Chapter 5
TITUS
"Uyy, gising na mataas na ang araw..." rinig kong mahinang saad ng isang hindi ko pamilyar na boses na ngayon ko lamang narinig habang marahan nitong tinatapik ang aking hita.
Dahan-dahan ko naman na inimulat ang aking mga mata kung saan nakita kong napakalapit sa akin ng mukha ng lalaking tinulungan ko kagabi. Agad na nanlaki ang mga mata ko at dali-daling bumalikwas ng tayo. Akmang magsasalita pa sana ako ng maramdaman ko ang unti-unting panlalambot ng mga tuhod ko.
Napalunok ako ng mariin ng maramdaman ko ang mabilis niyang pagsalo sa akin. Para naman akong nakuryente nang lumapat ang aking balat sa kanyang bisig. Maingat niya akong muling pinaupo sa banig. Sino ba naman kasing hindi magugulat sa kanyang asta? Halos ilang sentimetro na lamang ang layo ng aming mga mukha. Para bang ilang saglit lang maglalapat na ang aming mga labi.
Teka?! Ano ba itong sinasabi ko? Kakaiba talaga ang takbo ng imahinasyon ng isang tao kapag bagong gising ito. Kaya naniniwala talaga ako sa kasabihan ng mga matatanda sa bayan na gulatin mo na lang ang lasing huwag lamang ang bagong gising. Pasalamat siya at hindi ko siya nasapak.
"B-bakit naman kasi kailangan ganun kalapit ang mukha mo?" natataranta kong wika sa kanya.
Kinamot naman niya ang kanyang batok bago magsalita "Ahehehe, pasensya na wala kasi akong magawa kasi kanina pa ako gising kaya ginising na lang kita. Oo nga pala, maraming salamat sa pagtulong mo sa akin kahapon." nakangiti niyang sagot sa akin.
Napakagat na lamang ako ng aking pang-ibabang labi dahil pakiramdam ko ay nag-akyatan sa aking mukha ang lahat ng dugo ko sa katawan. Nakakatuwa naman dahil kahit papaano ay nasuklian ng kanyang pasasalamat ang tulong na ginawa ko sa kanya kagabi. Nakakataba lang ng puso dahil pinasalamatan niya ako.
Ngumiti ako "Hehe, walang anuman. Lahat naman siguro ng taong makakasalubong mo ay patutulungan ka kapag nakita ka sa ganoong sitwasyon. Maliit na bagay lamang ang pagtulong ko sa'yo." mahinahon na pagpapaliwanag ko sa kanya.
Mabilis kong sinuri ang kanyang itsura at kalagayan, mukhang nasa maayos naman na siyang kalagayan. Wala nang mga puting bendang nakabalot sa kanyang mga braso at binti. Wala na rin akong nakikitang galos sa kanyang katawan at mukhang nanumbalik naman na ang kanyang lakas. Mabuti na lang at salamat sa Diyos at walang nangyaring masama sa kanya.
"Ano ka ba, malaking tulong ang ginawa mo sa akin. Kaya utang ko ang aking buhay sa'yo. Kung hindi sa tulong mo, wala na siguro ako sa mundong ibabaw na ito. Ako nga pala si Glenn. Isa nga pala akong salamangkero na kung saan eksperto ako sa anumang uri ng tunog. Ikaw anong ngalan mo at anong mahikang taglay mo?" nakangiting pagpapakilala niya sa akin.
Marahas akong napasinghap sa hangin at dali-daling umiwas sa kanyang tingin. Mabilis kong kinagat ang aking pang-ibabang labi habang pinagmamasdan ang mga puno sa labas ng kweba na nasisinagan ng araw. Para bang doon ako naghahanap ng sagot sa tanong niya. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanya na wala akong mahikang taglay.
Ano kayang magiging reaksyon niya? Pagtatawanan din niya ba ako katulad ng iba? Ipagduduldulan din niya ba sa akin na wala akong kapangyarihan? Kukutyain din ba siya ang buong pagkatao ko kung bakit wala akong mahikang taglay?
Bahala na, magiging tapat na lang ako sa kanya dahil wala rin namang patutunguhan kapag ako ay nagsinungaling sa kanya. Alam kong kapag gumawa ako ng kwento at nagkunyaring mayroong mahika baka mawalan lamang siya ng amor sa akin. Mukha pa naman siyang palakaibigan.
BINABASA MO ANG
Grimoire Academy
FantasyTitus Alexius Constance. He's a dreamer and an idealist that someday will he have a magic powers like his parents. He worked hard every single day to prove to everyone that someday will he have his own Grimoire. He always joined the celebration in t...