CHAPTER 3.8

28 6 0
                                    

NAKATINGALANG tumayo si Seraphiel pagkarinig sa mga huni ng Tiktik. "Narito na sila."

Kinatok ni Knox ang bintana ng truck, si Jessa ang nagbukas.

" Yes, Cap? Narinig namin ang mga—"

"Huwag kayong lalabas, kahit silip lang—huwag. Hindi ko kilala ang likaw ng bituka ng mga aswang na iyon—"

"Baka pati ikaw—kayo mapahamak!" singit ni Iris.

Umiling si Knox. "Hindi nila kami gagalawin, kayo ang mag-ingat."  Bumuga ito ng hangin. "Dapat daw na maipatak agad sa sugat ang langis na manggagaling sa amin, kaya sila na ang pinapunta ko rito. Pasensiya na kung pati kayo eh nalalagay sa alanganin. Basta—Andito na sila, sige na." Siya na ang kusang nagsara sa bintana at inabangan ang pag-landing ng kanilang mga bisita.

"Woah... Will you look at those... " ani Seraphiel habang nakatingin sa nasa singkwenta yatang iba't ibang uri ng aswang sa pamumuno ni Oscar na isang Tiktik.

"Pagbati, Knox Barton," anito habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. "Bakit hindi kayo nagpapalit ng anyo?"

Nagkatinginan sila ni Seraphiel. "Kailangan ba?"

Humuni ito na sinundan naman ng mga kasama nito. Pinigilan niyang ngumiwi dahil sa sakit ng ulo sa tinis ng huni ng mga ito.

"Huwag ninyong pigilan ang pagragasa ng tunay ninyong dugo!" OA nitong sigaw. "Huwag ninyong labanan dahil kayo rin ang mahihirapan!"

"At isa pa... " sabad ng isang hindi nila kilala. "Nakakatakam ang inyong kaanyuan..." Mababakas ang pagkahayok sa laman sa tinig nito.

Mabilis pa sa alas-kwatro na pinakawalan ni Seraphiel ang mga pakpak nito, ni hindi na hinubad ang damit kaya nawasak iyon. Nakangisi pa ito nang tuluyang maging Mandarago. "Tama sila, mas komportable na akong kumilos ngayon," anito bago umangat ng ilang pulgada sa lupa.

Huminga siya nang malalim, kanina pa nga rin niya pinipigilan ang paglabas ng pagiging Tiktik niya. Kinalma niya ang sarili at hinayaang tuluyang magwala ang mga bagay na pinipigilan niya sa kanyang kalooban. Nabawasan ang pagkahilong nadarama niya maging ang pangangati ng gilagid. Ilang saglit pa at lalong naging alerto ang kanyang pakiramdam, parang naging HD ang paningin niya sa paligid.

"Napakaganda," ani Oscar at nilingon ang mga kasama nito. "Mga kasama! Narito ang ating bagong—"

"Sandali lang," putol ni Knox sa anunsiyo ni Oscar.

"Ano iyon?"

"Hindi 'yan ang napagkadunduan natin," aniya.

Tila napaisip si Oscar pagkatapos ay tumango. "May isang salita naman ako, nakaligtaan ko lamang talaga dala ng labis na galak."

"Sigurado ka na bang talaga?" mahinang tanong ni Seraphiel. "Pwede ka pang umatras. Asar ako sa 'yo, pero mahalaga ka sa grupo."

Umiling siya. "Dito ako nababagay..."

"ANO na kayang nangyayari sa labas? Masyado silang tahimik." Pinigilan ni Iris ang sarili na sumilip sa bintana.

"Magtiwala na lang tayo kay Cap," ani Tina.

"Kay Cap, may tiwala ako. Sa mga kasama niya—wala," sagot naman ni Roue.

Nagkagulatan pa nang biglang bumukas ang pinto ng truck at bumuglaw sa kanila si Seraphiel na walang pang-itaas at magulo ang buhok. Hinihingal ito.

"Ano'ng nangyari?!"

"Nasaan sila?!"

"Bakit ganyan ang itsura mo?!"

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon