES naman nang hayskul.

Kapag walang pasok, sila yung nanonood ng Sineskwela, Hiraya Manawari, Math Tinik, BluesClues at Wansapanataym tuwing linggo.

Sila yung mga bata pa lamang ay may muwang na sa buhay—nagba-bahay-bahayan (lahat ng babae gustong maging nanay), titser-titseran (na puro spelling lang naman ang pinapagawa) at lutu-lutuan (ang kalan ay tanzan, dahon ang ulam). Sila yung batang nilalaro kahit ano, walang paki kung ito ay pambabae o panglalaki—goma, holen, luksong baka, Chinese garter, hula-hoop at piko. Sila yung magbubuhol-buhol at sisigaw ng Dr. Quack Quack o ang mga batang gustong ma-kidnap sa Buko-Buko. Sila yung mga naniniwalang nanganganak ang kisses kapag binalot ito sa bulak; ang mga frustrated singer sa harap ng electric fan at kasumpa-sumpang bata na kumakanta ng “Langit-Lupa Impiyerno, im-im-impyerno. Saksak puso tulo ang dugo. Patay-buhay, umalis ka na riyan sa pwesto mo.”

Hanggang hayskul, malapit pa rin sila sa isa’t isa—kasi nga, siya ang kuya ni Tasha. Aminado si Nathaniel na hindi siya palakaibigan. Pag sa school, pag nasa loob ng klase, aral kung aral. Walang crush-crush, love-love. Sabi ni Natasha, boring daw ang tingin sa kanya ng lahat. KJ. Snob.

            “Pero alam mo namang hindi ako gano’n, di ba?” tanong niya dito noon, naglalakad pauwi sa bahay.

Inakbayan siya nito. “Oo naman. Ang suwerte ko lang talaga dahil sa dinami-dami ng tao, ako lang ang pinapansin mo. Aba dapat lang, ikaw ang kuya ko di ba? Tsaka ako lang ang nakakapagtiyaga sa ‘yo. Ako lang ang nakakapagpatawa sa ‘yo. Pag absent ako, napapanis laway mo. Naku, kuya Nathan.”

Yun. Kuya na naman. Nalilito na nga siya sa bago at kakaibang nararamdaman niya, kuya pa rin ang tawag nito. Hirap na nga siyang itago, kuya pa rin. Pero minsan, natanong rin niya sa sarili: Kung nagbago ang nararamdaman ko, hindi kaya si Natasha rin?

Di bale na lang. Sabi ni mama, atupagin daw ang pag-aaral. Narinig din niya sa papa ni Natasha nung magkausap ang mga magulang nila na hindi raw puwede magpaligaw si Tasha, lalo na ang magka-boyfriend. Kaya di bale na lang.

Pero ngayon, pagkatapos ng mahabang panahon, siguro naman puwede na?

            “Kuya Nathan, anong ginagawa mo dito?” masiglang tanong ni Natasha nang makapasok ito sa shop.

            “Business trip. Ikaw?”

            “Dito ako nagtuturo,” sagot nito, siyempre alam niya iyon dahil sa Facebook. “Grabe, hindi ako makapaniwalang magkikita tayo ulit. At dito pa talaga. Kamusta ka na?”

Umupo si Tasha sa bakanteng upuan, sa harap ni kuya Nathan. Masaya si Tasha sa kinalalagyan niya ngayon, sa sorpresang tagpong ito. Totoo nga—parang puno ang pag-ibig. Bumitaw man ang huling dahon, may bago namang sisibol. Laging may bagong darating.

                                                     ♥  ♥  ♥ WAKAS  ♥  ♥  ♥

Kung Magkikita Tayong MuliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon