Chapter 30

3.6K 197 27
                                    

Chapter 30


TITUS


"Nandito na tayo..." malumanay ngunit seryosong saad ni Milo sa akin nang makita namin sa hindi kalayuan mula sa himpapawid ang tarangkahan papasok sa Bayan ng Slavia.

Tumango ako at labis na nagagalak dahil muli kong makikita sina Nanay Agatha at Tatay Berto. Higit sa tatlong buwan ko rin silang hindi nakasama kaya nasasabik ako sa kanila. Kamusta na kaya sila? Alam kong matutuwa rin sila kapag nakita nila ako at kapag nalaman nila ang magandang balitang hatid ko.

May kataasan na ang sikat ng araw at inabot nga kami ng ilang oras bago makarating dito sa Slavia. Hindi ko alam kung anong ginawa ni Milo at nakarating kami rito sa maikling oras. Ang normal na paglalakbay patungo sa amin Bayan mula sa Kapitolyo ng Imperyo ay halos ilang linggo o isang buwan.

Mahigpit pa rin ang pagkakayakap ko kay Milo habang nakasandal ang aking ulo sa kanyang likod. Naging masarap ang tulog ko kagabi kahit na nakasakay ako sa walis tingting na ito. Kapag wala talagang bumabagabag sa aking isipan ay nakakatulog ako ng maayos at matiwasay.

Napasinghap ako ng hangin dahil sariwang-sariwa ang pang-umagang hangin na humahampas sa amin. Papataas na ang araw ngunit may kalamigan pa rin. Ang taling nakasukbit sa katawan ko ang nagsilbing pampainit ng aming katawan kagabi. Kitang-kita na sa malayo ang payak na pamumuhay ng aming Bayan.

Hindi talaga ako nananaginip! Totoong-totoo na kasama ko si Milo ngayon! Mariin akong napalunok dahil ramdam ko pa rin ang malakas na pagkabog ng dibdib ko at ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Masayang-masaya ako na kasama ko siyang uuwi ngayon sa Bayan na aming kinalakihan.

"Nais kong magtungo sa aming bahay upang makapagpahinga tayo roon. Baka maabutan natin sila Nanay Agatha at Tatay Berto bago sila pumunta sa bukid." nakangiting sagot ko sa kanya.

Akala ko ay magdidirediretso kami sa tarangkahan ng Bayan ngunit marahan itong iniliko ni Milo papunta sa gubat. Natawa na lang ako dahil alam ko na kung saan kami unang magtutungo ngayon. Mukhang nais munang pumunta roon ni Milo bago kami pumasok sa Bayan ng Slavia.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nakita ko na rin ang malaking puno kung nasaan nasa ilalim nito ang kwebang pinagtaguan ko noon. Napangiti ako dahil noong bago pa ako magtungo sa Akademiya ay halos araw-araw akong nagpupunta rito at nagpapalipas ng oras kapag wala akong ginagawa.

Marahan na muling umihip ang pang-umagang hangin na agad lumapat sa aming mga balat. Amoy na amoy ko na ang mga tuyong dahon sa kapaligiran. Kahit na may kataasan na ang haring araw, malilim pa rin sa labas ng kweba dahil na rin sa matayog na punong nasa ibabaw nito.

Dahan-dahan na ibinaba ni Milo ang walis tingting na sinasakyan namin nang makarating kami sa labas ng kweba. Nawala na rin ang apoy na tali sa nagbubuklod sa amin ni Milo. Nang makalapat ang paa ko sa lupa ay kay kamuntikan pa akong mawalan ng balanse dahil sa pangangalay ng mga binti't paa ko.

May pares ng braso ang agad na humila sa akin kaya muling nagdikit ang aming katawan sa isa't-isa. Doon ko napansin ang labis na pagod sa mukha ni Milo na para bang antok na antok siya. Ngunit kahit ganoon ay sumilay pa rin sa labi niya ang tipid na ngiti na ngayon ko lang ulit nakita.

"S-salamat..." nakangiting saad ko sa kanya.

Inalalayan niya akong makapasok sa loob ng kweba wala pa rin itong pinagbago dahil ito pa rin ang ayos ng iwan namin ito ni Glenn noon. Pumapasok sa iba't-ibang siwang ng kweba ang sikat ng araw na nagsisilbing liwanag sa loob. Agad na napaupo sa lupa si Milo at hingal na hingal.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon