Chapter 57

1.6K 123 14
                                    

Chapter 57


TITUS


"Grabe ka Titus, hindi ko alam na magiging madali lang sa'yo ang lahat. Sa mga susunod na araw, maaari ka nang magsanay ng elemento ng hangin." natatawang saad sa akin ni Kisumi habang magkaharapan kami sa pinakagitnang bahagi ng gubat.

Tatlong buwan na sa mundo rito sa loob ng Grimoire ang lumipas noong magsimula akong magsanay ng elemento ng hangin. Sa oras sa labas ay apat na linggo pa lamang ang lumipas.
Pumapasok pa rin naman ako sa klase sa umaga. Sa tanghali namaan ay dumidiretso na ako kaagad ito sa silid ng Punong Maestro, dito na rin ako kumakain ng aking pananghalian.

Ginawa ko ito upang hindi ko na madalas na makasama si Glenn at si Ruhk. Hindi na rin ako sumasabay sa kanila kapag kumakain sa Hapag Kainan. Tutal nasa ibang klase naman si Glenn, sa ilang linggong lumipas ay hindi naman nagkukrus ang aming landas matapos ang huli naming pag-uusap. Si Ruhk naman ay nakikipagkwentuhan pa rin ngunit hindi na rin siya nagtanong kung ano ang ginagawa ko.

Sumasama na rin uli si Io sa aming pagsasanay. Kapag may sobra akong oras ay patuloy pa rin niya akong tinuturuan ng iba pang mga abilidad sa paggamit sa elemento ng tubig. Sa halos anim na buwan ang lumipas ay alam kong maraming ng nagbago sa akin. Ngunit hindi ko naman ipinapakita ang mga natutunan ko sa mga kaklase ko o kahit kay Ruhk at Glenn.

Tumawa ako ng mahina "Maraming salamat... Marami talaga akong natutunan sa'yo Kisumi. Alam mo kaahit hindi halata sa mukha mo na marami kang alam." pang-aasar ko sa kanya.

Ngumisi siya "Baby naman! Ang sakit mong magsalita! Grabe ka sa akin!" natatawang sagot niya.

"Simulan na ba natin dalawa?" tanong ko.

Hindi naman siya sumagot sa akin at naging seryoso ang kanyang mala-payasong mukha.
Kitang-kita ko sa mala-karagatan niyang mga mata ang matinding konsentrasyon. Ilang sandali pa ay napansin ko ang malambot na pagkilos ng kanyang mga kamay na animo'y may hinahanap. Hindi nagtagal, lumakas ang hangin sa buong paligid.

Ganoon din ang aking ginawa. Dahan-dahan at malambot kong kinilos ang mga kamay ko upang hanapin ang pinakadulo ng hangin. Mahina ang pwersa ng dulo ng hangin kaya mas madaling gamitin ito kaysa sa pinakaharap nito. Ito ang sikreto sa paggamit ng abilidad ng hangin, kapag nahanap na ang pinakadulo ng hangin ay maaari nang hilahin ito.

Lumipas ang ilang segundo at marahas na naliliparan ang mga tuyong dahon at sanga sa aking paligid. Unti-unting namuo na animo'y isang maliit na buhawi sa ibabaw ng aking kanang palad. Wala na akong sinayang na oras pa at dali-dali kong ibinato ang malakas na pwersa ng hangin sa aking mga kamay. Agad na nagtungo ito sa kinatatayuan ni Kisumi.

Ngumisi siya "Malayo pa ang lalakbayin mo upang matamaan mo ako, Baby." nang-aasar na saad niya.

Nanlaki ang mga mata ko noong mapansin ko na lumipad papalapit sa akin si Kisumi. Malambot kong hinawi ang aking kamay sa harap niya kaya gumawa ito ng pwersa ng hangin. Isang hugis buwan ang lumabas sa aking harapn at dali-daling lumipad patungo kay Kisumi ngunit agad siyang nakagawa ng isang bilog na panangga gamit ang hangin sa paligid.

Nang mawala ang kanyang panangga ay nagulat ako dahil nakatutok sa aking direksyon ang kanyang mga palad. Muling gumuhit ang mapang-asar na ngisi sa kanyang mukha. Naglabas ng malakas na bugso ng hangin ang mga palad niya na patungo sa aking kinatatayuan. Agad ko naman na ginamit ang hangin sa paligid upang makatakbo palayo sa kanyang atake.

Gumawa ng matinding uka sa lupa at nabuwal ang mga damo nang tumama rito ang malakas na bugso ng hangin. Huminga ako ng malalim at hinigop ang lahat ng hangin sa aking paligid. Ramdam na ramdam ko na dumadaloy sa aking mga braso ang matinding bugso ng hangin. Animo'y nagpapaikot-ikot ito dahil nakibagay na ito sa aking katawan.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon