Chapter 45
TITUS
"Ito na ang huling gabi ko kasama ka..." malumanay na saad sa akin ni Milo habang mariin na hawak ang aking kamay.
Huminga ako ng malalim at tumingin sa kalangitan. Maliwanag ang buwan na nagsisilbing ilaw namin dito sa labas ng kweba. Punong-puno rin ng makikinang na mga bituin. Bahagyang umihip ang pang-gabing hangin kaya tinangay nito pakaliwa ang aking nakalugay na buhok. Ramdam na ramdam ko ang lamig nito na dumadampi sa aking balat.
Nilingon ko si Milo na titig na titig sa akin. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot na ito na ang huling gabi ng aming pagsasama. Bukas ng umaga, ay aalis na ang karitela na maghahatid sa mga kabataan na nais mag-aral sa Akademiya na matatagpuan sa Kapitolyo ng Imperyo. Nasisinagan ng liwanag ng buwan ang kanyang mga nagbabagang mga mata.
Ngumiti ako "Kaya kailangan natin sulitin dalawa ang gabing ito. Masaya ako na matutupad na ang pangarap mo na makapag-aral sa Akademiya. Mag-iingat ka palagi doon." mahinang saad ko.
Kailangan kong magpakatatag ngayon. Halos ilang linggo na rin ang lumipas matapos makuha ni Milo ang kanyang Grimoire na may apat na bituin. Tanggap ko na kung anong nangyari sa akin. Kaya positibo ako na makakakuha rin ko ng Grimoire sa susunod na taon. Wala naman masama kung patuloy akong mangangarap na masusundan ko rin ang yapak ng mga magulang ko.
Hindi ko kailangan magpaapekto sa nangyari sa akin. Malungkot ako dahil hindi ko alam kung paano ko haharapin ang bukas na wala si Milo sa tabi ko ngunit lubos na nagagalak ang aking puso na makakapag-aral siya sa nag-iisang Akademiya sa Imperyo. Kapag nakapasok at nakapagtapos siya roon, alam kong magkakaroon siya ng napakagandang kinabukasan.
Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin "Hindi ko naman kailangan na mag-aral sa Akademiya Titus... Ang gusto ko lang ay ang makasama ka parati." mahinang saad niya na halos pabulong na.
Huminga ako ng malalim "Napag-usapan na natin itong dalawa Milo. Huwag mo na ako alalahnin dahil magiging ayos lang ako rito sa Slavia. Malay natin, sa susunod na taon makakuha ako ng Grimoire at sundan kita doon. Saka alam ko na ito rin ang gusto ng puso mo at ito rin ang gusto ko mangyari para sa'yo." natatawang sagot ko.
Tumawa siya ng mahina habang tumatango "Linggo-linggo ako magpapadala ng sulat sa iyo. Palagi kang mag-iingat dito. Inihabilin na kita Nanay Agatha, Tatay Berto at Kuya Run. Palagi mong tatandaan na kahit wala kao rito, lagi kang nasa puso at isipan ko." malumanay niyang wika at dahan-dahan inilagay ang aking kanang kamay sa kanyang kaliwang dibdib.
Ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Mas lalong idinikit ni Milo ang kanyang mukha sa akin. Nagsalubong na ang tungki ng aming mga ilong. Amoy na amoy ko ang mabangong hininga na. Mamula-mula ang kanyang namamasang mga labi. Ang kanyang mga nagbabagang mga mata ay titig na titig sa akin. Napasinghap ako ng hangin.
Napakagat ako ng pang-ibabang labi. Ayaw kong makita ni Milo na nalulungkot ako sa kanyang pag-alis dahil ayaw kong maging dahilan ito upang hindi siya tumuloy. Handa ako na mawalay sa kanyang upang matupad at makamit niya ang pangarap niyang makapag-aral sa Akademiya. Iniisip ko pa lang na wala na siya sa piling ko at parang pinapatay ang kalooban ko.
Tumango ako "Palagi rin akong magpapadala ng sulat sa iyo. Galingan mo roon at ayaw kong tatamad-tamad ka sa klase. Malaki ang tiwala ko sa iyo na makakapasa ka sa pagsusulit. Kaya labis kitang ipinagmamalaki, Milo..." mayuming sagot ko sa kanya.
Ngumiti si Milo "Maaari ba kitang halikan?"
Nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya ngunit bago pa ako makasagot ay dali-dali niyang idinikit ang kanyang labi sa akin. Napapikit na lamang ako ng aking mga mata dahil may animo'y kuryenteng nagwawala sa aking sistema. Ang malambot niyang mga labi at malumanay na paghalik ay punong-puno ng labis na pagmamahal. Ramdam ko ang nag-uumapaw na pag-iibigan namin dalawa.
BINABASA MO ANG
Grimoire Academy
FantasyTitus Alexius Constance. He's a dreamer and an idealist that someday will he have a magic powers like his parents. He worked hard every single day to prove to everyone that someday will he have his own Grimoire. He always joined the celebration in t...