Chapter 22
TITUS
"Anong nangyari dyan sa mga braso mo? Bakit nakabalot ng benda 'yan?" seryosong tanong ni Glenn sa akin nang makalabas kami ng aming silid aralan kung saan inaabangan niya pala kami ni Ruhk.
Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang tanong. Kanina pa tahimik si Glenn nang sabay kaming kumain kanina sa hapag-kainan. Hindi ito nagsasalita tungkol sa kalagayan ng mga braso't kamay ko at hindi rin naman siya nagtanong kaya buong akala ko ay palalampasin niya itong nangyari sa akin ngayon.
Marahan naman niya akong hinila sa gilid ng pasilyo kung saan tanging bakal lamang ang harang nito kaya kitang-kita naman ang lumubong na araw at papasilay na buwan. Bahagyang tinatangay ng pang-gabing hangin ang aking nakataling buhok at ganoon din ang sa kanya.
Tahimik naman si Ruhk sa isang tabi dahil alam kong ayaw niya rin na mangialam tungkol sa nangyari. Naikwento ko sa kanya ang totoo kaninang umaga dahil hindi niya ako tinantanan hanggang sa hindi ako nagsasabi ng totoo. Wala na akong nagawa kung hindi sabihin sa kanya na aksidente akong nabuhusan ng sabaw.
"Tinatanong kita Titus, anong nangyari dyan sa mga braso mo?" muling pagtatanong niya kaya mariin akong napakagat ng aking pang-ibabang labi.
Napatingin ako sa kanyang kamay habang marahan na sinusuri ang kalagayan ng mga braso ko. Alam kong galit siya ngunit hindi pa rin niya maiwasan na maging maingat sa paghawak sa akin. Nangingibabaw ang galit niya sa kanyang mga mata ngunit sa ilalim nito ay napapansin ko ang pag-aalala.
Huminga ako ng malalim "A-ano kasi, kahapon aksidenteng natapon sa akin iyong kinuha kong mainit na sabaw sa hapag-kainan. Napaso ang buong kamay at braso ko kaya nakabenda sila ngayon. Ang sabi naman ng Maestro na tumingin sa akin ay magiging ayos na raw ito sa loob ng ilang araw kaya wala ka na dapat na ipag-alala." pagsisinungaling ko.
Tumango si Glenn kung saan rinig na rinig ko ang matiwasay na pagbuntong hininga niya. Ngumiti ito na para bang napawi sa kanyang isipan ang pag-aalala. Ilang sandali pa ay dali-dali niyang hinila at niyakap. Doon, nagdikit ang aming mga dibdib kung saan ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso niya.
Muli akong napakagat sa aking pang-ibabang labi at niyakap din siya pabalik. Marahan niyang hinimas-himas ang buhok ko na para bang labis ang pag-aalalang ginawa ko sa kanya. Napatingin na lamang ako kay Ruhk na ngisi-ngisi sa aking harap.
Humiwalay si Glenn sa pagkakayakap "Mabuti naman kung ganon. Makakahinga na rin ako ng maluwag. Kanina kasi nasabi sa akin ni Ruhk na hindi na muna pinasama sa mga aktibidad niyo kanina at siya rin ang nagsulat ng mga aralin ninyo." nakangiti wika niya sa akin.
Ngumiti ako "P-pasensya na kung ipinag-alala kita -----" napahinto ako sa pagsasalita ng may kung anong bagay ang tumama sa aking likod.
Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Ang bayong ko na laman-laman ang ilang sunog na damit ang nagkalat sa pasilyo. Gusto kong kunin ang mga gamit ko na nasa sahig ngunit hindi ko man lang mai-galaw ang mga paa't kamay ko nang makita ko kung sino ang gumawa nito.
Ang pula niyang mga mata na animo'y nag-aalab ay malalim na nakatitig sa akin. Ilang metro lamang ang layo niya sa akin ngunit ramdam na ramdam ko ang kakaibang enerhiyang ipinapakita niya. Nakakunot ang kanyang noo at halos magsalubong na ang mga mata niya habang nakatitig sa akin.
Pinagtitinginan na kami ng ilang estudyante na nakasaksi ng pangyayari kaya dali-daling pinagkukuha ni Ruhk ang mga sunog kong damit at ipinasok sa sisidlan. Huli na nang mapansin kong tumakbo si Glenn papalapit kay Milo na bakas pa rin ang pagkairita sa kanyang mukha.
BINABASA MO ANG
Grimoire Academy
FantasyTitus Alexius Constance. He's a dreamer and an idealist that someday will he have a magic powers like his parents. He worked hard every single day to prove to everyone that someday will he have his own Grimoire. He always joined the celebration in t...