Chapter 15

4.8K 267 54
                                    

Chapter 15


TITUS


"Simula na ng ating klase? Pasensya na kung hiwalay tayo ng papasukan silid-aralan. Pinakiusapan ko na ang ilang Maestro na ilipat ako sa klase niyo ngunit hindi sila pumayag." malungkot na natatawang wika sa akin ni Glenn habang kinakamot ang kanyang ulo.

Ngumiti lamang ako at pinagmasdan ang kanyang itim at mapupungay na mga mata. Hindi maaalintana na nakapalakas ng dating ng mga matang iyon. Na para bang kapag tinititigan ko ang malalaki at bilugan niyang mga mata ay nawawala ako sa sarili ko dahil nakikita ko repleksyon ko roon.

Kahapon natapos ang paunang pagsusulit sa mga kabataan na nais na makapag-aral sa Akademiya. Wala nang inaksaya pang oras ang mga Maestro at ngayon magsisimula na kaagad ang aming klase. Kasalukuyan akong nasa harap ng aking silid-aralan kung saan may mangilan-ngilan din mga estudyante.

Nag-usap lang kami ni Glenn ng saglit at mabilis din itong nagpaalam sa akin dahil sa kabilang ibayo pa ng Akademiya ang kanyang unang klase. Kahapon ipinaalam sa amin ang papasukan naming mga aralin at magkahiwalay kami nitong si Glenn kaya halos magmukmok ito kagabi.

Ilang minuto na lamang at pagpatak ng alas-otso ng umaga at magsisimula na ang klase. Kaya tahimik akong pumasok sa loob ng silid-aralan at pinagmasdan ang iilang estudyanteng naririto na. Pawang naka-suot na kami ng kanya-kanyang itim na roba na ibinigay sa amin kahapon.

Akmang uupo na sana ako sa isang upuan sa gilid ng makita ko ang isang pamilyar na mukha. Ikinukumpas nito ang kanang kamay niyang pinapapunta at pinapaupo niya ako sa bakanteng upuan sa kanan niya na malapit sa bintana. At dahil wala naman akong ibang kakilala rito kaya lumapit na rin ako.

"Ghorl, dito ka na umupo sa tabi ko." maloko at nakangising saad nito.

Bahagyang napakunot ang noo ko sa sinabi niya? Anong tinawag niya sa akin? Ghorl? Hindi naman iyon ang buong ngalan ko saka ngayon ko lang narinig ng ganyang salita sa buong buhay ko. Itong lalaking ito ay ang isa sa mga naging kasama namin ni Glenn na gumagamit ng kapangyarihan ng yelo.

Tumabingi ang ulo ko bago magsalita "A-ano? G-ghorl? Hindi ko maintindihan ang nais mong sabihin. Hindi naman iyon ang pangalan ko. Titus ang itawag mo sa akin." nagtataka kong sagot.

Pumilantik ang kanyang mga kamay kung saan hinawi niya ang may kahabaan niyang buhok. Tumawa lamang siya ng nakakaloko at dali-dali akong hinila papaupo sa upuan na mukhang inireserba niya sa akin. Bakit ganito umakto ang isang lalaki? Sa pagkakaalala ko ay ipinagbabawal ang ganyang kilos.

"Bruhh, huwag ka ngang kill joy dyan. Huwag kang mag-alala at parehong-pareho tayo! Magkakasundo tayong dalawa! Malayo pa lang ay naaamoy ko na ang tunay na halimuyak ng buong pagkatao mo!" natatawang sabi nito at marahan na hinampas ng kanyang mapipilantik na kamay ang aking kanang braso.

Pakiramdam ko naman ay biglang namula ang aking mukha sa sinabi niya. Hindi ko maipagkakaila na totoo ang sinabi niya at bawal ang ganoong pag-uugali sa Imperyo dahil naniniwala sila na ang mga lalaki ay para sa mga babae. Isang malaking kasalanan na magkaroon ng isang relasyon ang lalaki sa kapwa niya lalaki.

"A-anong ibig mong sabihin? W-wala akong naiintindihan sa mga pinagsasabi mo." pagmamaang-maangan ko.

Ngumuso ang mapupula nitong labi "Huwag ako friend! Unang kita ko pa lang sa'yo kahapon ay alam kong kalahi kita. Saka huwag kang matakot na magladlad, sa Kaharian nga namin ay hindi isyu iyon. I'm Ruhk, from the Kingdom of Maharlika." nakangising pormal na pagpapakilala nito kaya naman akmang kukunin ko ang kanyang kamay upang makipagkamay ngunit nanlaki ang mga mata ko sa kanyang ginawa.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon