CHAPTER 2.7

61 7 1
                                    

NAKATINGIN lang si YiHan sa pinto ng gym. Kanina pa iyon bukas pero hindi siya pumapasok.

"O? Bakit andito ka pa? Pumasok ka na sa loob," anang synthetron na kasama niya, pagbalik mula sa pagbili ng kape sa vending machine.

Pinagkiskis nya ang mga kamay. "Nahihiya po ako. First time kong maggi-gym. Hindi ako marunong,"

"Ganoon ba? Halika, sasamahan kita sa loob." Inakay siya nito papasok at iginiya sa harap ng malaking salamin at tinuruang mag-weights.

Ang kaso, wala doon ang focus niya, kundi nasa babaeng nasa threadmill. Ewan ba niya kung bakit sa dami ng babaeng naroon, wala pang isang minuto ay parang nahulog na ang loob niya rito. Gusto niya sanang lumapit, kundi lang sa lalaking kausap nito.

"Jasmine!"

Biglang lumingon sa direksyon nila yung babae, yung synthetron pala ang tumawag dito.

Kumaway ito at lumapit, siya naman ay parang maiihi na ewan.

"Yes, Kuya Nivla?" nakangiti nitong bati.

"May ipakikilala ako sa 'yo, si—"

"Hansel, Hansel Yee," agap niya at inilahad ang kamay.

"Jasmine,  Jasmine Estuesta.”

Nang tanggapin ni Jasmine ang kamay ni YiHan o Hansel ay parang sumipa sa 200 ang bp niya. Ambilis ng tibok ng kanyang puso, daig pa ang tumakbo sa olympics.

Napatingin siya kay Nivla, nginitian siya nito at tinapik sa balikat bago bumaling kay Jasmine.

"Jasmine, ikaw muna ang bahala dito kay Yi—Hansel ha, ngayon lang sya maggi-gym at medyo nahihiya pa."

"A, no problem kuya, akong bahala rito kay Hansel," nakangiti nitong sagot.

Iniwan na nga sila ng sira-ulong synthetron, ilang na ilang siya kay Jasmine, samantalang ito ay daldal lang nang daldal at tinuturuan siyang gumamit ng mga gym equipments.

"Huy!"

Napakurap siya nang bungguin nito ang kanyang balikat. Sobrang lapit na pala nito sa kanya, lalo tuloy siyang nailang. "H-ha?"

Tumawa lang ito at tinalikuran siya, pero lumingon din kaagad. "Halika! Doon tayo sa palasyo ko!"

"P-palasyo?"

"Ang favorite place ko rito sa facility, halika!" At hinila siya nito palabas ng gym.

Nang mga oras na iyon, isang awit ang nasa isip niya.

PRINSESA...

Sa garden sila nakarating, nag-aalinlangan pa si YiHan dahil baka hindi siya pwedeng pumunta sa parteng iyon ng facility.

"J-Jasmine, hindi ba tayo mapapagalitan dito? Lalo na 'ko, baka bawal akong lumabas—"

"Hindi naman tayo lumabas, nasa Stravos pa rin tayo, asa namang makakalabas nga tayo," tatawa-tawa nitong sagot.

Iilibot niya ang paningin sa paligid. Hardin nga iyon, maraming bulaklak at halaman, may ilang puno din. Ngunit napapaderan naman ng napakataas.

Pinanood lang niya si Jasmine na gumawa ng koronang bulaklak, 'yun bang santan na iba't iba ang kulay. Napangiti siya, sa tagal niya sa Stravos Research Facility, puro kemikal, gamot at nabubulok na laman ang naaamoy niya, ngayon lang siya nakalanghap ng preskong simoy ng hangin. Sa tuwina pati, ay mga seryoso at nakakatakot na scientists at synthetrons ang nakakasalamuha niya, ngayon lang siya uli nakakita ng nakangiting mukha ng isang babae, isang magandang babae.

Bagay na bagay ito sa lugar na kinaroroonan nila, Jasmine, isang uri ng bulaklak...

"Pinagtatawanan mo ba 'ko?"

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon