Chapter 20
TITUS
"Umupo na kayo sa aking harapan at sisimulan ko na ang ating klase." seryosong wika ni Maestra Raphaela sa amin kaya naman dali-dali kaming umupo sa damuhan.
Ramdam ko ang bahagyang pag-ihip ng pang-umagang hangin at masasabi kong magiging masigla ako ngayon araw dahil masarap ang naging tulog ko sa kwarto. Pagkarating ko roon sa dormitoryo ay nakalatag sa sahig ang isang malambot na kutson. Agad din akong nakatulog muli nang humiga ako roon.
Hindi ko naman nakita si Milo dahil naging tuloy-tuloy ang masarap kong pagtulog habang kaninang umaga naman ay hindi ko na ito ulit nakita dahil baka umalis ito ng maaga papunta sa kanyang klase. Siguro naawa siya sa kalagayan ko kaya dinalhan niya ako ng isang napakalambot na kutson.
"Ano kayang nakain nito ni Maestra Raphaela at hindi niya tayo pinag-ehersisyo ngayon?" tanong sa akin ni Ruhk habang kinakalikot ang kanyang Grimoire.
Nabawasan nanaman ang aming mga kaklase ngunit tila walang pakialam si Maestra Raphaela kung maubusan siya ng estudyante. Nagsilipatan na ang mga ito sa kabilang Maestro at klase. Siguro nasa labing-lima na lang kaming nananatili sa kanya na halos nabawasan sa kalahati.
Umiling naman ako at hindi siya sinagot dahil kahit ako ay naninibago rin sa kilos ni Maestra Raphaela na para bang napipilitan ito base sa kanyang reaksyon sa mukha. Kuwento-kwento kasi ng mga kaklase ko na inabot daw ng isang buwan sa pag-eehersisyo ang mga estudyante niya noong nakaraang taon.
Inayos ko ang robang itim na suot ko at ipinaton ang aking Grimoire sa ibabaw ng aking hita. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa magandang pabalat nito. Ako na ata ang may pinakamagandang pabalat na Grimoire sa lahat ng kaklase ko. At sa wakas ay muli kong magagamit ang mahikang laman nito.
"Magandang umaga at kailangan niyo akong pasalamatan dahil opisyal kong pinapahinto ang inyong ilang na pag-eehersisyo ng inyong katawan. Pasalamat kayo at hindi ko ito ipinaabot ng isang buwan katulad sa nangyari sa mga estudyante ko noon." seryoso at pormal na wika ni Maestra Raphaela habang nakatayo sa aming harapan.
Hawak hawak niya ang isang maliit na baton na gawa sa bakal na may pulang diyamante sa ibabaw ng pinakadulo nito. Umismid naman ang iba kong mga kaklase pati na rin Ruhk matapos marinig ang sinabi ni Maestra Raphaela. Ako naman ay nanatiling tahimik at atentibong nakikinig sa kanya.
Umirap ito "Ismid-ismid pa kayong lahat diyan. Ilang araw lang ang paghihirap niyo tapos sinukuan kaagad ng iba niyong kaklase. Ibang klase rin talaga ang mga kabataan ngayon. Wala kayong karapatan na mag-aral sa Akademiyang ito kung mahihina ang loob niyo." dagdag paliwanag pa niya.
"Kahiya naman sa Maestra natin Ghorl -----" napahinto naman si Ruhk sa pakikipagbulungan ng tawagin siya ni Maestra Raphaela.
"Ikaw kanina ka kita nakikitang nakikipagdaldalan sa katabi mo na tahimik lang. Tumayo ka nga rito sa tabi ko at may ipapagawa ako sa'yo. Ang daldal-daldal mo. Nakapasok ka sa Akademiyang ito para mag-aral at hindi makipagdaldalan!" sigaw naman ni Maestra Raphaela kay Ruhk habang nakataas ang manipis nitong kilay.
Umismid pa si Ruhk at inikot pa ang mga mata habang bugnot na bugnot na tumayo at nagtungo sa harapan. Naghahagikhikan ang iba kong mga kaklase dahil sa nasigawan ito ng Maestra. Ako naman ay pilit na kinakagat ang pang-ibaba kong labi upang pigilin ang nagbabadyang tawa na lalabas sa aking bibig.
Bumuntong hininga ang Maestra "Ngayon, kunin mo ang iyong baton at Grimoire. Ipakita mo sa aming lahat ang pinakamahinang mahika na nakatala sa loob ng iyong Grimoire. Irap-irap ka pa diyan, dukutin ko 'yang mga mata mo nang mabulag ka. Ganda ka ghorl?" seryosong at nang-uuyam na saad nito.
BINABASA MO ANG
Grimoire Academy
FantasiTitus Alexius Constance. He's a dreamer and an idealist that someday will he have a magic powers like his parents. He worked hard every single day to prove to everyone that someday will he have his own Grimoire. He always joined the celebration in t...