Chapter 7
TITUS
"Handa ka na ba sa ating paglalakbay?" nakangiting tanong sa akin ni Glenn.
Hingal niyang binubuhat ang aming mga bayong na naglalaman ng aming mga damit at mahahalagang gamit. At iba pang kagamitan na maaari naming gamitin sa Akademiya at sa aming isang linggong paglalakbay. Halos dalawang linggo na ang lumipas ng gabayan at hasain ni Glenn ang aking pangangatawan. Ngunit sa dalawang linggong iyon, hindi pa rin ako gumagamit ng mahika.
May isang linggong kaming paglalakbay gamit ang karitelang na may kasamang kabayo na kanyang binili sa isang nagtitinda sa bayan sa nakakasilaw na presyo. Hindi ko lubos maisip na napakaraming ginto ang nasa loob ng bulsa ng kanyang kasuotan. Ni isang ginto sa buong buhay ko ay hindi pa ako nakahawak. Kaya nang makakita at ibigay niya sa akin ang isang kaban ng ginto ay pakiramdam ko ay hihimatayin ako.
Tanging siya lamang ang nakakabalik at nakakapunta sa aming bayan. Nabalitaan niya roon na nakapaskil ang aming mukha sa bawat posteng nakikita niya. Pinaghahanap ako ng mga kawal ng Imperyo sa kadahilanan na tutugisin nila ang mga kalalakihan na walang mahika. Hindi ko maintindihan kung anong intensyon nila kung bakit nila nais gawin iyon. Isa pang balita ang nakakalungkot na nakarating sa akin.
Ang aking mga pangalawang magulang na sina Nanay Agatha at Tatay Berto ay sapilitan na kinuha ng kastilyo ng Slavia at doon ikinulong. Hindi raw nagsasalita ang mga ito kung nasaan ako. Kaya hindi ako maaaring magpakalat-kalat kahit sa gubat na ito dahil parte pa rin ito ng aming bayan at sila ang nangangasiwa rito.
Tumango ako bago magsalita "Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa akin nina Nanay Agatha at Tatay Berto. Gagawin ko ang makakaya ko upang makamit ang minimithi at pinapangarap ko. Wala nang atrasan ito." nakangiti kong sagot sa kanya.
Tinapik lamang niya ang aking balikat at dali-dali niya akong pinasok sa loob ng isang bariles. Huminga ako ng malalim dahil damang-dama ko ang init sa loob nito. Kahit na maliit at payat ang aking pangangatawan ay nagkasya ako sa loob. Pakiramdam ko sinusunog ang balat ko sa sobrang sikip at sa sobrang init. Ilang sandali pa ay pinatungan niya ang buo kong katawan ng mga sariwang kamatis.
Dalawang linggo rin nag-isip ng plano si Glenn kung paano ako maitatakas at mailalabas ng bayan kapag may karitela na kami. Naisip niyang magkukunyaring isang mangangalakal ng mga kamatis na hitik sa aming bayan. Kaya hindi magdadalawang-isip ang mga kawal ng bayan dahil nga maraming kamatis ang namumunga sa aming lugar.
May limang bariles ang kasya sa loob ng aming karitela at ang posisyon ng bariles na kinasusuksukan ko ay iyong nasa pinakagitna. Puro kamatis ang laman ng mga bariles na iyon at ayon sa kanya ay tamad maghalughog at magsaliksik ang mga kawal sa bayan namin kaya alam niyang mabilis niya akong maitatakas dito.
Huminga ako ng malalim at bahagyang inilapit ang aking ilong doon sa isang maliit na butas na isang laki lamang ng isang pirasong baryang tanso. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang dahan-dahan na pag-usad ng aming karitela. Hindi kasi maaaring gamitin ang gubat na panakas dahil isang mahigpit na bayan ang katabi nito.
"Huwag kang mag-alala, makakalabas din tayo. Maghintay ka lang Titus. Kakaunting-tiis lamang." rinig kong bulong ni Glenn habang marahan na hinahampas ang kulay kayumangging kabayo.
Hindi naman na ako sumagot pa at pilit na hinahabol ang aking hininga. Matapos ang ilang minutong pangangabayo ay narinig ko ang malakas na boses ng kawal na naghihintay sa pinakatarangkahan ng aming bayan. Ito ang pinakapinto kung saan nasasakupan nito ang gubat na pinagtaguan ko. Ito ang pinakaprominenteng tarangkahan ng bayan ng Slavia.
BINABASA MO ANG
Grimoire Academy
FantasyTitus Alexius Constance. He's a dreamer and an idealist that someday will he have a magic powers like his parents. He worked hard every single day to prove to everyone that someday will he have his own Grimoire. He always joined the celebration in t...